100 araw ng pagdurusa at terorismo ng estado sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisayaChinese

Tandaan na ninakaw ni Ferdinand Marcos Jr ang eleksyong pampangulo ng Mayo 9 sa pamamagitan ng elektronikong pandaraya sa awtomatikong sistema ng pagbibilang para lumikha ng ilusyon ng isang “landslide” na pagkapanalo. Ang plano ng mga Marcos ay tiyakin at ibayong palakihin ang dambuhala nilang yamang kinamal noong panahon ng diktadura 1972-1986, at palawigin ang kanilang dinastiyang pulitikal.

Ang kalagayan ng bansa sa ilalim ni Marcos Jr ay patuloy na lumulubha. Ang kanyang mga programa at plano ay pawang inulit na lumang programa at plano, laluna sa usapin ng patakaran sa ekonomya. Sa unang 100 araw, walang naranasang pag-unlad sa kalagayan ang mamamayang Pilipino, taliwas sa mga pangako ni Marcos. Mas lalo ang kanilang paghihirap habang hindi magkandaugaga sa paghahanap ng pagkakakitaan sa araw-araw para may maihain sa kanilang hapag.

Isandaang araw ng paghihirap at lagim

Sa perspektiba ng mamamayang Pilipino, ang unang 100 araw ni Marcos Jr ay kinatangian ng sumusunod:

(a) Malubhang kawalang-interes sa pagtugon sa paghihirap ng mamamayan sa harap ng sumisirit na presyo, mababang sahod, malawakang kawalan ng trabaho at kawalan ng pampublikong serbisyo. Sa una niyang araw, idineklara ni Marcos Jr, “hindi naman ganoon kataas ang implasyon” na taliwas sa inilabas ng kanyang sariling ahensya sa estadistika na nagsaad na pumalo sa 6.1% ang implasyon noong Hunyo.

Sa nagdaang mga buwan, halos walang ginawa si Marcos para tugunan ang malawakang kahingian ng mamamayan para ibaba ang presyo ng petrolyo, pagkain, gamot, serbisyong kalusugan at ibang batayang bilihin at serbisyo. Paglipas ng tatlong buwan, umakyat ang implasyon tungong 6.9%, na itinulak ng mataas na halaga ng imported na langis, na nabunsod ng pagdausdos sa pamantayan sa pamumuhay ng mamamayan.

Sumisidhi nang sumisidhi ang kalagayan ng malawak na masa ng mamamayan. Binabalewala ni Marcos, ng kanyang mga tagagawa ng patakaran at alipures sa Kongreso ang panagawan para sa kagyat na ayuda sa ekonomya, pagpapataas ng sahod at mga hakbangin para ibaba ang presyo. Kinaltasan nila ang badyet na nakalaan sa serbisyong panlipunan, at sa halip ay inuna ang magarbong mga proyektong imprastrukturang may dayuhan-pondo para sa dayuhang mga kontraktor, kanilang mga lokal na kasosyong burgesyang kumprador at korap na malalaking burukrata.

(b) Pagpapatuloy ng itinulak ng nagdaang rehimen na ibayong pagbubukas ng ekonomya ng bansa, pagsalalay sa dayuhang mga kapitalista, at pangangayupapa sa mga diktang neoliberal sa ekonomya ng International Monetary Fund at World Bank na pumipinsala sa lokal na pagmamanupaktura at produksyong pang-agrikultura.

Idineklara ni Marcos sa harap ng United Nations at mga negosyanteng Amerikano, ang kanyang plano na lalupang buksan ang pinto para sa dayuhang mga kapitalista, bilang sentral na plano niya para sa ekonomya. Wala siyang planong lutasin ang pagkawasak ng produktibong mga pwersa ng bansa, laluna ang agrikultura na gumuho sa huling ilang dekada sa ilalim ng mapanirang walang tigil na liberalisasyon sa importasyon.

Nasa neoliberal na arsenal ni Marcos ang tatlong batas na pinirmahan ni Duterte: ang Retail Trade Liberalization Act, ang Public Service Act, at inamyendahang Foreign Investments Act. Ang mga batas na ito, na itinulak ng gubyerno ng US at mga negosyanteng Amerikano, ay lalong magpapatibay sa paghahari ng imperyalismo sa ekonomya ng bansa. Habang binabatbat ni Marcos ang mga Pilipino ng pabigat na mga buwis, plano ni Marcos na kaltasan ang buwis ng mga korporasyong multinasyunal bilang gantimpala sa pagsasamantala sa murang lakas paggawa at likas na yaman ng bansa.

Sa harap ng patuloy na pagbagal ng pandaigdigang mga sentro ng kapitalismo at lumalaking banta ng resesyon, lalo lamang ilulubog ng plano ni Marcos ang bansa sa krisis sa ekonomya at pagkabangkarote, at palalalimin ang atrasdo, agraryo at hindi industriyal na estado nito.

Ang mga pagsisikap ng US na palakasin ang dolyar nito sa harap ng banta ng istagplasyon ay nagresulta sa mabilis na pagbagsak ng halaga ng piso kontra sa dolyar, na nagpapataas sa depisito sa kalakalan ng bansa. Ang bansa ngayo’y pinalulutang lamang ng remitans na dolyar ng mga migranteng Pilipino, habang ang internasyunal sistemang kapitalista ay nasa bingit ng panibagong pandaigdigang resesyon.

(c) Sa atas ni Marcos, patuloy na pinaiigting ng armadong mga ahente ng estado ang terorismo ng estado at paninibasib sa mamamayan at sa kanilang mga pwersang patriyotiko at demokratiko. Sa loob lamang 100 araw, naitala ang hindi bababa sa 80 insidente ng pag-abuso sa karapatang-tao at paglabag sa internasyunal na makataong batas.

Mula maupo si Maros, hindi bababa sa dalawang masaker at iba pang labag sa batas na pagpaslang ang isinagawa ng kanyang armadong mga ahente. Sa kabuuan, hindi bababa sa 16 ang ekstrahudisyal na pinaslang ng mga ahente ng estado, kabilang ang tatlong menor-de-edad, sa ilalim ng gera ng panunupil nito. Kabilang sa mga ito ang kaso ng pagpaslang habang nasa kostudiya ang mag-asawang sina Vincent Madlos at Glorivic Belandres, mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan, na kapwa hindi armado o hors de combat nang madakip. Higit 41 ang inaresto, tatlo ang dinukot, na ang dalawa ay hindi pa rin inililitaw hanggang ngayon. Higit 840 ang bilanggong pulitikal nakabimbin pa sa mga kulungan.

Walang habas pa rin ang brutal na “gera kontra droga,” habang pinipigilan ng mga upisyal ni Marcos ang International Criminal Court na imbestigahan ang mga kaso ng krimen laban sa sangkatauhan laban kay dating presidente Duterte at kanyang mga upisyal na pulis.

Ang mga komunidad sa kanayunan ay patuloy na hinahamlet ng militar sa tabing ng ng “serbisyo sa komunidad” kung saan libu-libong sundalo ang ginagamit sa lansakang paglabag sa karapatan ng mga magsasaka. Upang itarak ang takot at pangamba, patuloy ang mga batalyong pangkombat ng AFP sa walang patumanggang paghuhulog ng bomba at panganganyon. Kahapon lamang, ilanlibong residente ng Himamaylan City, Negros Occidental ang lumikas sa kanilang mga tahanan matapos ang panganganyon ng militar malapit sa kanilang mga komunidad. Noong nakaraang buwan, ganundin ang nangyari sa isang baryo sa Banaybanay, Davao Oriental.

Patuloy na nirered-tag ng AFP at PNP ang mga ligal na pwersang demokratiko na nagpapalabo sa pagkakaiba ng sibilyan at armadong kombatant, taliwas sa internasyunal na makataong batas. Ang mga organisador ng unyon at kasapi ng mga organisasyong masa ay walang awat na sinisindak ng mga armadong ahente ng estado. Walang tigil ang pag-atake sa kalayaan sa pamamahayag at kalayaan sa pagpapahayag ng mamamayan. Kamakailan, pinuri pa nga ng NTF-Elcac ang dati nitong tagapagsalita na nangred-tag at nagbanta sa husgadong nagbasura sa kaso ng teroristang pagbansag laban sa PKP at BHB.

(d) Papet ng imperyalismong US at sunud-sunuran sa imperyalismong Chinese si Marcos Jr. Pinahintulutan niya kamakailan ang higit 2,550 sundalong Amerikano at armadong pwersa na gamitin ang bansa para sa pagsasanay ng US sa digma (Kamandag), na nagpapaigting sa gitgitang militar sa South China Sea. Walang plano si Marcos na pakinggan ang matagal nang patriyotikong sigaw ng mamamayang Pilipino para sa pagbabasura sa Mutual Defense Treaty, sa Visiting Forces Agreement at iba pang hindi pantay na tratadong militar sa US.

Kasabay nito, duwag si Marcos sa harap ng patuloy na panghihimasok ng China at pagpapanatili nito ng pasilidad militar sa South China Sea. Sa harap ng United Nations, hindi itinulak ni Marcos na respetuhin ng China ang hatol ng International Arbitral Tribunal noong Hulyo 2016 na kumilala sa karapatan ng bansa sa mga teritoryo nito sa ilalim ng United Nations Convention on the Laws of the Seas (UNCLOS).

Sa harap ng umiigting na inter-imperyalistang armadong tunggalian at ng lumalaking banta ng gera na maaaring sumiklab sa Asia, walang ginagawa si Marcos para itaguyod ang nagsasariling patakarang panlabas, at sa halip ay pinahihintulutan ang US na gamitin ang Pilipinas na lunsaran ng mga eherisyong militar nito at gawing base para sa pagpakat ng abanteng pwersa. Inilalagay niya ang bansa sa labis na peligrong maipit sa gitna ng US at China.

(e) Maluhong pamumuhay na pabigat sa mamamayang Pilipino. Sa kanilang marangyang pamumuhay, ipinamalas ni Marcos at kanyang pamilya at kaanak ang sagadsaring kawalang pakialam sa pagdurusa ng malawak na masang anakpawis. Tulad ng kanyang inang si Imelda, mabilis siyang naging bantog sa pagpapaunlak at pagdalo sa mamahaling mga piging, na nagtatampok sa kanyang nakabuburyong na pananalita. Sa New York, milyun-milyong piso ang ginastos ni Marcos, ng kanyang asawa at mga anak, sa mararangyang hotel at pamimili sa mamahaling mga mall. Pinakyaw nila ang biyahe ng komersyal na eroplano sa pagpunta sa US at pag-uwi.

Paglipas ng ilang araw, ginamit ni Marcos, kasa-kasama ang kanyang pamilya, ang Gulfstream jet ng Philippine Air Force para lumipad tungong Singapore. Ang Gulfstream jet, na diumano’y “command center” ng AFP, ay binili ni Rodrigo Duterte na hayok sa marangyang pagbiyahe. Tumanggi si Marcos na isiwalat kung magkanong ang ginastos ng gubyerno o tinaggap na pribadong salapi para sa kanyang pamamasyal.

Pinatutunayan ni Marcos Jr sa mamamayang Pilipino na siya ay larawan na naghaharing uri na walang pakialam sa pagdurusa ng mamamayang Pilipino at nagtuturing sa pusisyon bilang pribilehiyo na maglustay ng pondo.

Ipaglaban ang karapatan at kagalingan ng mamamayan, isulong ang rebolusyonaryong mithiin

Si Marcos Jr ang kasalukuyang hepe ng estadong neokolonyal. Nagsisilbi siya sa interes ng imperyalismo at ng naghaharing mga uri na panatilhin ang kasalukuyang kaayusang panlipunan. Ginagamit ni Marcos ang kanyang kapangyarihan para panatilihin ang nagnanaknak at batbat sa krisis na sistemang malakolonyal at malapyudal.

Sa harap ng sumisidhing pagdurusa at pagpapabaya ng estado, walang ibang mapagpilian ang mamamayang Pilipino kundi ang manindigan at iparinig ang kanilang tinig sa paggiit at pagtanggol sa kanilang mga karapatan at kagalingan. Dapat patuloy silang magkaisa sa kanilang mga unyon at iba pang anyo ng organisasyon para mas epektibong ipaglaban ang kanilang mga interes.

Dapat nilang paigtingin ang militanteng pakikibaka para ipaglaban ang pagtataas ng sahod at sweldo sa harap sumisirit na gastusin. Sa kanayunan, dapat mahigpit na isulong ng masang magsasaka ang kanilang pakikibaka para ibaba ang upa sa lupa, ibaba ang halaga ng gastos sa pagsasaka, tanggalin ang usura at itaas ang presyo sa pagbili ng kanilang mga produkto. Dapat mahigpit na isigaw ng malawak na masa ng sambayanan ang kanilang kahingian para ibaba ang presyo ng petrolyo, pagkain at iba pang batayang bilihin. Kasabay nito, dapat nilang tutulan ang lahat ng anti-mamamayang patakaran at programa, kabilang yaong sumisira o nagkakait sa kanilang kabuhayan (liberalisasyon sa importasyon, pagpapalawak sa mga plantasyon, pagpasok at pagpapalawak ng mga kumpanya sa pagmimina at iba pa.)

Dapat kagyat na kumilos ang mamamayan para ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at kagalingan sa harap ng mga banta ng masidhing krisis sa ekonomya na magdudulot ng kahirapan at kagutuman. Kasabay nito, dapat nilang iugnay ang kanilang mga pakikibaka sa kanilang pambansa at demokratikong adhikain, kabilang ang kahingian para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.

Ang lumulubhang krisis ng naghaharing sistema sa ilalim ni Marcos Jr ay nagdidiin sa kakagyatan at pagiging makatarungan ng paglulunsad ng armadong pakikibaka para wakasan ang imperyalismo, pyudalismo at buruktarang kapitalismo na nagdudulot ng walang katapusang pagdurusa sa mamamayang Pilipino. Sa ilalim ng pamumuno ng Partido, determinado ang mamamayang Pilipino na isulong ang demokratikong rebolusyong bayan sa mas mataas na antas.

100 araw ng pagdurusa at terorismo ng estado sa ilalim ng rehimeng US-Marcos II