Unang araw ng SIM Card Registration, magulo at puno ng problema

Kabi-kabila ang reklamo sa social media ng mga nagtatangkang magrehistro ng kanilang ng mga SIM card ilang oras pa lamang sa unang araw ng pagpapatupad ng SIM Card Registration. Anila, mabagal at nakalilito, kundiman tahasang palpak, ang proseo ng pagrerehistro ng kanilang mga SIM card.

Sinimulan ngayong araw ang pwersahang pagpaparehistro ng bagong mga SIM card sa bisa ng SIM Card Registration Act na isinabatas noong Oktubre 10, 2022. Samantala, mayroon namang 180 araw, na maaaring dagdagan ng 120 araw, simula sa araw na magkabisa ang batas, para irehistro ang mga lumang SIM Card. Kung hindi makakapagrehistro, madede-activate o mapuputol ang akses ang SIM card sa sistema ng telekomunikasyon. Ang pahirap na SIM Card registration ang unang batas na pinirmahan ni Ferdinand Marcos Jr.

Pasado alas-11 ng umaga ngayong araw, inianunsyo ng kumpanyang Smart na nagkakaroon ng aberya ang kanilang “website” para sa pagrerehistro ng SIM card dahil sa napakaraming sabay-sabay na nag-aakses nito. Ganito rin ang sinapit ng website ng Globe.

Noong 2018, tinatayang nasa 71 milyong subscriber ng Globe at 58 milyon subscriber ng Smart ay prepaid user o gumagamit ng mga SIM card na di rehistrado. Malaking mayorya sila sa kabuuang subscriber ng Globe na 74 milyon at ng Smart na 60 milyon. Ito ang inaasahang bilang ng magpaparehistro ng mga SIM card.

Komento ng ilan sa social media “ayusin niyo naman!” “anyare???” “anu na? Since 3am pa ako naghihintay makapasok sa websites” at marami pang ibang reklamo at pagkadismaya.

Para tipunin ang mga hinaing ng mga nagpaparehistro, naglabas ang kampanyang online ang ‘Junk SIM Registration Network’ para kalapin ang mga ito. Ayon sa grupo, maaaring i-report sa kanilang Facebook page at email na [email protected] ang mga problema. Hinihikayat din nila ang iba na gamitin ang mga hashtag na #SIMregReportPH at #SIMregistration para matipon ang mga hinaing.

Nauna nang idineklara ng gubyernong Marcos na “handa” na sila sa pagpapatupad ng naturang pagpaparehistro.

Kawalan ng akses sa kanayunan

Malaking aberya ang SIM registration sa kanayunan at mga bahagi ng Pilipinas na wala o mahina ang signal sa internet. Dagdag pa rito ang kumplikado at ngayon, napatunayang madalas mawala o mabulilyasong sistema na pagpaparehistro ng SMart at Globe.

Isa sa mga cellphone subscriber ang tinedyer na si Bani, na dati nang namomroblema sa “palaging loading” na internet signal sa kanilang lugar. Anak siya nina Jodi at Boy na nakatira sa isang liblib na lugar sa isla ng Negros. Ayon sa pamilya, 100 metro ang layo ng lugar na mayroong “okay” na signal mula sa kanilang bahay. Samantala, ang kanilang bahay ay halos 20 kilometro mula sa sentrong bayan kung saan mas istable ang signal.

Ang mag-anak ay mayroong kanya-kanyang selpon na ginagamit depende sa kanilang pangangailangan.

Si Bani, 15, ay nag-aaral ng Grade 9 na nakaasa sa kanyang selpon para sa komunikasyon sa kanyang mga kaklase at kaibigan. Ginagamit niya ito sa social media at paminsanang magresearch para sa eskwela.

Ang kanyang ina na si Jodi ay mayroon ding selpon para kontakin ang kanyang pamilya at kanyang asawa kung nasa trabaho. Ibinahagi niya ang karanasan na kailangang umakyat sa mas mataas na bahagi ng kanilang barangay para lamang makatawag sa kanyang asawa. Samantala si Boy, ginagamit ang selpon para sa koordinasyon sa kanyang trabaho sa konstruksyon at iba pang kabuhayan.

Ayon kay Boy, “Magiging useless ang ating selpon kung wala sim card. Mapilitan tayo na magpa-rehistro.”

Hindi pa sinusubukan magrehistro ng pamilya ng bagong SIM Card ngayong unang araw ng pagrerehistro. Pero nangangamba sila sa posibleng maging kahirapan nito dulot ng mahinang signal at komplikadong paraan.

Kung magdedesisyon ang pamilya na pumunta sa sentrong bayan para tiyak na makapagrehistro, gagastos sila ng ₱60 kada tao para sa transportasyon at kakain ng higit isang oras papunta sa bayan. Dagdag gastos ito sa pamilya lalupa sa harap ng nagmamahal na mga bilihin.

Kung hindi kaagad makapagpaparehistro, kabilang ang pamilya nina Bani sa milyun-milyong Pilipino na mawawalan ng akses sa madali at mabilis na komunikasyon dahil sa batas ng sapilitang pagpaparehistro.

AB: Unang araw ng SIM Card Registration, magulo at puno ng problema