Sibilyan at hindi mandirigma ang "pinasuko" sa Negros Oriental

Pinasubalian ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Southeast Negros ang sinasabing pagsuko ng isang mandirigma nito sa Negros Oriental Police Provincial Office (NOPPO) kamakailan. Sa pahayag noong Agosto 17, inilinaw ni Ka Estrella Banagbanag, tagapagsalita ng yunit ng BHB, na ang 37-anyos na si Rene Potane Janayan na sinasabing sumuko ay hindi kasapi ng BHB.

Si Janayan, residente ng Sityo Dawis, Barangay Calango, Zamboanguita, ay isang magsasaka sa kanilang komunidad. Palabas lamang ang pagprisenta sa kanya na may dalang isang kalibre .45 pistola, mga bala at rifle grenade, ayon kay Banagbanag.

“Malinaw na ang pagpapasuko kay Janayan ay bahagi ng umaalingasaw na iskemang pangungurakot ng NTF-Elcac, na kinatatangian ng pagpapares ng kung anong lumang pistola at rifle grenade na hindi naman magagamit,” ayon kay Banagbanag.

Dagdag pa niya, si Janayan ay katulad ng mayorya ng mga Negrosanon na lugmok dahil sa krisis sa ekonomya na lalong umiigting sa panahon ng tiempo muerto. “Sinasamantala ng mga ahente ng estado ang bulnerabilidad ng mamamayan…kapalit ng pera o tulong kung sila ay susuko,” dagdag pa ni Banagbanag.

Sa programa ng gubyerno na E-CLIP o Enhanced Comprehensive Local Integration Program, nangangako ang mga sundalo na magbibigay ng samutsaring tulong sa mga “sumuko” tulad ng kagyat na cash na P15,000 at ayuda sa kabuhayan na P50,000. Dagdag pa ang katumbas na halaga ng armas na “sinuko.”

Pero ang totoo, kadalasang binibigyan lamang ng ilang kilong bigas, mga delata at kakarampot na halaga ang pinalalabas na mga “sumuko.”

AB: Sibilyan at hindi mandirigma ang "pinasuko" sa Negros Oriental