Tigil-putukang Israel-Lebanon, malawakang nilalabag ng mga Zionista
Walang pakundangan ang mga paglabag ng mga pwersang Israeli sa tigil-putukan na pinasok nito sa Lebanon noong Nobyembre 27. Noong Disyembre 3, umabot sa 73 kaso ang naitalang paglabag ng mga Zionistang pwersa sa anyo ng pambobomba at mga drone attack. Pinakahuli dito ang pambobomba mula sa ere sa South Lebanon na pumatay ng 10 at sumugat sa lima pa.
Pormal na pumasok ang Israel at Lebanon sa kasunduang tigil-putukan para tapusin ang 14-buwang pang-aatake ng Israel sa Lebanon, kasama ang 2-buwang agresyon at tangkang okupasyon nito sa bahaging timog ng bansa. Itinulak ng US ang kasunduan, matapos mabigo ang Zionistang Israel na gapiin ang paglaban ng mamamayang Lebanese at paatrasin ang suporta nila sa mamamayang Palestino. Batid kahit ng mga Zionista na hindi aatras ang mga Lebanese at papalawak ang inaani nitong suporta sa mamamayan.
“Matapos ang maraming buwang pagsasakripisyo ng mamamayang Lebanon… pumayag ang mga pwersa ng paglaban (resistance) na makipag-tigil putukan sa Zionistang entidad. Ang kasunduang ito ay inihapag matapos mabigo ang mga Zionista na kamtin ang mga layunin nito (sa Lebanon),” pahayag ng International League of Peoples’ Struggles (ILPS). Nagdulot ng malawakang pinsalang ang mga pabobomba at pananalakay na pumatay ng maigit 3,000 Lebanese at nagsugat sa higit 15,000 iba pa. Kabilang sa mga pinatay ng mga Zionista ang susing lider ng Hezbollah na si General Hassan Nasrallah.
Sa gitna ng lahat ng ito, nanatiling matatag ang mga pwersang Lebanese, at ngayon ay nakuha na nila ang espasyo para muling makapagpalakas, ayon sa liga. Kung gaano kaiksi o kahaba ang itatagal ng tigil-putukan ay magdedepende sa tindi ng mga atake at probokasyon ng Isreal.
“Ang sakripisyo ng mamamayang Lebanese sa kanilang laban para sa kalayaan ay inspirasyong katulad ng paglaban ng mamamayang Palestino, at nagsisilbing tanglaw sa buong rehiyon,” ayon sa ILPS.