Tsuper sa Batangas, dinukot ng mga pulis

Dinukot ng mga ahente ng Philippine National Police (PNP)-Batangas ang tsuper na si Jose Escobio noong Agosto 24 sa hindi malinaw na mga dahilan, ayon sa ulat ng grupo sa karapatang-tao na Tanggol Batangan. Si Escobio ay isang tsuper na namamasada ng multicab sa Lipa City, Batangas at inaarkila para sa mga byahe.

Ayon sa kanyang asawa, mayroong ihahatid si Escobio mula sa bayan ng San Juan tungong Lipa City sa naturang araw ngunit bigla na lamang siyang hindi makontak bandang alas-5 ng umaga. Kaugnay nito, napag-alaman ng Tanggol Batangan sa imbestigasyon nito sa mga saksi na nagkaroon ng komosyon sa haywey sa Barangay Puting Buhangin, San Juan kung saan may tatlong lalaking dinampot ng mga pulis.

Matapos ang insidente, kaagad na nagpunta ang pamilya ni Escobio sa munisipyo ng San Juan para alamin ang kinaroroonan ng kanilang ama. Kinumpirma din ng mga pulis na nasa Camp Miguel Malvar, Batangas City si Escobio at ihaharap sa kanyang pamilya matapos ang “interogasyon at kaukulang pagpoproseso sa mga papeles.”

AB: Tsuper sa Batangas, dinukot ng mga pulis