Pahayag

Armas-Balangay Felix Salditos, matagumpay na nagdaos ng asembliya

Matagumpay na naglunsad ng asembliya ang Artista at Manunulat ng Sambayanan (ARMAS) Balangay Felix Salditos sa ilalim ng temang “Dagundong: Palakasin ang Rebolusyonaryong Kilusan, Pamunuan ang Hanay ng mga Manggagawang Pangkultura, at Magkamit ng Mas Marami Pang Tagumpay.”

Higit pa sa isang panawagan, sumasalamin ang tema sa lumalakas na tinig ng nagkakaisang pagkilos ng mga artista ng bayan upang higit pang patatagin ang kanilang papel bilang bahagi ng rebolusyonaryong kilusan.

Mula sa asembliyang ito na inilunsad nitong Hulyo, pinagtibay ng mga kasapi ang mahigpit na tungkulin ng mga artista ng bayan bilang aktibong kalahok sa pagsusulong ng rebolusyon na ginagabayan ng ideolohiyang Marxismo-Leninismo-Maoismo. Nailatag rin ang mga pangkalahatang plano ng pagkilos na naglalayong higit pang palalimin ang rebolusyonaryong paninindigan ng bawat kasapi at paigtingin ang pakikibaka upang ganap na durugin ang imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo. Naging matagumpay din ang pagluluklok ng mga opisyal ng balangay bilang hakbang sa higit pang pagpapatatag ng organisasyon.

Inaasahang higit pang lalawak ang saklaw ng rebolusyonaryong gawaing pangkultura at lalalim ang ambag ng bawat kasapi sa pakikibaka ng sambayanan. Layunin nitong magkamit ng mas marami pang tagumpay sa pamamagitan ng paglikha ng mas maraming sining na naglilingkod sa armadong rebolusyon, pagpapalawak ng hanay at pagtatayo ng mas maraming balangay, pagtungo sa kanayunan upang makatulong sa pagpapalakas ng mga rebolusyonaryong kilusan ng mga magbubukid, at paghikayat sa mas marami pang anak ng bayan na tumangan ng armas at lumahok sa matagalang digmang bayan bilang mga pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan.

Sa walong taon ng ARMAS Felix Salditos, mahigpit nitong tinanganan ang ideolohiya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, at masusuing inilapat ito sa praktika ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba. Nagkamit na ang balangay ng maraming tagumpay, kabilang dito ang: (1) paglahok sa iba’t ibang lihim na pagkilos, (2) pag-ambag ng sining para sa mga rebolusyonaryaong lathalain at parangal para sa mga bayani at martir, (3) paglunsad ng gawaing propaganda, (4) nakapagluwal ng mga bagong balangay ng ARMAS, at (5) pagtugon sa kampanyang ETS!

Sa kabila nito, kinikilala rin ng balangay ang mga naging kahinaan nito, at pursigido sa tuluy-tuloy na pag-aaral at paglapat ng teorya sa praktika, pagpupuna at pagpupuna sa sarili, upang maigpawan at mapagunlad ang mga ito. Sa bawat bagong hakbang ng kilusan, higit pang lalakas ang samasamang tinig ng mga manggagawang pangkultura at mas malayo ang maaabot ng panawagan sa pagsulong ng rebolusyon.

Ang mga tagumpay na naabot ng balangay kabilang ang tuluy-tuloy na paglago ng mga kasapi nito ay isang manipestasyon na ang bulok na sistemang mala-kolonyal at mala-pyudal, na lalong nilulubog ang masang anakpawis sa krisis, ay patuloy na magluluwal ng mga anak ng bayan na handang lumahok sa demokratikong
rebolusyong bayan tungo sa isang lipunang malaya sa pagsasamantala at pang-aapi.

Pulang saludo ang nais ipaabot ng balangay kay Ka Roger Felix V. Salditos (“Ka Mayamor”), isang pulang mandirigma, makata, at artista ng bayan na na-martyr noong 2018 sa San Jose, Antique. Pinakamataas na pagpupugay sa mga martyr at bayani ng bayan na nag-alay ng talino, lakas, maski ng buhay, at walang pag-iimbot na tinahak ang rebolusyonaryong landas upang paglingkuran ang masang anakpawis sa pinakamataas na antas!

Hamon ito sa lahat ng artista ng bayan na mas pasidhiin pa ang pagsisilbi sa rebolusyon. Ang rebolusyonaryong diwa at kapasyahan ng mga artista ng bayan ang papanday sa isang lipunang walang pananamantala. Tanging sa pagtatagumpay lamang ng matagalang digmang bayan mapapawi ang lahat ng uri at tuluyang mapapalaya ang sining.

Artista ng bayan, gamitin ang sining upang ibayong isulong ang Demokratikong Rebolusyon Bayan na may sosyalistang perspektiba! Lumahok sa matagalang digmang bayan! Tumungo sa kanayunan at tumangan ng armas bilang Pulang Mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan!

Armas-Balangay Felix Salditos, matagumpay na nagdaos ng asembliya