Balita

Tanggalan, di ligtas na mga kundisyon sa mga pagawaan ng barko sa Bataan, binatikos

,

Kinundena ng Nagkakaisang Manggagawa ng Freeport Area of Bataan (NMFAB) ang sunud-sunod na tanggalan at pagkamatay ng mga manggagawa sa Herma Shipyard sa Mariveles, Bataan sa nagdaang mga buwan. Iniulat ng grupo na tinanggal noong Agosto ang 50 manggagawa na dalawa hanggang 25 taon nang nagtatrabaho sa pagawaan. Noong Setyembre, dalawang manggagawa ang namatay habang nasa trabaho.

Ayon sa NMFAB, kumukuha ang Herma ng napakaraming subcontractor bilang pamalit sa mga manggagawang iligal na tinanggal. Karaniwang mas mababa ang sahod, walang benepisyo at walang sapat na proteksyon sa karapatan sa paggawa ang mga subcontractor na manggagawa.

Liban sa tanggalan, hindi ligtas ang mga kundisyon sa paggawa sa Herma. Noong Setyembre, dalawang manggagawa ang namatay matapos mahulog at makuryente sa ilalim ng dry duct. Ang mga nasawing manggagawa ay mga subcontractor din sa naturang kumpanya. Bago nito, dalawang manggagawa rin ang namatay sa paggawaan noong Marso. Ayon sa NMFAB, mas marami pang manggagawa ang naaksidente at napinsala sa paggawa ng barko.

“Dapat na ilantad at panagutin ang Herma Shipyard Inc. sa naturang pangyayari. Kritikal ang paggawa ng isang barko kaya nangangailangan siya ng mga skilled worker dito,” ayon sa grupo.

Pagdidiin ng NMFAB, ang pagkuha ng Herma sa mga subcontractor ay para lalong makapagtipid, kumita at tumubo. Inilalagay nito sa alanganin ang buhay at kabuhayan ng libu-libong manggagawa na nagtratrabaho rito.

Sa harap nito, binigyang diin ng NMFAB ang kahalagahan ng pagtatayo ng unyon sa loob ng pagawaan. Mahalaga umanong magkaisa ang lahat ng mangggawa na ipagtanggol ang karapatan sa sahod, trabaho at ligtas na paggawa.

“[Ang tanggalan at pagkamatay ng mga manggagawa] ang resulta ng kawalan ng unyon at masasandigan sa loob ng mga kumpanya. Ang pangyayari sa Herma ay palatandaan lang na mapang-api, mapagsamantala at hindi ligtas ang paggawa ng mga manggagawa sa kabuan. Hindi kailanman kusang babaguhin at proprotektahan ng Herma ang ating kalagayan,” anito.

Ang Herma Shipyard Incorporated ay isa sa walong kumpanya na pinagmamay-arian ni Herminio S. Esguerra na gumagawa at nagkukumpuni ng mga barko. Nagagamit din ang mga barko ng Herma para magdala ng langis at iba pang produkto sa iba’t ibang panig ng bansa at daigdig.

AB: Tanggalan, di ligtas na mga kundisyon sa mga pagawaan ng barko sa Bataan, binatikos