Walang basehang reklamong inihain kay Rep. Castro sa Kongreso, pampulitikang paghihiganti
Sunud-sunod na pagkundena ng mga demokratikong organisasyon, kabilang ng mga organisasyon ng Lumad at katutubo, ang sumalubong sa inihain ng huwad na grupong Lumad na pinatatakbo ng NTF-Elcac laban kay Rep. France Castro kahapon, Internasyunal na Araw ng Karapatang-tao.
Ayon kay Castro, isa na naman itong panggigipit sa kanya, tulad ng ikinaso sa kanya at sa Talaingod 13 dahil sa pagsaklolo nila sa mga guro at estudyante sa isang paaralang Lumad sa gitna ng militarisasyon.
“Kilala namin ang mga taong nasa likod ng panggigipit na ito,” aniya. “Sila rin ang mga indibidwal na nabunyag na mga tagalabag sa karapatang-tao at mandarambong sa kaban ng bayan.
Aniya, ginawa ito ng naturang mga indibidwal para “maghiganti at pagtakpan ang kanilang ginawang kasamaan laban sa mamamayan.”
“Masyado kasing nalantad ang ginawang pagpatay sa ilalim ng pekeng drug war ni Duterte sa Quad com, at ang paglustay ng confidential funds ni VP Duterte at ngayon ay may impeachment na siyang kinakaharap at may International Criminal Court (ICC) naman ang matandang Duterte. Kaya ngayon ay kinakalampag nila ang mga kapwa red tagger nila sa NTF-ELCAC para harasin ang mga tulad namin na naglantad sa kanilang kalokohan,” aniya.
“Pulitikal na paghihingante” rin ang tawag ni Atty. Karlos Zarate, dating kinatawan ng Bayan Muna Partylist, sa kasong isinampa ng huwad na organisasyong lumad laban kay Rep. Castro sa komite sa ethics ng Kongreso
“Ang kasong ito ay isang pilit na iskemang ginawa at binuo ng pasistang mga pwersa at ang totoong layunin ay gipitin si Rep. Castro, na nanguna sa pagbubunyag at pagnawagan para sa pagbabasura sa confidential at intelligence funds na pawang pork barrel na mga pondo,” ani Zarate.
Hindi rin ito makatatayo dahil hindi pa pinal ang hatol na nagkasala kay Rep. Castro sa mga gawa-gawang kaso, na nakaapela pa sa Court of Appeals, aniya. Sa gayon, hindi obligado o walang batayan ang komite sa ethics ng Kongreso na gumawa ng hakbang kaugnay sa petisyon. Batay sa sarili nitong mga tuntunin, kailangang ipagpapaliban ng komite ang anumang aksyon laban sa isang kongresistang may nakasampang reklamo hanggang pinal ang hatol sa kanya.
“Malinaw na hindi aakto ang komite sa walang batayang reklamo dahit nakaapela pa ang usapin,” ayon kay Zarate.
“Ang ganitong katawa-tawang akusasyon ay pantabing lamang sa karumal-dumal na mga krimen ng estado laban sa katutubong mamamayan, na deka-dekada nang binobomba, pinapatay at binubusalan dahil sa paglaban nila sa malalaking minahan at sa pag-agaw ng mga lupang ninuno,” pahayag ni Liza Maza, presidente ng Koalisyong Makabayan at kandidato pagkasenador.
“Ang dapat kasuhan at ibilanggo ay ang mga lumalapastangan sa karapatan ng mga Lumad, hindi ang mga nagtuturo, nagtatanggol, at naglilingkod sa kanila. Patuloy naming ipaglalaban ang karapatan ng mga katutubo at ang hustisya para sa Talaingod 13,” ayon kay Antonio Tinio, unang nominado ng ACT Teachers Party.
“Patuloy kaming maninindigan para sa hustisya, hindi lamang para sa amin kundi para sa lahat ng mga Lumad na biktima ng pang-aabuso. Hindi kami titigil sa paglaban hanggang makamit ang katarungan,” ayon kay Castro.