Balita

Sigaw sa Internasyunal na Araw ng Karapatang-tao: Duterte panagutin, Marcos, singilin!

,

Nagtipon ang mga demokratikong organisasyon at progresibong partido sa Liwasang Bonifacio sa Maynila kahapon, Disyembre 10, para gunitain ang ika-76 Internasyunal na Araw ng Karapatang-tao. Dala ang panawagang “Duterte panagutin, Marcos singilin,” inilahad nila ang kalunus-lunos na kalagayan ng karapatang-tao sa bansa sa ilalim ng dalawang magkasunod na rehimen. Nagkaroon ng parehong mga pagkilos sa iba’t ibang syudad sa buong bansa. Sa Liwasan, sinira ng mga raliyista ang isang effigy na tinawag nilang “Mamamayan vs Kasamaan at Kadiliman.” Inilarawan nito sina Ferdinand Marcos Jr at ang mga Duterte sa isang basurahan na sumisimbolo sa kanilang kabulukan.

“Sa taong ito, ginugunita natin ang Pandaigdigang Araw ng Karapatang-tao sa harap ng muling pagtatangka ng rehimeng Marcos Jr na pabanguhin ang sarili nito sa gitna ng dumaraming paglabag ng mga tauhan nito sa militar at pulis sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas,” pahayag ng Karapatan.

Sa mismong araw na iyon, inilunsad ng rehimeng Marcos ang huwad na Human Rights Action Plan, isang plano na binatikos ng mga grupo sa karapatang-tao na “hindi naglalayong tugunan ang mga pangunahing problema na nagdudulot ng mga paglabag sa karapatang sibil at pampulitika at internasyunal na makataong batas.” Sa halip, isa itong pakitang-taong plano para palabasing “maayos ang lahat” sa Pilipinas sa mata ng internasyunal na komunidad.

“Dapat parehong panagutin sina Rodrigo Duterte at Ferdinand Marcos Jr sa bawat buhay na kinitil, bawat biktima ng sapilitang pagkawala, bawat nabilanggo nang walang kasalanan, bawat pinaghinalaang adik o pusher na pinaslang,” ayon sa Karapatan. “Dapat (ring) panagutin ang imperyalismong US, na siyang nagdidisenyo at nagpopondo sa mga madugong pakanang ito. Sadyang sinusuhayan ng US ang mga rehimeng sunud-sunuran sa mga patakarang pabor sa mga imperyalista at sumusupil sa karapatan ng mamamayang lumaban at maghimagsik sa mga mapanupil na papet na ito.”

Sa Bicol, nagtipun-tipon ang mga grupo sa pamumuno ng Bayan-Camarines Sur sa Plaza Quinze Martirez sa Naga City. Samantala, nailunsad ng mga grupong demokratiko ang protesta sa harap ng panrehiyong upisina ng Commission of Human Rights (CHR) sa Legazpi City sa kabila ng panghaharang sa kanila ng mga pulis habang nagtitipon pa lamang sila sa Daraga, Albay. Ayon kay Nica Ombao ng Bicolana Gabriela, minultahan ng mga puis ang mag drayber ng dyip na sinasakyan ng mga raliyista sa kabila ng pagpapakita nila ng permit. Pinagsisigawan din sila ng mga pulis at pinagbawalang kumuha ng bidyo at litrato para sa dokumentasyon. Nagsampa na ng kaso ang Bayan-Bicol laban sa mga upisyal ng pulis na sina Azotea, Fradela, Esenar, Piamir, at dalawa pang nakadamit-sibilyan.

Sa Cebu, hindi napigilan ng pag-ulan ang pagtitipon ng mga raliyista sa Metro Colon. Kasama sa mga lumahok si Bebe Allere, tagapangulo ng Cebu Urban Poor Women’s League, na nagbahagi ng mga paglaban ng maralitang lunsod sa militarisasyon sa mga syudad ng Cebu, Mandaue at Lapu-lapu. Nagbahagi rin si Nick Abasolo, pinuno ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas-Cebu hinggil sa militarisasyon sa mga komunidad ng magsasaka sa Cebu, pinakahuli ang pagkakampo ng militar sa Bonbon, Aloguinsan. Bahagi rin ng protesta ang Bayan MUna, Selda-Cebu at Piston-Cebu.

Sa Iloilo, nagprotesta sa harapan ng munisipyo ang mga myembro ng Panay Alliance Karapatan. Sa Davao City, sa Freedom Park inilunsad ng grupong Karapatan-SMR ang paggunita. Sa Baguio, isinagawa ng mga progresibong grupo ang gabi ng sining at pagkakaisa sa Igorot Park.

Sa espesyal na ulat ng Ang Bayan na inilabas doon ding Disyembre 10, umaabot sa 508,239 ang bilang ng mag biktima ng rehimeng Marcos mula nang umupo ito sa poder noong Hunyo 30, 2022 hanggang Disyembre 1 ngayong taon. Nakapagtala ang AB ng 232 biktima ng ekstrahudisyal na pagpaslang at 79 bigong pagpaslang, karamihan mga magsasaka; 233 biktima ng pagdukot at 488 iligal na pag-aresto at detensyon. Mayroong 179 biktima ng tortyur at 241 biktima ng pananakit.

Dagdag dito ang 2,343 biktima ng pamimilit, 82,723 bikitima ng sapilitang pagbabakwit at dislokasyon ay 160,862 bikton ng pambabanta, panggigipit at intimidasyon.

AB: Sigaw sa Internasyunal na Araw ng Karapatang-tao: Duterte panagutin, Marcos, singilin!