Unang araw ng eskwela sa UST, sinalubong ng protesta

Nagprotesta ang mga mag-aaral ng University of Sto. Tomas (UST) sa harap ng pamantasan sa España Boulevard, Manila City noong Agosto 9, unang araw ng klase. Panawagan nila ang pagtataguyod sa karapatan sa edukasyon ng kabataan. Sa partikular, iginiit nila na iatras ng administrasyon ang 6% pagtaas sa matrikula at ibang bayarin sa UST.

“Ngayong bagong akademikong taon, hamon sa ating mga Tomasino ang tumindig para sa ating demokratikong karapatan sa loob ng pamantasan,” ayon sa pahayag ng Anakbayan-UST.

Nakiisa sa protesta ang mga estudyante sa kolehiyo at senior high school sa UST. Ipinahayag ng mga nagprotesta ang kanilang pagtutol sa mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC), panghihimasok ng pulis at militar sa loob ng pamantasan at kaakibat na pagtapak sa karapatan sa kalayaang pang-akademiko, at iba pang mapanupil na patakaran ng administrasyon ng UST laban sa mga estudyante.

Samantala noong Agosto 7, naglunsad ng kilos-protesta sa kampus ng UST ang mga grupo ng kabataan mula sa iba’t ibang unibersidad para tutulan ang Mandatory ROTC na iniraratsada sa Senado. Nais nilang harangin ang pagpapasa ng naturang panukala sa Senado na nauna nang nakalusot sa House of Representatives noong Disyembre 2022.

AB: Unang araw ng eskwela sa UST, sinalubong ng protesta