Ugat ng tangkang panghahalay sa UPD, kakulangang ng badyet

Kinundena ng mga progresibong grupo ang tangkang panggagahasa sa isang estudyante sa loob mismo ng kampus ng University of the Philippines Diliman (UPD) noong Hulyo 6. Giit ng Kabataan Partylist na dapat lamang taasan ang inilalaang badyet ng gubyerno sa mga pampublikong unibersidad katulad ng UP upang itaas ang kakayahang nitong pangangalagaan ang internal na seguridad at pigilan ang mga krimen.

Kaugnay dito, naglabas ng pahayag ang tagapangulo ng Commission on Higher Education at myembro ng UP Board of Regents na si Popoy De Vera na dapat ay pahigpitin ang ugnayan ng UP at ng PNP at iba pang ahensyang tagapagpatupad ng batas para panatilihing ligtas ang buong unibersidad.

Simula nang pirmahan ang kasunduang UP-DND Accord noong 1989, hindi pinahintulutan ang kapulisan at militar na makapasok sa unibersidad dahil sa marahas na kasaysayan ng krimen ng PNP at AFP sa komunidad.

Hindi sang-ayon si Siegfred Severino, Student Regent sa buong UP System, sa iskemang ito. “Mas malaking banta ang kapulisan at militar sa mga estudyante,” aniya. “Ang pinakalapat na paraan ay taasan ang badyet ng UP para mapakilos nito ang sarili nitong pwersang pulis (UPD Police) at magawa nang maayos ang trabaho nila.”

Kinundena rin ni Rep. Arlene Brosas ng Gabriela Women’s Partylist ang tangkang panggagahasa. “Ang kalunus-lunos na insidenteng ito ay nagsisilbi para mamulat ang buong komunidad ng UPD na suriin at palakasin pa ang mga patakarang pangkaligtasan nito. Dapat magsagawa ng agarang aksyon para siguraduhin ang proteksyon at kapakanan ng mga estudyante.” aniya.

Sang-ayon siya kay Severino sa pagbatikos sa plano ni de Vera. “Hindi excuse ang pagpapapasok ng militar sa pulis para pangalagaan ang kaligtasan sa unibersidad.”

Ayon sa ulat ng Philippine Collegian, upisyal na pahayagang pang-kampus ng UPD, mayroon lamang 19 kasapi ang UPD Police para protektahan ang mahigit kumulang na 24,000 na estudyante sa 493 ektaryang lawak na kampus.

Pangunahing dahilan ang kulang na badyet na binibigay sa pamantasan para tugunan ang kakulangan sa kanilang makinarya at bigyan nang tamang pasahod.

AB: Ugat ng tangkang panghahalay sa UPD, kakulangang ng badyet