Balita

Reklamong paglabag sa BP 880 sa nagprotesta sa mga tiwaling Discaya, ibinasura ng prosekyutor

,

Hindi na umabot sa korte ang reklamo ng mga pulis ng paglabag sa Batas Pambansa (BP) 880 o Public Assembly Act of 1985 laban kay Jonila Castro, tagapagsalita ng Kalikasan People’s Network for the Environment. Ibinasura ng Pasig City Office of the Prosecutor ang naturang reklamo sa kawalan ng sapat na batayan at ebidensya laban kay Castro.

Naharap si Castro sa reklamo matapos manguna sa pagkilos noong Setyembre 4 sa harap ng gusali ng St. Gerrard Construction, pag-aari ng mga Discaya, na isa sa mga kontratistang imbwelto sa batbat-sa-korapsyong mga proyektong flood control. Binato nila ng putik ang logo at geyt ng kumpanya bilang simbolikong pagpapamalas ng kanilang galit.

Kontrolado ng Discaya hindi lamang ang St. Gerrard kundi walong iba pang kumpanya sa konstruksyon. Sa pananaliksik ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), sinasabing kinopo ng siyam na kumpanya ang 421 proyektong imprastruktura na nagkakahalaga ng ₱31 bilyon.

Nauna nang nagpahayag ng paninindigan si Castro na karapatan ng mga mamamayan ang magreklamo, maningil, at magprotesta, laluna sa gitna ng lantarang korapsyon. “Kulang pa ang putik na inihahagis at ipinapahid sa tarangkahan ng mga Discaya at sa mga mukha ng mga magnanakaw at korap, sa putik at kahirapang kinalulubugan ng mamamayan sa araw-araw,” aniya.

Ikinalugod ng Environmental Defenders Congress ang pagkakabasura sa reklamo. Ayon sa grupo, ipinakita ng pagkapanalo ni Castro laban sa reklamo na ang protesta ay isang pundamental na karapatan.

Dagdag ng grupo, patunay ang protesta laban sa mga Discaya na makatao lamang ang paglaban sa isang sistemang pinagkakaitan ang mamamayan ng hustisya at dignidad. “Ang protesta laban sa mga Discaya ay isang sigaw ng makatarungang galit laban sa sistemikong korapsyon, kung saann hindi dapat gamitin ang “kapayapaan at kaayusan” para diktahan ang kondukta ng pagpapahayag ng masa ng kanilang galit,” ayon sa grupo.

Pagdidiin pa nito, nakaugat ang galit na ito sa matagal nang kalupitan ng kagutuman at mga sakunang dulot ng estado laban sa sarili itong mamamayan. “Ang pakikibaka natin laban sa korapsyon ay nagpapatuloy at lalo lamang tumitindi, hanggang lahat ng mga sangkot na kontratista at mga upisyal ng gubyerno ay mapanagot,” pahayag ng grupo.

AB: Reklamong paglabag sa BP 880 sa nagprotesta sa mga tiwaling Discaya, ibinasura ng prosekyutor