Ugnayan ng lokal na gubyerno ng Quezon City at Zionistang Israel, binatikos

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nanawagan ang PUP for Palestine, grupo ng mga estudyante ng Polytechnic University of the Philippines, kay Quezon City Mayor Joy Belmonte na putulin ang pakikipag-ugnayan ng kanyang upisina sa mga upisyal ng estado ng Zionistang Israel. Nakabalangkas ang panawagan sa pagkundena sa henosidyong inilulunsad Israel at ng US laban sa mamamayang Palestino. Ginawa ang panawagan matapos makipagpulong si Mayor Belmonte sa mga “diplomatikong upisyal” ng Israel noong Mayo 28 sa Quezon City Hall para talakayin ang tulungan at ugnayan ng Zionistang estado at ng syudad.

“Isinagawa ang pulong na ito habang pinatitindi ng Israel ang henosidyo nito sa Gaza sa kabila ng paghugos ng milyun-milyong mamamayan sa mga lansangan sa buong mundo para ipatigil ang pagsakop sa Rafah,” ayon sa PUP for Palestine. Noon mismong Mayo 28, at isa din noong Mayo 26, binomba ng Zionistang Israel ang mga tent sa isang refugee camp sa Rafah.

Ang Rafah ay nasa timog na bahagi ng Gaza na itinalaga ng Israel na dating “ligtas na sona” mula sa mga pag-atake at pambobomba nito. Ayon sa mga ulat, hindi bababa sa 37 katao ang napaslang, kabilang ang mga bata at babae, sa naturang pag-atake. Nasunog at naabo ang temporaryong kampo na tinutuluyan ng mga lumikas sa Rafah. Naganap ito ilang araw lamang matapos ipag-utos ng International Court of Justice ng United Nations sa Israel na itigil ang pag-atake sa Rafah.

Simula Oktubre 7, 2023, hindi bababa sa 36,000 (na kinabibilangan ng 15,000 bata) ang pinatay ng Israel sa kampanyang henosidyo sa mamamayang Palestino. Halos 82,000 naman ang nasugatan at daan-daanlibong Palestino na ang nataboy at napalayas sa kanilang lupa.

“Nananawagan kami kay QC Mayor Joy Belmonte na putulin ang lahat ng ugnay sa Zionistang Israel. Ang pagkakaroon ng diplomatikong ugnayan sa Israel ay nangangahulugan ng pagkunsinti sa karumal-dumal na pag-atake nito sa mamamayang Palestino,” pahayag pa ng grupo.

Pinaalalahanan nila ang meyor na mayroon mismong Palestinong mga refugee ang naninirahan ngayon sa loob ng Quezon City na napalayas sa Gaza. Kasama nila dito ang kanilang mga pamilya at asawang Pilipino sa bansa.

Liban kay Mayor Belmonte, hinimok ng PUP for Palestine ang buong gubyerno ng Pilipinas na “itigil ang lahat ng relasyon sa pulitika, ekonomya, akademiko at militar sa Israel.”

Nanawagan naman sila sa kabataang Pilipino na kumilos at makiisa sa panawagan ng ganap na paglaya ng Palestine.

AB: Ugnayan ng lokal na gubyerno ng Quezon City at Zionistang Israel, binatikos