Pahayag

2025 Pambansang Badyet ng Rehimeng Marcos Jr: Pondo para sa Korapsyon at Pasismo, Pabor sa mga Burakrata Kapitalista Hindi para sa Mamamayan

,

Inaprubahan na ng bicameral conference committee ang pinal na bersyon ng pambansang badyet para sa taong 2025. Pinakamalaki sa mga nagdaang taong pondo ang Php 6.352 trilyon na laan sa susunod na taon, at mas mataas din ito ng 10.14% sa 2024 badyet (Php 5.767.60 bilyon). May temang “Agenda for Prosperity: Fulfilling the Needs and Aspirations of the Filipino People” ang 2025 badyet, ngunit isa itong kahuwaran dahil tanging priyoridad dito ang korapsyon, pagpapanatili at mas pagpapalaganap ng karahasan, at pagtugon sa mga pansariling hangarin ng mga naghaharing uri ng pangkating Marcos Jr.

Lalong lumobo ang badyet sa depensa na tumaas sa Php 419.3 bilyon sa 2025 mula sa Php 278.1 bilyon ng 2024. Mapupunta sa sagad-sagaring pasistang Armed Forces of the Philippiens (AFP) ang malaking bahagi (Php 242.8 bilyon) ng laang badyet ni Marcos Jr sa depensa. Sa tabing ng mga programang magsisiguro raw ng kapayapaan at pambansang seguridad tulad ng Revised AFP Modemization Program, mamamakyaw na naman ang Department of National Defense (DND) at AFP ng mga gamit-militar, na mga “ukay” at pinaglumaan na kagamitang panggiyera mula sa imperyalistang US, na mas gagamitin sa brutal nilang kontra-rebolusyonaryong giyera, pangdarahas at pangbobomba sa mga pamayanan ng magsasaka at katutubo sa kanayunan.

Ibayo rin ang pagtalon ng pondo para sa Philippine National Police (PNP) na tungong Php 206.2 bilyon sa 2025 mula sa Php 198.3 bilyong badyet ng 2024. Busog na busog na naman ang mga bulsa ng mga pasista’t berdugo sa dobleng pagtaas ng kanilang suweldo, mga karagdagang benipisyo, kasama na diyan ang dagdag na Php 350 daily subsistence allowance ng mga sundalo. Ayon kay Martin Romualdez, mahalagang matiyak ang rekurso ng AFP upang mapanatili ang pagsisilbi nila nang may ‘karangalan at dedikasyon’ kahit paraan lamang talaga ng rehimeng Marcos Jr ito ng pagbili ng kanilang katapatan. Dagdag pa, isa ito sa maraming hakbang ng reaksyunaryong gubyero upang tiyakin ang konsolidasyon ng kanilang kontrol sa mersenaryong millitar, laban sa gutom at lumalabang mamamayan.

Sumirit naman ang confidential and intelligence funds (CIF) ni Marcos Jr sa Php 4.5 bilyon sa laang badyet sa 2025. Isa itong matinding demonstrasyon ng hipokrisiya ng pangkating Marcos Jr sa gitna ng mga nakahaing impeachment complaint kay Sara Duterte dahil sa maanomalyang paggamit ng CIF ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd). Sa ulat ng Commission on Audit (COA), ang Office of the President (OP) ang may pinakamalaking winaldas sa CIF na umabot sa Php 4.57 bilyon noong 2023 0 Php 12.5 milyon kada araw sa loob lamang ng isang taon.

Marapat lamang na ipanawagan ng taumbayan ang mabilis na pagtugon sa mayorya ng kongreso sa mga pormal na reklamo ng pagpapatalsik sa puwesto kay Sara Duterte kasabay ng pagwawakas sa lahat nang porma ng Confidential and Inteligence Funds (CIF). Tuloy-tuloy ang paglobo ng CIF lalo na sa panahon ng berdugong Duterte at hanggang sa rehimen ni Marcos Jr., at nananatili itong palabigasan ng mga nasa kapangyarihan at kanilang mga alipores. Bukod pa sa paggamit sa CIF sa sistematikong paglulustay at pagnanakaw sa kaban ng bayan, kinakasangkapan din ito sa paniniktik sa mga unyon at pangmasang organisasyon; pagdukot at sapilitang pagkawala ng mga aktibista at mga rebolusyonaryo; mga iligal na pag-aresto at paggawa ng mga nilubid na kaso; iligal na detensyon; at ekstrahudisyal na pamamaslang.

Samantala, habang pinapataba ang pondo para sa pasismo at korapsyon, kinaltasan naman ng Php 12 bilyon ang badyet ng DepEd. Bumaba rin ng Php 33.3 bilyon ang pondo para sa Commission on Higher Education (CHEd) at Php 126.16 bilyon naman sa state universities and colleges (SUCs) na parehong signipikanteng dumausdos mula sa 2024 badyet. Binawasan din ang laang pondo para sa University of the Philippines (UP) system mula Php 24.77 bilyon sa nakaraang taon tungo sa Php 22.77 bilyon sa susunod na taon. Pinakamalaki sa nakalipas na halos isang dekada ang kamakailang kaltas sa pondo ng UP system na nagsisilbi sa higit 64,000 mag-aaral.

Patunay lang ang mga nabanggit na walang pagpapahalaga ang rehimeng Marcos Jr sa edukasyon ng mga mamamayang Pilipino. Tanging priyoridad ng reaksyunaryong gubyerno ni Marcos Jr. ang giyera, panunupil, at pagnanakaw kaya mas lalong napapabayaan ang sektor ng edukasyon na nagreresulta sa mas malaking agwat sa pagkatuto, paglimita at tuluyang pagwasak sa akses sa edukasyon ng mga mamamayan.

Bukod sa sektor ng edukasyon, malaki rin ang kaltas sa mga ahensyang nagbibigay ng serbisyo at tumutugon sa mga batayang pangangailangan ng mga mamamayan. May Php 23.4 bilyong kaltas ang Department of Health (DOH), Php 14.4 bilyon sa Department of Labor and Employment (DOLE), at Php 18.4 bilyon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na malaking kabalintunaan dahil binalik naman ng bicameral committee ang Php 26 bilyon (Php 21 bilyon sa Kongreso at Php 5 bilyon sa Senado) ng orihinal na Php 39 bilyon sa kontrobersyal na Ayuda sa Kapos sa Kita Program (AKAP). Matatandaang binatikos ang AKAP dahil sa paggamit ng pondo nito para itulak ang charter change, at hindi malabong gamitin muli ito na pansuhol at pambili ng boto sa paparating na eleksyon. Tulad ng iba pang programang ayuda, kisapmatang ginhawa lang ang hatid ng AKAP at itinatali lang ang mamamayan sa galamay ng mga mapagsamantalang pulitiko imbes na tumugon sa tunay na panawagan ng mga mamamayan tulad ng pagbibigay ng regular na trabaho, disente at nakakabuhay na sahod.

Kaya patuloy ang panawagan ng KAGUMA sa malawak na mamamayan, lalo na sa mga kaguruan at kabataan, na ilantad at labanan ang mga makasariling interes sa 2025 Pambansang Badyet na umaayon sa kagustuhan ni Marcos Jr at ng kanyang Bagong Pilipinas na lalong pinapaburan ang mga burukrata kapitalista sa patuloy na pagpapasasa sa kaban ng bayan. Sa pamalagiang krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunan na mas ibayong pinalala ng mga neoliberal na patakaran ng mga imperyalistang bayan sa pangunguna ng US ay lalong nababaon sa hirap ng pagdurusa ang sambayanang Pilipino, samantalang sa kabilang banda’y ang pagpapabundat ng mga burukrata sa pamamagitan ng paglulustay ng pondong bayan. Umaalingasaw na ang nabubulok na sistemang pinaghaharian ng mga Marcos, mga kasangga nilang panginoong maylupa, burukratang kapitalista, malalaking burgesyang kumprador, at ang imperyalistang US. Kaya isang kahungkagan ang 2025 badyet, ang Bagong Pilipinas, na magsisilbi lang sa mga naghaharing uri at hindi kailanman sa mga ordinaryong mamamayan. Ito’y badyet na pagpipyestahan ng mga buwitreng kampon ng rehimeng Marcos habang patuloy ang marahas na pagsupil sa mamamayang lumalaban para sa kanilang mga kagyat na kahilingan.

Kaya ang hamon ng KAGUMA sa mga kapwa guro, mga kawani sa edukasyon, kabataan at malawak na mamamayan na pahigpitin ang pagkakaisa para labanan ang anumang porma ng korapsyon at pasismo; suungin ang landas ng demokratikong rebolusyong bayan; tumangan ng armas at muling palakasin ang armadong paglaban ng mamamayan sa kanayunan. Kamtin ang masaganang bukas para sa lahat ng mamamayan lalo ng mga aping sektor, at para maibigay ang mga serbisyong panlipunan na magsisislbi sa pangangailangan ng mamamayan. At tanging makakamit lamang ang lahat ng ito sa pamamagitan ng tagumpay ng demokratikong rebolusyon ng bayan. Kaya panagutin at pagbayarin sina Marcos at Duterte at ang kanilang mga kasabwat sa pandarambong!

Ibagsak ang Imperyalismo, Burukrata Kapitalismo at Pyudalismo! Labanan ang malaganap na korapsyon at pasismo ng rehimeng US- Marcos Jr! Ipagtagumpay ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sosyalimo! Mga guro at kabataan, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

2025 Pambansang Badyet ng Rehimeng Marcos Jr: Pondo para sa Korapsyon at Pasismo, Pabor sa mga Burakrata Kapitalista Hindi para sa Mamamayan