Balita

Tangkang pagpadeport ng mga migranteng Pinoy sa libya, kinundena

,

Kinundena ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-USA ang panibagong hakbang ng rehimeng Trump na palayasin ang mga migrante, kabilang ang mga Pilipino, at ideport sila sa Libya. Kilala ang mga detention center ng Libya sa mga kaso ng pagpatay, pang-aabuso, tortyur, sapilitang pagpapatrabaho at paggutom.

Panandaliang hinarang ng husgado nitong Mayo 7 ang plano ng administrasyon ni Trump na ipatapon ang mga migranteng Asian sa Libya matapos maghain ng apela ang kanilang mga abogado. Ang mga migrante ay nagmula sa Laos, Vietnam at Pilipinas.

Ayon kay Brian Murphy, District Judge sa US, ang planong deportasyon ay lalabag sa sarili niyang kautusan na ang mga migrante na ipapadala sa bansa na iba sa sarili nilang pinaggalingan ay dapat mabigyan muna ng totoong oportunidad na tutulan ang pagpalayas sa kanila. Dagdag pa niya, may nauna nang utos ang korte na nagbabawal sa mga upisyal sa agarang pagpapalayas sa mga migrante sa mga bansa na hindi nila pinganggalingan. Ayon sa husgado, dapat ito gawin laluna sa mga kasong hindi nasuri kung may panganib na ang mga idedeport ay usigin o ipapailalim sa tortyur sa padadalhang bansa.

Samantala, ayon sa gubyerno ng Libya, wala itong kasunduan sa administrasyon ni Trump na tatanggap sila ng mga migrante na pinalayas mula sa US.

“Bagamat napigilan ang tangkang deportasyon sa mga migrante sa Libya, dapat ay maging mapagmatyag tayo sa tulak ng administrasyon sa patuloy na pagtugis nito sa mga migrante habang binababaan ang kanilang dignidad at tinatanggalan sila ng pagkatao.” saad ng BAYAN USA.

“Nananawagan kami sa administrasyon ni Marcos Jr na tugunan ang problema sa kahirapan at kawalan ng trabaho sa Pilipinas na nagtutulak sa mga Pilipino na mag ibang bansa, para lamang maging target ng pang-aatake ni Trump sa mga migrante. “

“Sa partikular, hinahamon namin si Jose Romualdez na gampanan nya ang kanyang tungkulin at protektahan ang kagalingan ng mga Pilipino sa US. Dapat agad na matiyak ang istatus ng lahat ng mga Pilipino na nasa panganib na madeport at matiyak na nabibigyan sila ng ligal na tulong.”

“Imbis na maglabas lang ng mga kasinungalingan na may ginagawa ang mga upisyal ng embahada para suportahan ang mga Pilipino na nakabimbin at nanganganib na mapalayas, nanawagan kami kay Romualdez na ipakita niya na meron siyang gulugod at tahasan niyang kundenahin ang pang-aatake ni Trump sa mamamayang Pilipino, kung hindi ay pinapakita lamang niya na mas gusto niyang makipagmabutihan sa pasistang presidente ng US para isulong ang pansarili niyang kasakiman at interes, nang kanyang pinsan na si Bongbong Marcos at kanilang pamilya,” dagdag ng Bayan-USA.

AB: Tangkang pagpadeport ng mga migranteng Pinoy sa libya, kinundena