Duterte, pinananagot ng Bayan Muna sa pagtatago kay Quiboloy

Ang artikulong ito ay may salin sa English

May pananagutan ang dating presidente na si Rodrigo Duterte sa pagtatago nito sa puganteng pastor na si Apollo Quiboloy, pahayag ng Bayan Muna Partylist noong Hulyo 1. Reaksyon ito ng partido sa pag-amin ni Duterte na alam niya kung saan naroon ang pastor pero hindi niya ito ibubunyag. Pinaghahanap ng batas si Quiboloy para iharap sa korte sa mga kasong pang-aabuso sa bata at human trafficking na nakasampa laban sa kanya.

“Yan ang problema kay Duterte. Nung presidente sya, inaatake nya lahat ng hindi sang-ayon sa kanya pero pinoprotektahan niya ang mga kaibigan niya kahit nagkasala sa batas,” ayon kay Bayan Muna Chairman Neri Colmenares. Dahil abugado si Duterte, maaari siyang kasuhan sa ilalim ng Code of Professional Responsibility and Accountability.

“Nagpapatunay ang mag aksyon ni Duterte na mas pinahahalagahan niya ang personal na katapatan kaysa batas at paghahangad ng katarungan,” ayon kay Colmenares. “Pero dati na rin naman siyang kilala sa pagbalewala sa hudikatura sa kanyang gera kontra-droga,” aniya.

AB: Duterte, pinananagot ng Bayan Muna sa pagtatago kay Quiboloy