Balita

Rehimeng Marcos, itinakwil ng mga magsasaka ng Cagayan Valley

,

Lubos na itinatakwil ng masang magsasaka sa Cagayan Valley si Ferdinand Marcos Jr at ang kanyang rehimen.

Sa isang pahayag noong Oktubre 18, inilatag ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid-Cagayan Valley ang nagpapatuloy na pagpapahirap sa kanila ng reaksyunaryong estado.

Ayon sa grupo, buwan ng anihan ng mais sa kalakhan ng Cagayan Valley ang Oktubre. “Tulad ng kadalasang tagpo tuwing anihan, resibo na lang ang maiuuwi ng naluging magsasaka.”

Ilang dekada nang nagtatanim ng hybrid na mais ang mga magsasaka sa rehiyon. Sa buong panahong ito, walang pag-unlad sa kanilang buhay at kabuhayan. Sa halip, lalo silang nalubog sa utang.

“Sa unang mga araw ni Marcos sa poder, naitala ang pinakamataas na presyo ng abono (urea) na umabot sa mahigit ₱3,500,” pahayag ng PKM. Sa kabila nito, patuloy na binabarat ang produkto ng mga magsasaka. Ang dating ₱22/kilo na presyo ng mais bago ang anihan ay biglang ibinaba tungong ₱18/kilo pagsapit ng anihan. Ganito rin ang kalagayan ng mga nagtatanim ng palay sa rehiyon, ayon sa PKM.

Binatikos ng grupo ang rehimeng Marcos, na anito’y “daig pa ang inutil at walang silbi.”

“Hindi maramdaman ng karamihan sa mga magsasaka ng rehiyon (kahit) kakarampot na tulong ng pamahalaan sa panahon ng magkakasunod na bagyo mula kay Florita hanggang kay Neneng na nanalasa sa malaking bahagi ng Isabela at Cagayan,” ayon sa grupo.

Tulad sa maraming bahagi ng bansa, kawalan ng sariling lupa ang pangunahing suliranin ng mga magsasaka sa Cagayan Valley. Nangangamba pa ang grupo dahil lalong dumami ang mga engrandeng proyektong “pangkaunlaran” sa rehiyon. “Napupunta ang malalawak na lupaing agrikultural at katubigan sa rehiyon sa pakinabang ng mga dayuhang negosyo kasabwat ang mga lokal na burukrata-kapitalista,” ayon sa PKM.

Kabilang sa mga ito ang pagpapalawak ng Cagayan Economic Zone Authority (CEZA); malawakang pagpapatanim ng rubber tree at bamboo propagules sa mga bayan ng Cagayan; pagbabalawak ng lupang tinatamnan ng tubó sa Isabela na pag-aari ng malaking burgesya at panginoong maylupang si Martin Lorenzo; malawakang pagmimina ng Oceana Gold Mining Company sa Nueva Vizcaya; at pagtatayo ng dam sa ilog ng Ilagin sa Isabela.

“Direkta nitong sinisira ang buhay ng mga magsasaka, ang kanilang komunidad, at kalikasan,” ani grupo.

AB: Rehimeng Marcos, itinakwil ng mga magsasaka ng Cagayan Valley