Tigil-pasada, ikakasa ng mga drayber at opereytor sa Bacolod City

,

Maglulunsad ng tigil-pasada ang mga drayber at opereytor ng mga dyip sa Bacolod City sa darating na Mayo 8. Ipapanawagan ng mga grupo sa pangunguna ng No To Jeepney Phaseout Movement Negros ang pagbabasura sa City Ordinance 966 o ang Local Public Transport Route Plan (LPTRP) na nagsasapanganib sa kabuhayan ng mga nagpapatakbo ng tradisyunal na dyip.

Ang LPTRP ay ipinasa ng Sangguniang Panlunsod ng Bacolod City noong Oktubre 2021 sang-ayon sa pagpaptupad ng jeepney phaseout sa tabing ng “modernisasyon” ng pambansang gubyerno. Itinatakda ng LPTRP ang mga binagong ruta at klase ng mga dyip na maaaring bumyahe sa lungsod.

Lalahok sa naturang pagkilos ang mga grupong United Negros Drivers and Operator Center (UNDOC – PISTON), Commuters Operators and Drivers Incorporated (BACOD), Negros Bacolod Transport Coalition (NBTC), at ang Negros Consumers Watch (NCW).

Giit ng mga grupo, dapat sumunod ang Bacolod City sa sinabi ng pambansang upisina ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na i-rerenew ang lahat ng prangkisa ng dyip habang hindi pa nailulunsad ang rebyu sa mga patakaran kaugnay ng jeepney phaseout.

Giit nila kay Mayor Alfredo Benitez, pakinggan niya ang libu-libong drayber at opereytor ng tradisyunal na dyip imbes na ang iilang mga korporasyon at kooperatiba lamang na pinapaboran niya. Magpoprotesta ang mga grupo sa Bacolod City Government Center sa Lunes.

Nakiisa din sa anunsyo ng pagkilos at tigil-pasada si dating BAYAN MUNA Partylist Representative Atty. Carlos Zarate.

AB: Tigil-pasada, ikakasa ng mga drayber at opereytor sa Bacolod City