Sektor ng edukasyon, nagkaisa para isulong ang dagdag-sweldo

Nagtipon ang mga guro, edukador, estudyante at suportang personel ng mga pribado at pampublikong eskwelahan noong Setyembre 23 para itatag ang Education Workers’ Alliance for Greater and Equitable Salaries (Educ WAGES) para isulong ang makabuluhang dagdag sweldo para sa lahat ng mga manggagawa sa sektor ng edukasyon. Isinagawa ang aktibidad sa University of the Philippines (UP)-Diliman sa Quezon City.

Pangunahing layunin ng alyansa ang sumusunod:

a. makipagtulungan sa pinakamalawak na bilang ng mga edukador, asosasyon, organisasyon at pederasyon para sa inisyatiba at programang nagsusulong ng dagdag na sweldo at benepisyo sa ekonomya

b. aktibong paglahok sa pakikipagdayalogo sa mga nasa pusisyon at paglulunsad ng mga mobilisasyon

c. pagkalap ng suporta sa publiko sa pamamagitan ng pagpirma sa petisyon at iba pang mga porma sa pamamagitan ng social media;

d. pag-imbita at pagbuo ng pagkakaisa sa hanay ng mga edukador para aktibong lumahok sa pagkampanya sa makatarungan at nakabubuhay na sahod

e. suportahan ang lahat ng panukalang lehislatibo na pumapabor sa layuning tugunan ang tumitinding kalagayan sa ekonomya ng mga manggagawa sa edukasyon.

Sa pagtatapos ng kanilang aktibidad ay pinirmahan ng mga lumahok sa pagtitipon ang nagkakaisang pahayag ng alyansa. Nagpaabot din ng pakikiisa sa mga manggagawa sa edukasyon sina Rep. France Castro ng ACT Teachers Party-list, Sen. Loren Legarda, Sen. Chiz Escudero, Sen. Risa Hontiveros, at Sen. Win Gatchalian.

Samantala, naglunsad ng koordinadong Black Friday Protest ngayong araw ang mga unyonistang guro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT). Ang protesta ay paghahanda nila sa darating na nagkakaisang martsa ng mga kaguruan sa Oktubre 5, World Teachers’ Day.

Kaugnay nito, iginigiit ng mga guro ang pitong kahingian ng sektor. Kabilang sa mga panawagang ito ang dagdag-sweldo para sa mga guro at manggagawa sa sektor ng edukasyon, pagpapaunlad ng benepisyo sa mga guro at empleyado sa edukasyon, pagtugon sa matagal nang mga kakulangan sa edukasyon para makabawi sa pagkatuto ng mga bata, buong pagpondo sa libreng edukasyon sa kolehiyo, at pagbasura sa kurikulum ng K to 12 at paglulunsad ng bukas, demokratiko at tunay na konsultasyon kaugnay nito.

“Hindi mga konsyerto o libreng masahe ang aming kailangan. Ang aming kailangan ay mga programang magbabago sa aming kalagayan, at sa kagyat ay marapat na tugunan ng administrasyong Marcos-Duterte ang aming pitong mayor na kahingian,” pahayag ni Vladimer Quetua, Tagapangulo ng ACT-Philippines.

AB: Sektor ng edukasyon, nagkaisa para isulong ang dagdag-sweldo