Sama-samang pagpalaot, tugon ng mga mangingisda sa 'fishing ban' ng China sa West PH Sea

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Sama-samang papalaot ang mga mangingisdang kasapi ng Panatag Fisherfolk Association, lokal na organisasyon ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), sa darating na Mayo 30-31 bilang tugon sa taunang “fishing ban” o pagbabawal na mangisda na ipinataw ng China. Ipinataw nito ang pagbabawal, mula Mayo hanggang Setyembre 16, sa mga erya ng South China Sea “hilaga ng 12 degrees North latitude” kung saan bahagi ang Panatag Shoal (Scarborough), na 124-nautical miles mula sa Zambales.

“Hindi kami tatalima sa walang batayang fishing ban ng China sa aming karagatan. Walang karapatan ang sinumang dayuhan na magbawal ng pangingisda sa sarili nating teritoryo,” ayon kay Joey Marabe, koordineytor ng Pamalakaya sa Zambales.

Aniya, “insulto at hindi katanggap-tanggap na ang China pa ang magpapatupad ng fishing ban para diumano sa konserbasyon ng karagatan, samantalang sila ang nagsasagawa ng mapanirang aktibidad tulad ng reklamasyon at iligal na pamamaraan ng pangingisda.”

Hindi bababa sa 20 maliliit na bangka ang lalahok sa kolektibong pangingisda para hamunin ang 4-buwang fishing ban ng China. Giit ng grupo, bahagi ito ng pagtataguyod ng soberanong karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Mangingisda sila sa 20-30 nautical miles mula sa baybayin ng Masinloc, Zambales.

Ipinahayag ni Ronnel Arambulo, pambansang ikalawang tagapangulo ng Pamalakaya, na “walang ibang mahusay na paraang igiit ang karapatang mangisda sa ating exclusive economic zone kundi ang pagsasagawa ng kolektibong aktibidad pang-ekonomya.”

Ang fishing ban ng China ay inilinaw ng International Arbitral Ruling noong 2016 na labag sa internasyunal na mga batas. Anila, labag ito sa Article 56 ng 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Malaon nang iginigiit ng Pamalakaya ang soberanong karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Tinututulan nila kapwa ang panghihimasok ng China sa teritoryong pandagat ng bansa at higit na pagyurak ng US sa soberanya ng Pilipinas. Sila rin ang tumuligsa sa ipinataw na fishing ban ng rehimeng Marcos sa baybayin ng Palawan, Zambales at Ilocos para bigyang daan ang Balikatan 39-24 at pagpapasabog nito ng bomba sa karagatan bilang bahagi ng war games.

Samantala, muling naghain ng diplomatikong protesta ang Department of Foreign Affairs ng Pilipinas laban sa fishing ban ng China. Ito na ang ika-25 diplomatikong protesta ng ahensya laban sa China ngayong taon at ika-158 sa ilalim ng rehimeng Marcos.

AB: Sama-samang pagpalaot, tugon ng mga mangingisda sa 'fishing ban' ng China sa West PH Sea