Sistemang party-list, binababoy ng mga dinastiya sa pulitika
Lumabas sa pag-aaral ng grupong tagamasid sa eleksyon na Kontra-Daya na mahigit kalahati sa mga partidong lumalahok sa eleksyong party-list ngayong taon ay hindi kumakatawan sa mahihirap, tulad nang orihinal na layunin ng sistema.
Walumpu’t anim sa 156 nagrehistrong partido para sa eleksyong party-list ay mga partido ng mga dinastiyang pulitikal, malalaking negosyo at militar o pulis; nahaharap sa mga kaso ng korapsyon, may di mapagkakatiwalaang adbokasiya o di kaya’y walang isinasapublikong sapat na impormasyon.
Pinakamarami ang mga grupong pinatatakbo ng malalaking burukrata-kapitalista. Kabilang dito ang partidong 4Ps ng mga Abalos, ACT-CIS ng mga Tulfo, FPJ Bantay Bayan ng pamilyang Poe at Tingong Sinirangan ng mga Romualdez. Kinakatawan rin ng mga Romualdez, na nagmamay-ari ng Bright Kindle Resources at Benguet Mining, ang malalaking kumpanya ng mapangwasak ng mina.
Ang malalaking negosyo ay kinakatawan ng Ako Bicol at TGP, na kontraktor ng DPWH. Ang Duterte Youth, na kilalang bisig ng pangkating Duterte, ay matagal nang katuwang ng NTF-Elcac at militar sa pangrered-tag sa mga aktibista.
“Sa higit 1,500 nominado ng mga partido, dapat kilatisin ang Tingog Sinirangan na nakaugnay sa pamilyang Romualdez ng kasalukuyang House Speaker,” ayon sa grupo. Sa inilabas nitong listahan, ang unang nominado ng partido ay ang anak ni HS Martin Romualdez na si Andrew Romualdez. Pang-anim na nominado naman ang asawa niyang si Yedda Marie.
Isa pang partido ang ACT-CIS na tinatauhan ng dinastiyang Tulfo, kakunsabo ang pamilyang Yap. Napasok na ng pamilyang ito hindi lamang ang Senado, kundi pati ang Kongreso at gabinete. Numero unong nominado nito si Edvic Yap, kapatid ng kongresistang si Eric Yap at konsehal ng Quezon City na si Egay Yap. Samantala, pangalawang nominado nito si Joselyn Tulfo, asawa ni Raffy Tulfo. Ang iba pa ang mga kapatid at kamag-anak din ng mga Yap at Tulfo.
Isa pa ang FPJ Panday Bayanihan Partylist, na tinatauhan ng mga anak at asawa ni Sen. Grace Poe na si Brian Poe Llamanzares at Teodori Llamanzares; anak ng meyor ng San Jose, Batangas ni Ben Patron na si Mark Lester Patron; at Hiyas Dolor, asawa ng gubernador ng Oriental Mindoro na si Bonz Dolor.
Samantala, ang Duterte Youth, na hindi isang partido ng kabataan, ay tinatauhan ni Drixie Cardema, isang reserbang Lt. Col ng AFP, at dalawa pang kinatawan na pawang mga pulis. Gayundin ang Epanaw Sambayanan na tinatauhan ng dating mga upisyal na NTF-Elcac tulad ni Lorraine Badoy at Jeffrey Celiz, kasama ang mga huwad na lider-Lumad na sina Joel Unad at Marlon Bonsantong.
Sa hanay ng mga negosyante nagmula ang mga nominado ng 1PACMAN, isang partidong nagkukunwaring kumatakawan sa “marginalized,” tulad ni Mikaela Romero at tatlo pa niyang kasosyo sa Global Port Zamboanga Terminal at marami pang katulad na kumpanya. Nominado rin dito ang kapatid ng Manny Pacquaio na si Alberto.
Ang mga nabanggit sa itaas ay ilan lamang sa inilahad ng Kontra Daya na pekeng mga partido sa isinagawa nitong press conference noong Pebrero 12.