Pahayag

Maniobra ng US gamit ang Pax Silica, ilantad at labanan!

,

Isang tutang kakawag-kawag ang buntot, inihahandog ni Ferdinand Marcos Jr. ang yaman at teritoryo ng buong bansa para sa imbing pakana ng imperyalismong US sa Pilipinas kaugnay ng nilulutong gerang agresyon sa iba’t ibang panig ng daigdig. Nitong Hunyo, ipinagyabang ng rehimen ang higit 50 dayuhang kumpanya, kabilang ang mga may-ari ng malalaking kumpanyang teknolohiya, na mamumuhunan sa mga proyektong isinusulong sa ilalim ng Pax Silica sa Pilipinas.

Kapalit ng ipinangangalandakan ng rehimen ni Marcos Jr. ang paglapastangan ng mga imperyalistang bansa sa pangunguna ng US sa pambansang soberanya ng Pilipinas. Matatandaang pumasok ang Pilipinas sa Pax Silica noong Abril kung saan inilaan ang isang 1,620 ektaryang lupain sa loob ng New Clark City sa Tarlac. Tahasang pagyurak sa pambansang soberanya ang kasunduang ito dahil sa saklaw ng libong ektaryang lupain, mamamayagpag ang konstitusyon at batas ng imperyalismong US kung saan ginawaran ang US ng ekstrateritoryal na karapatan sa lupain at teritoryo ng Pilipinas. Wala rin itong bayad sa upa sa pakikinabangang lupa.

Bago ang pagpasok sa Pax Silica, nagpatupad na ang rehimeng US-Marcos II ng mga batas na maglilingkod sa interes ng imperyalismong US. Nauna rito ang 99-taong lease agreement, ang pagtatatag ng Luzon Economic Zone noong 2024, maging ang kasunduan sa mineral noong Pebrero. Lahat nang ito ay naghawan ng daan para padulasin ang pagpapatupad ng Pax Silica.

Sa pagpasok ng bansa sa Pax Silica, nagiging kasangkapan ang Pilipinas ng US sa karera ng huli laban sa iba pang imperyalistang bansa (pangunahin ang China) sa suplay at pagpoproseso ng rare earth at kritikal na mineral na mahalaga sa industriya ng semiconductor. Ang paghahabol na makopo ang suplay ng mineral ay bahagi ng pagmamadali ng US na maungusan ang China at madomina ang daigdig sa produksyong militar, teknolohiya sa industriya at artificial intelligence dahil ang China ang may hawak ng 90% ng pagpoproseso ng rare earth minerals at 70% ng suplay nito sa buong daigdig.

Laway na laway ang imperyalismong US sa yaman na meron ang bansang Pilipinas na mayaman sa mga kinakailangang mineral na copper, nickel, chromite, cobalt at bauxite. Kabilang ang Pilipinas sa nangungunang limang bansa sa daigdig na may malaking reserba at produksyon ng cobalt, habang ikalawa naman sa produksyon ng nickel. Sa Timog Katagalugan, tampok na mapagkukunan nito ang mga minahan ng nickel sa Palawan at Mindoro. Sa malayang panghihimasok ng US para mandambong ng mga yamang mineral, malaking pinsala ang iniiwan nito sa mga kabundukan at kalikasan kasabay ng pagsasamantala sa murang lakas paggawa ng mamamayan. Ngayon pa lamang, nagdurusa ang mga mamamayan sa rehiyon laluna sa Palawan at Mindoro sa epekto ng talamak ang pagmimina kung saan dinaranas na nila ang mga sakuna kagaya ng pagbaha at pagguho ng lupa sa simpleng pag-ulan lamang, at laluna kapag humagupit ang mga bagyo, dagdag pa ang mga sakit dulot ng mga tagas na kemikal mula sa mga minahan na pumipinsala sa mga ilog at pamayanan. Hanggang ngayon, nananatili ang malalim na sugat at pagkawasak ng Marcopper mining sa Marinduque makalipas ang ilang dekada.

Samantala, nais pang sagarin ng imperyalismong US ang pakinabang sa bansa sa pamamagitan ng mga naunang batas na susuhay sa Pax Silica. Gamit ang Luzon Economic Corridor (LEC) na ipinatupad noong 2024, magsisilbing transportasyon ng mininang yamang mineral sa pamamagitan ng planong pagtatayo ng $3.2 bilyong Subic-Clark-Manila-Batangas Railway Project. Ito ang planong daluyan na maghahatid sa mga rare earth at kritikal na mineral para iproseso at pagsilbihin sa produksyon ng mga kagamitang militar ng US sa loob ng bansa. Malinaw na paghahanda ito ng gera ng US laban sa China na nagsasapanganib sa buhay ng mamamayang Pilipino. Habang ituturing na “pagmamay-ari” na ng US ang mga lugar na sangkot sa Pax Silica at LEC, kakaharapin ng mamamayang Pilipino ang panibagong bugso ng kumbersyon ng mga lupain at kasunod na pagpapalayas sa sariling lupang tinubuan.

Sa harap nito, patuloy na pinalalabnaw ng rehimen ni Marcos ang tunay na epekto ng Pax Silica at LEC sa mamamayang Pilipino sa tabing ng “panteknolohiyang kaunlaran”. Hangga’t patuloy na dumarami ang presensya ng pwersa at kagamitang militar ng imperyalismong US at maging ng Israel sa bansa, hindi ligtas ang mamamayan at maaaring gawing lehitimong target ng China at iba pang kalaban ng US.

Kailangang magkapit-bisig ang buong bayan para ilantad, tutulan at ipabasura ang Pax Silica na lalong magkakaladkad sa Pilipinas sa gerang agresyon ng US. Patuloy na isagawa ang kampanyang pag-aaral at propaganda hinggil sa epekto nito sa buong bayan. Palakasin ang mga panawagan laban sa nilulutong gera ng US sa Indo Pacific. Iugnay ito sa pagpasok ng rehimen sa Pax Silica, kasabay ng sigaw na palayasin ang mga pwersang militar ng US sa bansa.

Punitin ang mga kasinungalingan ng imperyalismong US kasabwat ang rehimeng Marcos II sa pekeng kaunlarang hatid ng Pax Silica. Ang tunay na kaunlaran ay makakamit lamang sa pagpapalaya ng bayan at pagtatatag ng tunay na gubyerno ng mamamayan na magpapatupad ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.

Igiit ang pambansang soberanya at patrimonya ng Pilipinas laban sa mga maniobra ng imperyalismong US sa bansa sa larangan ng ekonomya, pulitika at militar. Papag-alabin ang diwang makabayan at patriyotiko sa pagpapatambol ng programa ng pambansa demokratikong rebolusyon. Kailangang ipagtanggol ang lupa, kabuhayan at likas na yaman ng bansa laban sa imperyalismo. Tanging sa pagsuporta at paglahok sa pambansa demokratikong rebolusyon, nakatitiyak ang mamamayang Pilipino sa mas maaliwalas at masaganang bukas sa pagpapalayas ng agilang dayo na pangunahing salot sa lipunang Pilipino.

Maniobra ng US gamit ang Pax Silica, ilantad at labanan!