Ulat sa autopsy sa labi ni Ericson Acosta, ipinrisenta

Ipinrisenta ni Dr. Raquel Fortun sa isang press conference na ginanap kahapon, Hulyo 29, sa University of the Philippines sa Quezon City ang naging resulta sa isinagawang awtopsiya o pagsusuri sa labi ng pinaslang na organisador ng magsasaka at NDFP consultant na si Ericson Acosta at kasama niyang si Joseph Jimenez na isang lokal na lider-magsasaka.

Ayon kay Dr. Fortun: “Binaril pa kahit patay na.” Nakita sa resulta ang maraming sugat sa baga at pasa sa bandang dibdib ni Acosta na sanhi ng pagkamatay nito. Mayroon din siyang anim na tama ng baril sa harap at likod. Si Dr. Fortun ay kilala bilang isa sa nangungunang forensic pathologist ng Pilipinas. Isa siyang duktor na sumusuri sa mga labi o himaymay ng katawan ng tao para sa pagsususri at imbestigasyon ng mga krimen.

“Pati ‘yung spinal cord sa loob, may aorta doon ha, tinamaan din. But surprisingly, walang hemorrhage. So what does that mean? Hindi na siya nagbi-bleed at that time,” paliwanag pa ni Fortun. Ang kawalan ng hemorhage o pagdurugo ay palatandaan na patay si Acosta bago pa siya binaril.

Pinaslang si Acosta at Jimenez ng pinagsanib-pwersang 94th IB at PNP sa pinalalabas na engkwentro sa Sityo Makilo, Barangay Camansi sa Kabankalan, Negros Occidental noong ika-30 ng Nobyembre noong nakaraang taon.

Sa pinal na suri ni Fortun, itinuring niyang homicide o sadyang pinatay si Acosta.

Nauna nang nagpatunay ang mga lokal na residente sa pinangyarihan ng insidente na matapos ang walang habas na pamamaril ng militar sa kubo na kanilang hinihimpilan ay buhay ang dalawa nang dinakip. Kinalaunan ay dinala sila sa malayo para patayin.

Samantala, nanawagan naman ang mga progresibong grupo ng hustisya at pagpapanagot sa mga nasa likod ng krimen. Nanawagan rin silang itigil na ang militarisasyon sa kanayunan laluna sa isla ng Negros kung saan talamak ang paglabag sa karapatang-tao at pamamaslang.

AB: Ulat sa autopsy sa labi ni Ericson Acosta, ipinrisenta