Balita

Puu-puong libong manggagawa sa US, nakawelga mula Agosto

,

Mula Agosto hanggang kasalukuyan, puu-puong libong manggagawang Amerikano mula sa tatlong industriya ang naglunsad ng mga welga sa malalaking kumpanya sa iba’t ibang industriya at bahagi ng bansa upang itulak ang panawagan para sa makatarungang sahod at iba pang kahingian sa gitna ng krisis.

Noong Setyembre 2, 10,000 manggagawa sa hotel sa ilalim ng unyong UNITE HERE ang nagwelga sa gitna ng tinaguriang pinakaabalang panahon para sa mga manlalakbay. Nagprotesta sa mga lansangan ang mga manggagawa sa pinakamalalaking hotel ng US tulad ng Hilton, Hyatt, at Marriott sa Boston, San Francisco, San Diego, San Jose, Seattle, Greenwich at sa Honululu at Kauai sa Hawaii. Hiling nila ang makatarungang sahod, mas maayos na mga kundisyon sa paggawa at dagdag na istap para sa trabaho.

Ayon sa ulat mismo ng industriya, umabot sa $101.3 bilyon ang kabuuang (gross) kita ng mga hotel noong 2022, mas malaki kumpara sa 2019 bago tumama ang pandemyang Covid-19. Sa kabila nito, pinananatili ng mga may-ari ng mga hotel ang sahod ng mga manggagawa sa antas noong pandemya kung saan tumanggap sila ng malalaking kaltas. Hindi na rin nag-empleyo ng dagdag na mga manggagawa ang mga hotel matapos tapyasan ng mga ito ang pwersa ng paggawa noong pandemya. Dahil dito, pinagtatrabaho ang natitirang manggagawa nang 70 hanggang 80 oras kada linggo.

Noong Agosto 16, umaabot sa 17,000 manggagawa sa AT&T sa Alabama, Florida, Georgia, Kentucky, Louisiana, North Carolina, South Carolina, at Tennessee ang nagwalk-out sa kanilang trabaho dulot ng di maayos na pakikitungo ng maneydsment sa isinagawang negosasyon sa unyon nitong Communications Workers of America Union (CWA). Nagsampa ang unyon ng kaso laban sa kumpanya kaugnay ng hindi makatarungang mga labor practice.

Ayon sa unyon, kumita nang $16 bilyon ang kumpanya noong 2023. Nakakopo din ito ng milyon-halagang kontrata para sa pagkakabit ng internet sa mga bahay at negosyo sa US. Sa kabila nito, tinanggihan nito ang makatarungang hiling ng mga manggagawa para sa karampatang sahod at benepisyo. Hindi ito tapat na nakikipagnegosasyon sa unyon at sa halip na humingi ito ng tagapamagitan mula sa gubyerno na ayon sa unyon ay taktika lamang para patagalin pa ang negosasyon. Ang AT&T ang isa sa nangungunang kumpanya sa telekomunikasyon sa US.

Noon namang Agosto 30, daan-daang drayber ng rideshare na namamasada sa Nashville International Airport ang bumoto para magwelga laban sa anila’y lumalalang kundisyon sa paggawa. Kabubuo lamang nila ang kanilang unyon, ang Tennessee Drivers’ Union, noong Agosto 20. Iginigiit nila na palawakin ng paliparan ang paradahan na nakalaan para sa kanila, gayundin na bigyan sila ng akses sa malilinis na palikuran habang naghihintay sila ng mga pasahero. Itinutulak din nila sa mga kumpanya tulad ng Uber at Lyft na bigyan sila ng nakabubuhay na sahod, sa pamamagitan ng pagbabayad sa kanila “kada minuto at kada milya.”

“Itinaas ng Uber ang singil nito sa nakaraang tatlong taon,” ayon sa unyon. Gayunpaman, kinakailangan ng mga drayber nito na magtrabaho ng sobra-sobra para lamang makaagapay sa kanilang gastos kada linggo.

Sa New York City, nagsagawa ng pagkilos noong Setyembre 4 ang mga drayber sa ilalim ng New York Taxi Workers Alliance (NYTWA) para itulak ang Uber at Lyft para sa mas maayos na mga kundisyon sa paggawa. Kinundena nila ang patakarang “lockout application” kung saan nililimita ang akses ng mga drayber sa riding app (programa sa smartphone kung saan kinokontak sila ng mga pasahero) sa mga panahong “mababa” ang demand. Ipinatupad ng kumpanya ang hakbang na ito para ikutan ang kautusan ng syudad na bayaran ng kumpanya ang mga drayber sa kanilang “idle time” o libreng oras habang naghihintay sila ng pasahero.

Iginigiit din ng unyon ang pagpapatawad sa mga utang ng mga drayber ng taxi na dala ng matataas na singil para makakuha ng permit (tinatawag na “medallion”) na nasa $160,000 kada taxi ngayon pero dati ay umabot sa $1 milyon. Ang unyon ay may 28,000 myembrong drayber.

AB: Puu-puong libong manggagawa sa US, nakawelga mula Agosto