Sibilyan, pinatay ng 4th IB sa pekeng engkwentro sa Occidental Mindoro
Buhay na naaresto at sadyang pinaslang ng mga sundalo ng 4th IB ang sibilyang si Juan Sumiling sa Sityo Salidang, Barangay Naibuan, San Jose, Occidental Mindoro noong Agosto 1. Ang biktima ay pinalabas ng mga sundalo na isang myembro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Mindoro (Luicio de Guzman Command) na napatay sa isang engkwentro.
Sa isang pahayag, inilinaw ng tagapagsalita ng National Democratic Front (NDF)-Mindoro na si Ka Ma. Patricia Andal na hindi Pulang mandirigma si Sumuling. Dagdag pa niya, walang labanang naganap sa pagitan ng 4th IB at ng alinmang yunit ng BHB-Mindoro dahil wala ni isang yunit ng hukbo sa nasabing barangay sa mga panahong iyon.
“Ang katotohanan, hinuli ng buhay ng mga pasistang sundalo si Sumiling, pinahirapan, saka walang awang pinatay. Taliwas at nakapagtataka din ito sa paulit-ulit na deklarasyon ng 203rd Bde, 68th IB, at ng lokal na gubyerno ng San Jose na wala nang BHB sa saklaw ng San Jose,” ayon pa kay Andal.
Sa impormasyon ng grupo, ang 50-anyos na si Sumiling ay mahigit isang dekada nang nakikipamuhay sa mga komunidad ng katutubong Buhid at Hanunuo Mangyan. Nagmula si Sumiling sa pamilya ng maralitang magsasaka-Maranao sa Mindanao na nakulong sa Sablayan Penal Colony sa Occidental Mindoro dahil sa pagtatanggol sa kanilang karapatan sa lupa.
Nagawang tumakas ng kulungan ni Sumiling noong 2012 at mula noon ay nagpalipat-lipat sa mga komunidad ng katutubong Mangyan. Ayon sa NDF-Mindoro, mula sa taong iyon ay naging katuwang siya ng mga katutubong komunidad para sa pagpupundar ng tubigan, pagtatayo ng irigasyon, at iba pang kaalaman at teknik sa pagsasaka.
Pinagkaisa niya ang mga katutubo, itinayo ang kanilang mga organisasyong masa, at pinangunahan ang pagtataas ng disiplina ng mamamayan dahil alam niyang mas malakas na pwersa ang sama-samang pagkilos ng mamamayan, ayon pa sa grupo. “Nagpakita siya ng tunay na malasakit sa mga katutubo,” pahayag ni Andal.
Sa tala ng NDF-Mindoro, si Sumuling ang ikatlong biktima ng ekstra-hudisyal na pagpaslang ng mga pwersa ng estado sa nagdaang taon. Ang naunang dalawang biktima ay ang estudyanteng Mangyan na si Jay-el Maligday na pinatay ng 4th IB noonng Abril 7, 2024 sa Bulalacao, Oriental Mindoro at ang Hanunuo Mangyan na si Hulyo Aytag noong Marso 14 sa Mansalay, Oriental Mindoro.
“Lalong nagpapatunay ang sunod-sunod na pagpaslang sa mga lehitimong sibilyan na nagaganap ang hindi deklaradong batas militar sa kanayunan ng Mindoro,” ayon kay Andal. Dagdag pa niya, isinasagawa ito ng 203rd IBde sa desperasyong palabasin sa publiko ang ilusyong walang kakayahan, mahina, at hindi sinusuportahan ng mamamayang Mindoreño ang rebolusyonaryong kilusan sa Mindoro.
Para imbestigahan ang pagpaslang kay Sumuling, kaagad na naglunsad ng fact-finding mission ang Karapatan-Southern Tagalog sa bayan ng San Jose. Nagtungo ang tim ng mga tagapagtanggol ng karapatang-tao at paralegal para sa imbestigasyon at pag-aasikaso sa bangkay ng biktima. Tulad sa nakaraan, ginigipit at minamanmanan ng mga sundalo ang Karapatan-ST.
Liban sa kinahaharap nilang panggigipit, inireklamo ng grupo ang pagbabantay ng militar sa bangkay ng biktima sa punerarya. Ayon sa Karapatan-ST, lubhang paglabag sa internasyunal na makataong batas ang ginagawang ito ng 4th IB, dagdag pa sa kriminal na pananagutan nito sa pagpaslang sa sibilyan. “Ito ay hindi lamang pambabastos sa labi ng biktima at sa International Humanitarian Law, kung hindi’y taktika ng pananakot at kontrol,” anang grupo.
“Sa halip na madaliin ang makataong paglibing, pinagpapasahan ng [lokal na gubyerno], AFP, at PNP ang humanitarian team ng Karapatan ST. Matinding delaying tactics ang kinakaharap ng team ngayon mula sa LGU na siya mismong nagtuturo pa ng ibang kamay sa halip na akuin ang kanilang tungkulin na bigyan nang kagyat na aksyon ang krisis na ito,” pahayag ng grupo. Hinamon ng grupo ang meyor ng bayan na si Rey Ladaga na tumindig laban sa 4th IB at akuin ang sibilyang kapangyarihan laban sa paghaharing militar.
Samantala, nakikikoro ngayon sa kasinungalingan ng 4th IB at AFP ang grupo ng mga traydor sa mamamayan na Kapatiran ng mga Dating Rebelde (Kadre)-Mimaropa. Ipinagtatanggol ng mga traydor na ito ang pagpaslang ng 4th IB sa isang sibilyan, na nataon sa unang linggo ng Agosto na buwan ng paggunita sa International Humanitarian Law.