Ang Kababaihan ay Magigiting na Mandirigma ng Demokratikong Rebolusyong Bayan!
Sa nagdaang kasaysayan at maging sa kasalukuyan, ang rebolusyon ay hindi kailanman nauubusan ng kababaihan na nagpapatunay sa kanilang matibay na paninindigan at kapasyahan upang tugunan ang mga hamon sa pagsusulong ng digmang bayan. Sila ay mulat na humaharap sa kahirapan, sakripisyo at panganib upang magampanan at maipagtagumpay ang iba’t ibang gawain sa rebolusyonaryong kilusan na magpapalaya sa kababaihan at buong sambayanan. Sila ay makikita sa hukbong bayan, komunidad sa nayon at lungsod, pabrika, opisina, at silid-aralan.
Buong-pusong binibigyan ng KAGUMA ng pinakamataas na pagpugugay at pulang pagsaludo ang mga kababaihan na nag-alay ng kanilang buhay sa pagsusulong ng digmang bayan, sa direkta at hindi direktang paraan. Sila yaong mga bayaning tangan ang armas na matapang na nakipagbakbakan sa bayarang mersenaryo ng estado upang ipaglaban ang paglaya ng bayan at pagbago ng lipunan. Sila yaong naging biktima ng pandarahas ng estado dahil kanilang ipinaglaban ang lupa at buhay ng mga magsasaka, ang trabaho, sahod at karapatan ng mga manggagawa, ang edukasyon ng bawat bata, ang karapatang-pantao, ang pangangalaga sa kalikasan, ang pagkapantay-pantay sa lipunan. Sila yaong sumalungat sa imperyalistang pananakop at pandarambong, sa pagsasamantala ng mga kumpanyang hayok sa tubo na pagmamay-ari ng mga kumprador at dayuhan, sa pang-aagaw ng lupa ng mga panginoong maylupa, minahan at malalaking negosyo, sa korapsyon at katiwalian sa burukrasya, at sa di-makatarungan at di-makataong gyera ng reaksyunaryong gobyerno laban sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan. Sila ay mga tunay na martir at bayani ng sambayanan.
Sa araw ring ito ay binabati ng KAGUMA ang MAKIBAKA sa masigasig na pagmumulat, pag-oorganisa, at pagpapakilos ng kababaihan para sa demokratikong rebolusyong bayan, na nagluwal ng ilang henerasyon ng rebolusyonaryong kababaihan. Binabati rin ang rebolusyonaryong kababaihan ng KAGUMA at lahat ng rebolusyonaryong kababaihan sa lahat ng dako ng bansa. Patuloy nating ipaunawa sa nakararami na ang kababaihan, ang mamamayan, ay yaman ng ating lipunan noon, ngayon, at sa hinarahap, kaya’t nararapat lamang na tayo’y makibaka para sa kanilang paglaya mula sa pambubusabos at pagsasamantala.
Hindi maipagkakaila ang malaking ambag ng kababaihan sa gawain sa rebolusyon—sila’y nagiging iba’t ibang mukha at anyo ng pagsisikap at pakikibaka sa kanayunan at kalunsuran sa kanilang pag-gampan ng gawain sa ideolohiya, pulitika, organisasyon, at militar. Sa ating hukbong bayan, nariyan ang kanilang mapag-arugang pagkalinga, masikhay na pag-aaral ng kalagayan at pagpaplano ng gawain, pagpapayabong ng demokrasya upang mabuo ang mahigpit na pagkakaisa, pagsasabuhay ng simple ngunit maunlad na pamumuhay, at matapang na pagharap sa mga labanan at gipit na kalagayan. Sa mga komunidad sa kanayunan at kalunsuran, sila’y lihim na mga impormante, silungan at tagapangalaga, tagasuporta at organisador para sa digmang bayan.
Ang kasalukayang malapyudal at malakolonyal na lipunan na kinakatawan ng naghaharing pangkating Marcos ay gumagawa ng samu’t saring krimen laban sa mamamayan at kababaihan. Patuloy na nagpapayaman ang mga lokal na kumprador at dayuhang negosyo at ang kanyang mga kapangkat na nasa pwesto, habang ang taumbayan ay nagdurusa sa nagsisitaasang presyo ng pagkain at iba pang batayang pangangailangan. Dumadami ang mga kaso ng pamamaslang, pambobomba, pagdukot, at pananakot sa paglulunsad ng rehimeng Marcos ng teroristang gyera at di-makataong pandarahas na bumibiktima hindi lang sa mga rebolusyonaryo, kundi pati sa mga progresibo at sibilyan na indibidwal at mga komunidad. Sa pagkapit nito sa neoliberal na patakaran, tinatalikuran ng rehimeng Marcos ang responsibilidad nito sa pagtitiyak ng sapat na kabuhayan at serbisyong panlipunan para sa mamamayan, habang sumasayaw sa pagtatambol ng imperyalismong US ng gyera laban sa China at dagdag na direktang panghihimasok at presensya militar nito sa bansa.
Tungkulin ng rebolusyonaryong kababaihan at buong kasapian ng KAGUMA na pag-ibayuhin ang tapang at paninindigan sa pagsusulong ng digmang bayan. Sa muling pagpapasigla ng armadong pakikibaka, mahalaga ang kanilang pagsampa at direktang pakikipamuhay sa mga yunit ng BHB upang matutunan ang pakikidigma at maibahagi ang kanilang kasanayan at kaalaman sa hukbo at masang magsasaka. Kailangan ang masipag na pagpaparami ng kasapian at pagbubuo ng mga balangay ng KAGUMA na gumagampan sa iba’t ibang rebolusyonaryong gawain bilang kaagapay ng armadong pakikibaka sa kanayunan. Patatagin natin ang KAGUMA bilang isang rebolusyonaryong organisasyon na nagiging malalim na balon ng suportang tauhan, materyal, morale, at iba pang pangangailangan para sa digmang bayan.
Tuloy ang laban para ibagsak ang imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo. Palawakin ang hanay ng rebolusyonaryong kababaihan at isulong ang pagkakaisa nito sa masang anakpawis at lahat ng makabayan at demokratikong uri at sektor upang maitayo ang lipunang lilinang sa lakas, kaligtasan at kagalingan ng kababaihan at buong sambayanan. Isulong ang Demokratikong Rebolusyong Bayan, sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!