Balita

Trabahong temporaryo, barat na sahod ang ipinagmamayabang ng rehimeng Marcos

,

Kinlaro ng Ibon Foundation na ang ipinagmamayabang ng rehimeng Marcos na pagbaba ng tantos ng disempleyo at ang mataas na tantos ng empleyo ay hindi nag-angat sa mga manggagawang Pilipino mula sa kahirapan. Ang ipinagmamalaki nitong mga trabaho ay pawang mababang kalidad, temporaryo at panandalian. Malala, ang mga ito ay nasa mga sektor na pinakabarat ang sahod.

Sa datos na inilahad ng Philippine Statistics Authority noong Hunyo, lumaki ang bilang ng mga manggagawang may empleyo nang 1.4 milyon. Bumaba naman ang bilang ng mga walang trabaho nang 707,000. Gayunpaman, dumami ang mga manggagawang “kulang ang trabaho” o underemployed nang 208,000.

Kabilang sa mga sektor na sinabi nitong nagpalitaw ng bagong mga trabaho ang konstruksyon, wholesale and retail, accommodation at food service at pagmamanupaktura. Sa kabilang banda, napakalaki ng natapyas sa mga trabaho sa agrikultura na umaabot sa 997,000.

Ang malala, 1.3 milyon o 89% ng mga bagong trabaho ay nasa sektor na napakababa ng sahod. Tanging 163,000 o 11% ang nasa mga sektor na nagpapasahod nang mas mataas sa pambansang abereyds na arawang sahod (national average daily basic pay o ADBP). Sa konstruksyon, halimbawa, ang sahod ay nasa ₱540/araw lamang, sa wholesale and retail trade: ₱470, accommodation at food service: ₱486 at pagmamanupaktura: ₱546. Lahat ng mga ito ay mas mababa sa ADBP na ₱616/araw.

Trabaho Nat’l ADBP
Konstruksyon ₱540
Wholesale and retail trade ₱470
Accommodation and food service ₱486
Pagmamanupaktura ₱546
Lahat ng trabaho ₱616

“Pihadong ipamamandila ng gubyernong Marcos Jr ang pagbaba ng unemployment rate, pero mailalantad ang totoo kung titingnan ito ng mas malalim,” ayon sa KMU sa isang pahayag noong Agosto 8. Isa sa mga binatikos nito ang sinasabing pagtaas ng bilang ng mga manggagawa sa pagmamanupaktura, gayong tuluy-tuloy ang tanggalan sa elektroniks at garments.

“Salat na sahod ang tinatanggap ng manggagawa,” ayon sa KMU. “Ang tuluy-tuloy na pagtaas ng underemployment rate ay nagpapatingkad sa pagbaba ng tunay na halaga ng sahod, habang barya-barya at pakitang-tao ang mga dagdag-sahod mula sa regional wage board.”

“Ang dapat gawin ng gubyerno: ipatupad ang isang pambansang minimum na sahod sa nakabubuhay na antas, ₱1,200 kung sa kasalukuyan,” anito. “Dapat rin itong magbalangkas ng isang tunay na programa sa paglikha ng regular na trabaho na pangmatagalan at nakaayon sa mga adhikain ng pambansang kaunlaran.”

AB: Trabahong temporaryo, barat na sahod ang ipinagmamayabang ng rehimeng Marcos