Sugatang Pulang mandirigma, isa pang sibilyan, pinaslang ng 62nd IB

Labag sa internasyunal na makataong batas at mga alituntunin sa makatao at sibilisadong digma, walang-awang pinatay ng mga sundalo ng 62nd IB ang sugatang Pulang mandirigma na si Marvic Ebarle (Ka Bryan), at sibilyang si Romy Catasio sa Sityo Balunggay, Barangay Montilla, Moises Padilla, Negros Occidental noong Hulyo 20.

Pinasinungalingan ni Ka JB Regalado, tagapagsalita ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Central Negros, sa isang pahayag kahapon ang pinalalabas ng 62nd IB na sa isang engkwentro napatay sina Ebarle at Catasio.

Paliwanag ni Regalado, si Ebarle ay naka-medical leave dahil sa kanyang mga sugat sa tuhod matapos ang kontra-opensiba ng BHB-Central Negros laban sa 62nd IB noong Hunyo 13 sa Sityo Cupad, Barangay Macagahay, Moises Padilla. Aniya, si Ebarle ay inaalagaan ng sibilyang si Catasio na residente ng Sityo Inarawis, Barangay Quintin Remo.

Sa imbestigasyon ng yunit ng BHB, napag-alaman nitong pinagbabaril ng mga sundalong sakay ng isang gray na van ang dalawa habang naghihintay ng masasakyang motor. “Si Ebarle at Catasio ay mga biktima ng patakaran ng estado na ‘walang dadakping buhay na Pulang mandirigma,’ lubhang taliwas sa ibinabandilang programang pekeng amnestisya ng rehimeng Marcos Jr,” ayon kay Regalado.

Sa ilalim ng internasyunal na makataong batas, may karapatan si Ebarle na magpagamot o gamutin ng kalabang pwersa kung nahuli. Malalang paglabag sa mga tuntunin ang pagpatay sa kanya at ng sibilyan niyang kasama.

Ipinagbabawal sa ika-32 Artikulo ng Fourth Geneva Conventions ang anumang hakbang na magreresulta sa pagdurusang pisikal o pagpuksa sa mga taong nasa ilalim ng proteksyon nito. Anito “…hindi lamang ito aplikable sa pagpatay, tortyur, pananakit, mutilation (pagputol sa anumang bahagi ng katawan) …kundi maging sa iba pang pamamaraan ng brutalidad, gawa man ng ahenteng sibilyan o militar.”

Labag din ito sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) na pinirmahan ng Gubyerno ng Pilipinas at National Democratic Front of the Philippines.

Sa ilalim ng rehimeng Marcos Jr, hindi bababa sa 44 ang bilang ng biktima ng pampulitikang pamamaslang sa isla ng Negros.

AB: Sugatang Pulang mandirigma, isa pang sibilyan, pinaslang ng 62nd IB