Balita

Unang taon ng pagkamartir ng Bilar 5, ginunita

Nagtirik ng kandila at naglunsad ng programa ang mga grupo ng kabataan sa University of the Philippines (UP)-Cebu kahapon, Pebrero 23, para gunitain ang unang anibersaryo ng Bilar 5 Massacre. Kabilang sa mga biktima ng masaker ang gradweyt ng UP Cebu na si Hannah Jay Cecista, Domingo Compoc (Kumander Cobra), Perlito Historia, Marlon Omosura, at Alberto Sancho na pawang mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Bohol.

Noong nakaraang taon, labag sa internasyunal na makataong batas na pinaslang ng 47th IB ang lima matapos silang dakpin sa bahay na kanilang tinigilan sa Sityo Matin-ao 2, Barangay Campagao, Bilar. Taliwas sa pinalalabas ng militar na engkwentro ang naganap, inaresto, tinortyur at sadya silang pinatay.

Ayon sa mga saksi, pinagapang pa sa putik si Cesista bago siya barilin. Nagtapos ng abogasiya si Cecista pero pinili niyang talikuran ang propesyon para magpultaym sa hukbong bayan.

Samantala, si Compoc na nasa mahigit nang 60 ang edad at umiinda ng sakit na arthritis, ay tinortyur sa harap ng mga residente ng baryo. Tinaga siya sa leeg at tiyan.

Sa panahong iyon, kumalat sa social media ang isang larawan ni Compoc, na hawak sa likod ng isang sundalo, at hitsurang nakagapos ang kamay sa likod. Kapansin-pansin na lihim na kuha ang larawan.

Isang taon matapos ang karumal-dumal na krimen, patuloy ang panagawan ng mga grupo sa karapatang-tao para sa hustisya at pananagutan sa mga sangkot sa krimen. “Sa paggunita natin sa alaala ni Kumander Cobra, Atty. Cesista, ng Bilar 5…ipinapaalaala sa atin na ang kanilang sakripisyo ay hindi lamang isang trahedya, kundi mitsa ng isang rebolusyon na patuloy na nag-aalab sa atin,” pahayag ng Anakbayan-Cebu.

Anang grupo, ang laban na naiwan ng Bilar 5 ay laban din nila. “Isang kilusan na pinagbubuklod ng pagmamahal, lakas, at ng hindi nagmamaliw na paghahangad para sa isang mundong nakabatay sa pagkakapantay-pantay, dignidad, at kalayaan mula sa pagsasamantala,” ayon sa grupo.

AB: Unang taon ng pagkamartir ng Bilar 5, ginunita