Utos ng LTFRB na nagpapahintulot sa pamamasada ng di-konsolidadong mga dyip, ibinunyag

,

Tinawag ng mga drayber ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at ang rehimeng Marcos na mga duwag sa pagtanggi ng mga ito na amining umatras sila sa harap ng malawakang mga welga ng mga tsuper nitong 2024.

“Ito ang katotohanan: ang mga protesta at welga natin ang nagtulak sa kanila na payagan ang limitadong bilang ng mga unconsolidated na magpatuloy sa byahe,” pahayag ng Piston noong Hulyo 15.

Napag-alaman ng grupo kamakailan lamang na tusong itinago ng LTFRB ang isang resolusyong inilabas nito noon pang katapusan ng Abril na nagpapahintulot sa mga di-konsolidadong mga dyip na bumyahe kahit lumampas na ang dedlayn para sa konsolidasyon.

“Pagkatapos ng April 30 deadline, buong buwan ng Mayo ay nanakot ang LTFRB at ang Department of Transportation (DoTr) na manghuhuli ng mga hindi consolidated: pagmumultahin ng P50,000 ang operator, ii-impound ang sasakyan, at isususpinde ang lisensiya ng tsuper,” ayon sa isang advisory na inilabas ng Piston noong Hulyo 14. Sa kabila nito, iginiiit ng mga myembro ng Piston at Manibela, gayundin ng daan-daan pang mga di nagpakonsolida ang kanilang karapatang mamasada.

“Ni isang beses ay hindi sila nakapag-operasyon (para manghuli), dahil alam nilang malakas ang nagiging pagtutol ng mamamayan,” pahayag ng grupo.

Lingid sa kaalaman ng mga tsuper, inilabas ng LTFRB noong Abril 30, sa kalagitnaan ng isinasagawa nilang kampuhan sa Liwasang Bonifacio, ang LTFRB Board Resolution 53 s2024 na nagsasabing hindi na kailangang magpakonsolida ang mga opereytor na nasa rutang mababa ang konsolidasyon.

“Pero hindi ito inanunsyo ng LTFRB at ng gobyerno ni Marcos Jr,” ayon sa Piston. “Sa halip, tuluy-tuloy ang pananakot nila sa mga tsuper at operator na huhulihin na sila. Malinaw na itinago ito ng LTFRB, DOTr, at ng gubyerno ni Marcos Jr!”

“Ipinakikita nito na sa militante at sama-samang pagkilos, kaya nating ipagtagumpay ang laban kontra sa makadayuhan at negosyong modernisasyon,” pahayag ng Piston.

Pangunahing laman ng resolusyon ang pagpahintulot sa mga hindi konsolidadong dyip na mamasada sa mga rutang may mababang antas ng konsolidasyon. Ang kopya ng naturang resolusyon ang magsisilbing “authority to operate” ng mga dyip at PUV hanggang nakarehistro at may insurance ang mga yunit ng sasakyan.

Sa datos ng Piston, 244 na ruta ang hindi na kailangang magpa-consolidate sa NCR. Sa Cordillera, 669 na ruta ang wala nang sapilitang konsolidasyon. Nasa 57 na pahina ng listahan ng mga ruta sa buong bansa na di na aplikable ang forced consolidation ang kalakip ng Board Resolution 53.

Higit dito, patunay ito na kaya ng mga drayber at opereytor na isagad ang pagpapatigil sa sapilitang konsolidasyon at pagpapabalik sa 5-taong indibidwal na prangkisa.

“Patunay din ito na kapag mariin ang ating pagtutol at hindi tayo nagpatakot, kaya nating itulak ang estado upang itigil ang anti-mamamayan nilang mga polisiya,” anito. “Magagawa ito sa pamamagitan ng mass withdrawal mula sa konsolidasyon at pagtigil ng lahat ng motion for application for consolidation.”

“Pinatunayan ng rehimeng Marcos Jr, sa pamamagitan ng kanilang kahungkagan at maruruming taktika, ang bisa at kawastuhan ng mga welga at protesta,” ayon sa grupo. “Walang anumang rebranding, kasinungalingan, at panlilinlang ang makapagtatago sa katotohanang ang inutil, bulok, at papet na rehimeng ito ay gagawin ang lahat para lang paligayahin ang mga kasabwat nitong mga naghaharing-uri at mga dayuhang kapitalista nitong amo.”

Panawagan ng Piston sa lahat ng mga drayber at opereytor: Angkinin ang tagumpay! Tuloy ang laban!

AB: Utos ng LTFRB na nagpapahintulot sa pamamasada ng di-konsolidadong mga dyip, ibinunyag