Unyon ng mga guro sa Maynila, umani ng suporta kasunod ng bantang pambubuwag ng lokal na DepEd
Kabi-kabila ang pagpapahayag ng suporta ng mga kapwa guro at unyon sa Manila Public School Teachers Association (MPSTA), kasunod ng pagbabanta ng pagbuwag sa kanilang 78-taong gulang na asosasyon. Pinagbantaan sila ng pansamantalang nakaupong pinuno ng Schools Division Office-Manila ng Department of Educaiton (DepEd) kasunod ng kanilang apela at liham para ibigay na ang naantalang buwanang alawans mula sa lokal na gubyerno ng Maynila. May 11,000 myembro ang asosasyon.
Ayon sa MPSTA, ipinatawag ni Officer-in-charge Schools Division Superintendent Dr. Nerissa Lomeda sa isang pulong ang mga lider ng mga faculty club noong Nobyembre 27. Panlimang patawag na ito ng superintendent. Tahasan nitong binalewala ang MPSTA bilang natatangi at lehitimong pederasyon ng mga faculty club sa Maynila at sole and exclusive negotiating agent (SENA) ng lahat ng mga pampublikong guro sa dibisyon.
Sa pulong noong Nobyembre 27, nagbanta si Lomeda na hindi ibibigay ang tulong pinansyal sa lahat ng mga guro at empleyado hanggang walang naitatayong bagong asosasyon ng mga guro sa Maynila. Isang araw bago nito, nagpakalat pa ng text message si Lomeda sa mga guro para siraan ang MPSTA.
Sa pulong, nagpahayag ng galit ang mga guro sa pakana ni Lomeda. Matapos nito, nagpatuloy ang mapaghiganti at mapamilit na mga hakbang ng upisyal kabilang ang pagbabawal sa mga guro sa Maynila sa araw ng protesta ng Alliance of Concerned Teachers (ACT)-Philippines noong Nobyembre 28. Ipinag-utos din ni Lomeda ang pag-profile sa mga myembro ng MPSTA noong Disyembre 2.
Ayon sa MPSTA, dapat paalalahanan si Lomeda na ang kanyang mapang-abuso, mapaghiganti, mapanlinlang, at walang prenong mga hakbang ay labag sa karapatan sa pag-oorganisa, kolektibong pakikipag-tawaran at negosasyon at mapayapang pagtitipon. “Mapapanagot siya nang lubusan sa hindi makatarungang gawain sa paggawa, pagbuwag sa unyon, malubhang pang-aabuso sa kapangyarihan, at lahat ng iba pang paglabag na nagmula sa kanyang mga hakbang,” ayon sa grupo.
Sa harap ng mga atakeng ito, desidido ang MPSTA na tumindig at magpatuloy para biguin ang anumang tangkang pahinain, hatiin o patahimikin sila. “Matatag kaming naninindigan sa pagtataguyod at pagtatanggol sa ekonomiko at demokratikong karapatan ng lahat ng mga guro ng Maynila,” pahayag ng MPSTA.
Nagpahayag ng suporta sa MPSTA ang ACT National Capital Region (NCR) Union at lahat ng mga unyon sa ilalim nito mula sa iba’t ibang dibisyon. Nakiisa rin sa kanila ang mga unyon ng ACT mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
“Handa kaming gamitin lahat ng ligal na paraan, kabilang ang paghahain ng mga kaso sa harap ng Civil Service Commission, Department of Labor and Employment, upang protektahan ang mga guro laban sa paghihiganti at pananakot,” pahayag ng ACT NCR Union.