3 taon ng pasistang paghahari ng rehimeng US-Marcos: 800, biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa EV
Hindi bababa sa 800 na magbubukid, kabataan, matatanda at iba pa ang naging biktima ng paglabag sa karapatang pantao ng mga pwersa ng 8th Infantry Division at PNP sa Eastern Visayas sa mahigit tatlong taon ng rehimeng US-Marcos. Ayon ito sa panimulang datos na nakalap ng National Democratic Front-Eastern Visayas (NDF-EV) mula Hulyo 1, 2022 hanggang Disyembre 1, 2025.
Sa bilang na ito, 37 ang biktima ng ekstrahudisyal na pagpaslang, kung saan 20 ay magsasaka. Ilan sa kanila ay mga “napagkamalang” Pulang mandirigma ng mga nag-ooperasyong pasistang tropa, tulad ng 15-anyos na si Jason Padullo ng Borongan, Eastern Samar na pinaslang nitong Hunyo. Marami ay tinarget dahil tinatakwil nila ang pang-aabuso ng militar, tulad nina Pido Mendez na pinaslang ng 74th IB sa Mapanas, Northern Samar, at Veronico “Tatay Birong” Anterio na pinatay ng 43rd IB sa Matuguinao, Samar.
May 19 naman na biktima ng bigong pagpaslang, tulad nina Loreta Jabolin Paclita, 72, at Mark Angelo Laboc, 8, na natamaan sa pangingistraping ng helikopter ng 87th IB sa kanilang baryo sa Motiong, Samar nitong Pebrero. Labing-isang (11) magkokopras, kabilang ang mga menor de edad sa Palapag, Northern Samar, inistraping at hinostage ng 74th IB para pasukuin ang mga kamag-anak nila noong 2024.
Kahit ordinaryong sibilyan at bahay na nakakasalubong ng militar sa operasyong kombat ay basta na lamang pinapuputukan. Hinahalughog ang mga bahay, itinatapon ang mga nakaimbak dito na palay o bigas dahil para daw ito sa hukbong bayan, o di kaya ay ninanakaw ang mga alagang hayop.
Karamihan din sa 28 biktima ng iligal pag-aresto at detensyon ay mga magsasaka na kinasuhan ng gawa-gawang kaso, tulad ni Antonio Gabane, kapitan ng Barangay Saraw, Motiong, Samar.
Hindi pa kasama sa kabuuang bilang ng mga biktima ang populasyon ng mga komunidad na isinasailalim sa matagalang saywar. Sa huling tala ng NDF-EV noong Hulyo, hindi bababa sa 500 barangay sa rehiyon ang isinailalim sa operasyong RCSP ng 8th Infantry Division.
Sa ilalim ng RCSP, ilang linggo hanggang ilang taong namamalagi ang yunit militar sa loob mismo ng baryo. Isinasagawa nila ang interogasyon, profiling at sapilitang pagpapasuko sa mga residente, sa tabing ng “pagsesensus” o pagpapatupad ng mga programang saywar tulad E-CLIP at Support to Barangay Development Program ng NTF-Elcac.
Buu-buong baryo din ang isinasailalim sa blokeyo sa pagkain at ekonomiya sa tabing ng “lockdown.” Ilang araw hanggang ilang buwang pinagbabawalan ang mga magsasaka na tumungo sa sakahan para magtrabaho. Palusot ng mga sundalo, para ito sa kaligtasan ng mga residente pero ang totoo, saywar ito sa mga residente na sa pagsasaka lamang nabubuhay.
Sa mga baryong ito, walang tigil na hinaharas at binabalik-balikan ng mga pasistang tropa ang mga magsasakang gusto nilang “pasukuin” at piliting maging ahente militar laban sa Bagong Hukbong Bayan, tulad ng 35 na biktima ng pagbabanta, panghaharas at panggigipit (threat, harassment, and intimidation).
Pagtarget sa mga kabataan at paaralan
Hindi ligtas ang mga bata sa karahasan. Bukod kay Padullo, pinaslang din ng 63rd IB si Intoy, isang 2-anyos na sanggol, na kasama ng kanyang lolo na si Ronnie Obiado nang paputukan ang kanilang kanilang bahay sa San Jose de Buan, Western Samar noong 2023. Nitong Marso, dalawang kabataang kababaihan sa parehong bayan ang iligal na aresto ng 87th IB.
Isang 15-anyos na batang babae naman ang minolestya ng kasapi ng CAFGU noong Abril 2024 sa Catubig, Northern Samar. Dalawang kabataan din ang inabuso ng mga tropa ng 14th IB sa Sogod, Southern Leyte.
Nang bumwelo ang mga protesta kontra korapsyon sa mga sentrong bayan at syudad sa pangunguna ng kabataan nitong Setyembre, nakaranas ang hindi bababa sa 600 na nagprotesta ng panghaharas at sarbeylans ng mga armadong pwersa ng estado. Naipabalita rin ang presensya ng mga pulis sa mga kampus at profiling sa mga mag-aaral na lumahok sa protesta.
Nauna nang naibalita ang pang-Red tag at panggigipit sa mga pahayagang pangkampus at organisasyon ng mga mag-aaral. Regular na lumilibot ang militar sa mga paaralan para siraan ang rebolusyonaryong kilusan at kumbinsihin ang kabataan na maging kimi sa mga isyung panlipunan, na binabalat-kayo bilang career orientation, youth seminar, o first aid training.
Paglabag sa internasyunal na makataong batas
Nasa 17 naman na biktima ng ekstrahudisyal na pagpaslang ng militar sa mga kasapi ng rebolusyonaryong kilusan na hors de combat, o kaya buhay nang mahuli ngunit tuwirang pinaslang. Kabilang dito ang anim na Pulang mandirigma sa Leyte na pinaslang ngayong taon at mag-asawang Wilma Austria at Benito Tiamzon na pinatay noong 2022 sa Catbalogan City.
Dinakip din ang matatandang kadre na nagretiro na sa aktibong rebolusyonaryong gawain, at mga kapapanganak pa lamang na Pulang mandirigma kasama ang kanilang sanggol. Isinasailalim sila sa pisikal at mental na pagpapahirap, pinagkakaitan ng kontak sa abugado at pamilya, at pinipilit na magsilbing aset laban sa mga kasama.
Nagpapatuloy pa rin ang 8th ID at ang Joint Task Force Storm sa paggamit ng labis-labis na dahas sa pag-atake nito sa BHB, na labag sa internasyunal na makataong batas. Sa mahigit tatlong taon ng rehimeng US-Marcos, pitong beses na isinagawa ang teroristang pambobomba mula sa kahanginan gamit ang mga fighter jet at malalakas na bomba ng 8th ID, kung saan anim ay sa Northern Samar. Nagdulot ito ng ligalig at takot sa mga kalapit na komunidad.
NAP-UPD ni Marcos, kopya kay Duterte
Ang todo-gyera ng rehimeng US-Marcos ay nakabalangkas sa National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD). Pagpapatuloy ito ng “whole of nation” approach ng rehimeng US-Duterte na nakabalangkas sa Executive Order 70, na siya ring lumikha sa NTF-Elcac noong 2018. Sa parehong taon, idineklara ang isla ng Samar bilang pangunahing target ng pasistang terorismo ng estado, kasama ang Negros at Quezon sa bisa ng Memorandum Order 32 ng rehimeng Duterte.
Mahigit pitong taon na ang nakalipas, patuloy na binabayo ang mga komunidad ng magsasaka ng matitinding operasyong kombat at iba’t-ibang tipo ng saywar. Pinapatay ang buhay at kabuhayan ng masa. Pinagsama-sama bilang “persona non grata” (hindi katanggap-tanggap) ang rebolusyonaryong kilusan at ang mga sibilyan na hindi nagpapa-“clear.” Ginagamit din ang EO 70 para bigyang-katwiran ang direktang pangingibabaw ng paghaharing militar sa sibilyang gubyerno sa mga baryo.
Layunin ng EO 70—at ng NAP-UPD sa ngayon—na marahas na supilin ang pambansa-demokratikong kilusan, ang pinakakonsolidado at nagkakaisang pwersang lumalaban sa pang-aapi at pagsasamantala sa mamamayan, para panatilihin ang makauring paghahari ng imperyalismong US, malalaking burgesya kumprador, panginoong maylupa at burukrata-kapitalista. Sila ang nakatakdang makinabang sa halos walong beses na paglaki ng pamumuhunan sa rehiyon, na itinataguyod ng pasismo ng estado.