Pahayag

Labanan ang sabwatang imperyalista-burukrata kapitalistang pandarambong sa likas yaman sa gitna ng tumitinding tagtuyot at krisis sa klima

, ,

Mariing kinukundena ng National Democratic Front-Cagayan Valley ang nagpapatuloy na sabwatang imperyalista-burukrata kapitalistang pandarambong sa ating natural na rekurso sa gitna ng malawakang pinsalang idinudulot ng matinding tagtuyot at krisis sa klima sa magsasaka, mangingisda at masang anakpawis sa Cagayan Valley. Itinatakwil natin ang lansakang korapsyon ng rehimeng US-Marcos Jr na sanhi ng pagpapabaya sa kapakanan ng mamamayan sa mga pinakamahirap na kalagayang ganito.

Sa gitna ng nagpapatuloy na tagtuyot, ang mga magsasaka’t mangingisda sa Cagayan Valley ay nalulugmok sa pinakamatinding desperasyon, pagkakautang at karalitaan sa harap ng di maawat na pagsirit ng presyo ng langis at lahat ng batayang pangangailangan.

Nagpapatuloy ang pagbaba ng antas ng tubig sa Magat River, ang pangunahing rekurso ng irigasyon sa rehiyon at Northern Luzon, na ngayon ay malapit na sa kritikal na 160 metro. Ang mababang antas ng tubig sa ilog ay sadyang nagbabawas ng patubig sa 184,000 ektarya ng palayan, 93,000 ektarya ng maisan at nasa 67,000 ektarya ng high-value crops sa Region 2. Noon pang Abril, nag-ulat na ang prubinsya ng Cagayan ng ₱10 bilyong danyos sa agrikultura. Sa Isabela, naiulat ang 40% danyos sa maisan mula Pebrero.

Habang mabilis na pinabababa ng El Niño ang antas ng tubig at oxygen nito, lumaki ang danyos sa erya ng Magat Dam sa ₱1 milyon. Sa San Ramon, Isabela pa lamang, mahigit 1,400 mangingisda at fish cage operators ang nawalan ng malaking kabuhayan dulot ng fish kill.

Ang deka-dekada at walang pakundangang malakihang pagtotroso at pagmimina sa kabundukan ng Sierra Madre ay nagdulot ng malawakang pagkakalbo at naminsala sa kakayanan nitong isustini ang likas na balon ng tubig. Gayundin, ang quarrying sa ilog at tabing-ilog sa paligid ng Magat watershed at iba pang mapanirang proyekto kagaya ng malalaking dam ay lalong sumira sa natural na ekosistema sa erya.

Mula pa 1950s, ang malakihang pagtotroso sa Cagayan Valley ay todong nagpayaman sa malalaking burges kumprador, panginoong maylupa’t mga lokal na burukrata kapitalista at ng kanilang mga kasabwat na dayuhang kapitalista. Ang kanilang kasakiman ang malawakang nangalbo sa mga kagubatan ng Sierra Madre at nanira sa watershed nito.

Ang mga neoliberal na dikta ng imperyalistang US ang nagtulak sa mas malubha pang pagkawasak ng ating natural na rekurso at kapaligiran. Mula huling bahagi ng 1990s hanggang 2000s, ang mga huwad na programang reporestasyon kagaya ng National Greening Program na nagsulong ng pagtatanim ng mga matakaw sa tubig na punongkahoy para sa negosyo, ang nagpalala sa pagkasira ng watershed ng Sierra Madre. Dumagdag pa dito ang pagpapatupad ng Mining Act of 1995 na lalong nagbuyangyang sa mga kabundukan ng Cagayan Valley para sa pandarambong ng malalaking kumpanya sa mina at higit pang nagpalala sa pagkasira ng watershed sa rehiyon.

Itinulak ng liberalisasyon sa agrikultura ang malalaking burges kumprador at panginoong maylupa ng Cagayan Valley na lalo pang mangamkam at kumalbo ng mga kagubatan at lupain ng magsasaka sa mga prontera para sa malawakang produksyon ng hybrid na palay, mais at cassava. Ang produksyon ng hybrid na pananim, na nangangailangan ng mas maraming tubig, abono at pestisidyo ay nagdagdag din sa mas mabilis na pagkaubos ng ating mga rekurso sa tubig.

Upang suportahan ang produksyon ng hybrid para sa export at malaking negosyo, itinayo ng reaksyunaryong gubyerno at pinondohan ng US at Japan ang Magat River Multi-Purpose Dam Project sa Isabela at ang Cagayan Integrated Agricultural Development Project (CIADP). Subalit, ang mga proyektong ito, na pinangangasiwaan ng National Irrigation Administration (NIA) ay hindi nakapagbigay ng tunay at sapat na serbisyong patubig, dahil ang malawak na mga sakahan sa rehiyon ay nananatiling walang irigasyon.

Ngayon, ang mamamayan ng Cagayan Valley ay nagdurusa sa epekto ng krisis sa klima kagaya ng tagtuyot, lubhang malalakas na bagyo at matinding pagbaha dulot ng malawakang paglapastangan sa natural na rekurso at kapaligiran. Ang puno’t dulo nito ay ang imperyalistang katakawan sa superganansya, sa pakikikutsabahan ng burukrata kapitalistang rehimeng Marcos na gumagamit sa mga proyektong ito bilang gatasan ng kanilang kulimbat.

Ang matitinding epekto ng tagtuyot ay nagpapalala sa batayang suliranin ng magsasaka at maralitang masa sa kawalan ng lupa, usura at iba pang pyudal at malapyudal na pagsasamantala.

Sa harap nito, nananawagan ang NDF-CV sa mamamayan ng Cagayan Valley na isulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan upang ibagsak ang imperyalismo, burukrata kapitalismo at pyudalismo na nagluwal sa matinding krisis sa klima.

Kailangan nating isulong ang militanteng kilusang masa laban sa walang habas na pandarambong at pangwawasak sa kapaligiran ng malalaking burges kumprador, panginoong maylupa at kanilang imperyalistang amo. Paigtingin natin ang pakikibaka laban sa korapsyon ng rehimeng Marcos na mas maluwag na nagbubukas sa pangangamkam ng mga malalaking pagmimina at dredging, huwad na proyektong reporestasyon at produksyon ng HYV para sa malalaking negosyo.

Paalingawngawin ang ating paniningil sa reaksyunaryong estado para sa agaran at sapat na ayuda at kumprehensibong rehabilitasyon sa kapaligiran, gayundin ang mas signipikanteng suporta sa agrikultura kagaya ng irigasyon at subsidyo sa produksyon. Ang bilyon-bilyong piso na ninanakaw ng mga kurakot na upisyal sa gubyerno mula sa pondo ng bayan ay dapat na maibalik at pagsilbihin sa pangangailangan ng magsasaka, mangingisda at lahat ng maralitang mamamayan.

Itayo at patatagin ang mga barikada ng mamamayan laban sa malakihang pagmimina, pagtotroso, dredging at huwad na reporestasyon. Itatag ang mga samahan ng mamamayan upang maitaas ang kanilang kahandaang harapin ang mga kalamidad at maipatupad ang malawakang kampanya sa rehabilitasyon ng Sierra Madre, ng Magat river at iba pang natural na rekurso ng Cagayan Valley.

Sa ubod ng mga kampanyang ito, ating isulong ang rebolusyong agraryo na kumprehensibong reresolba sa batayang suliranin sa lupa at mapagpasyang magpapatigil sa pandarambong sa ating likas na rekurso.

Sa pamamagitan lamang ng pagpapatatag sa ating rebolusyonaryong kapangyarihan, pangunahin sa pamamagitan ng armadong pakikibaka, matutubos at maipagtatanggol natin ang ating lupa at natural na rekurso. Sa pamamagitan ng demokratikong rebolusyon ng bayan tayo makakapagluwal ng tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon na magsisigurado sa proteksyon ng ating lupa at likas yaman, sasagip sa ating mamamayan mula sa kronikong krisis at mga kalamidad at maghahatid ng maunlad at maginhawang buhay sa kanila.

Labanan ang sabwatang imperyalista-burukrata kapitalistang pandarambong sa likas yaman sa gitna ng tumitinding tagtuyot at krisis sa klima