Tulong at suporta, panawagan ng mga mangingisdang apektado ng Habagat
Puu-puong libong masang manginisda ang napwersang tumigil sa pagpalaot dahil sa malalakas na hangin at hambalos ng alon sa mga baybayin ng Zambales, Cavite at Batangas dahil sa Habagat. Nanawagan ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) sa Department of Agriculture na agarang kumilos para sa tulong pangkalamidad sa mga mangingisda.
Sa datos ng Pamalakaya, napeperwisyo ng Habagat ang 27,000 mangingisda at residente sa Zambales, 30,000 sa Cavite at 47,000 sa Batangas. “Magdadalawang linggo nang nakadaong ang maliliit na bangka ng mga mangingisda dahil sa malalakas na alon,” pahayag ni Fernando Hicap, pambansang tagapangulo ng Pamalakaya.
Ayon sa lider-mangingisda, mapanganib para sa maliliit na bangka tuwing may Habagat kaya mas pinipili nilang pansamantalang huminto sa pagpalaot. “Kahit na nangangahulugan ito ng kawalan ng kikitain sa araw-araw,” aniya.
Sa Batangas, iniulat ng balangay ng Pamalakaya-Haligi ng Batanguenong Anakdagat (Habagat) na tinitiyak at itinatali na ng mga mangingisda ng Balayan Bay ang kanilang mga bangka dahil sa laki ng mga alon. Anang grupo, mahigit apat na buwan na naman nilang bubunuin ang epekto ng kalamidad. “Mailap ang suporta ng mga lokal na pamahalaan kahit pa taun-taon nang inaasahan ang ganitong kalamidad,” ayon kay Jean Viana, myembro ng Pamalakaya-Habagat.
Sa Zambales, naiulat na ang kaso ng pataob ng isang bangka dulot ng paghampas ng malalaking alon. Papalaot sana ang nasabing mangingisda nang tumaob ang kanyang bangka at anurin ang ilang kagamitan sa pangingisda. “Ganito ang konkretong epekto ng Habagat sa maliliit na mangingisda,” ayon kay Hilda Reyes, pangulo ng San Miguel Fish Vendors, Inc. sa bayan ng San Antonio.
Ayon kay Hicap, ang kapabayaan ng pamahalaan ang kadalasang nagpapalala ng pinsala ng kalamidad sa sektor ng pangisda. “Nararapat kalampagin ang mga ahensya ng pamahalaan na agarang gamitin ang nakalaan nitong pondo para tugunan and malalang epekto ng kalamidad,” aniya.