Reklamo sa mabaho, di makaing alawans na bigas, inihapag ng mga guro

Nakipagdayalogo noong Hunyo 21 ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa pamunuan ng National Food Authority (NFA) hinggil sa mabaho at di makaing bigas na ipinamahagi sa mga guro bilang One Time Rice Assistance (OTRA).

Partikular na inihayag grupo ang mga reklamo kaugnay ng pamimigay ng OTRA, na liban sa atrasado, may amoy at may kaibang kulay pa ang bigas na ipinamahagi. Inireklamo rin nila ang pahirap na proseso ng paghingi ng notarized authorization ng NFA at mga problema sa transportasyon ng bigas sa mga eskwelahan.

Nasiwalat sa pulong na walang nakalaang badyet para sa transportasyon ng bigas at sa halip ay nakaasa ito sa mga lokal na gubyerno. Paliwanag pa ng ahensya, ang binayaran lamang ng Department of Budget and Management ay ₱25.00/kilo na bigas samantalang ang presyo talaga ng bigas ay nasa ₱33.60/kilo.

Matapos ang dayalogo, nangako ang NFA na tatapusin ang pamimigay ng bigas sa Hunyo 30 para sa lahat ng mga rehiyon maliban sa National Capital Region, na target nitong kumpletuhin ng Hulyo 7.

Naigiit din ng unyon na ibalik at palitan ng NFA ang sirang bigas na ipinamahagi na.

Samantala, nagpahayag din ng pagkadismaya ang ACT at mga unyon nito sa rehiyon sa makupad na pagbibigay ng Department of Education ng Performance-Based Bonus (PBB) ng mga empleyado ng DepEd para sa 2021.

Ayon sa ACT-National Capital Region, ang PBB 2021 na ang pinakanaantalang benepisyo na dapat ipinamahagi na ng DepEd sa mga guro.

AB: Reklamo sa mabaho, di makaing alawans na bigas, inihapag ng mga guro