Pahayag

Ang tiranya, pasismo at inhustisya sa paghahari ng rehimeng US-Duterte ang nagrerekrut ng paparaming bilang ng NPA

Nahihintakutan si Duterte, Lorenzana at Parlade sa multo ng komunismo at armadong pakikibaka na rumaragasa sa buong bayan. Hanggang sa pagtulog, binabangungot sila ng multong nilikha ng isang sistemang mapagsamantala at mapang-api. Sa lahat ng sulok ng lipunan, pulos Pula ang nakikita nila—pulang sumasagisag sa nagngangalit na mamamayang uhaw sa katarungan ng kanilang kaapihan at naghahangad ng paglaya’t katubusan mula sa kuko ng nagpapahirap na malakolonyal at malapyudal na lipunang pinaghaharian ng sasandakot na mga oligarko at tirano.

Sinasaklot ng takot sina Duterte, Lorenzana, Parlade at buong hanay ng mga panatikong anti-komunista na nasa NTF-ELCAC, AFP at PNP sa pangitain ng lumalawak na paglaban ng mamamayan na naghahangad na tapusin ang tiraniko at pasistang paghahari ng rehimeng US-Duterte. Kaya naman, inihilera nito ang buong makinarya ng karahasan at panlilinlang ng burukratiko-militar na estado—armadong pwersa, hukuman, kulungan, burukrasyang sibil at mga institusyon sa edukasyon at kultura—upang supilin at kitlin ang demokratikong karapatan ng mamamayan at bansagang “terorista at komunista” ang lahat ng mga kritiko at nagpapahayag ng karaingan mula sa malapad na hanay ng demokratikong oposisyon at pwersa sa lipunan.

Marahas na inaatake ng rehimen at mersenaryong militar at pulis ang matahimik na pagtitipon ng mamamayan para magpahayag ng karaingan. Binabantaan at ginigipit nito ang malayang pamamahayag at pag-ehersisyo ng mga karapatang sibil at demokratiko na ginagarantiyahan ng sariling burges na konstitusyon. Minimilitarisa nito ang social media at mga demokratikong institusyon. Inaakala ng mga pasista at militarista na sa ganitong paraan tuluyang masisikil ang paghahanap ng bayan ng tunay na solusyon sa mga nagnanaknak na sakit ng lipunang Pilipino.

Kamakailan lamang, pinaigting ng rehimen sa pamamagitan ng NTF-ELCAC ang red-tagging at pag-atake sa kalayaang akademiko ng mga unibersidad at kolehiyo batay sa paratang at likha-ng-imahinasyon ng mga pasista sa diumanong nagaganap na malawakang rekrutment ng CPP at NPA. Sinundan ito ng unilateral na pagpapawalambisa ni Lorenzana sa UP-DND Accord ng 1989 na gumagarantiya laban sa arbitraryong panghihimasok ng mga armadong pwersa ng estado sa mga campus ng UP nang walang koordinasyon sa kinauukulang otoridad ng unibersidad. Proteksyon ito para sa malayang pag-ehersisyo sa kalayaang akademiko at pamamahayag para sa pagsusulong ng kaalaman sa iba’t ibang aspeto ng karunungan sa larangan ng natural na syensya, pulitika, ekonomya, sining at syensyang panlipunan.

Nais pigilan ng rehimeng US-Duterte ang kalayaan sa pag-iisip at pamamahayag sa mga unibersidad at akademya na naghuhulma sa edukasyon at kaisipan ng masang mag-aaral at mga petiburges na intelektwal na maging mapanuri at kritikal sa mga nangyayaring inhustisya’t korapsyon sa lipunan. Nais nitong supilin at kitlin ang kalayaang akademiko at ang pagpapaunlad ng kritikal na pag-iisip sa akademya sa pagsusulong ng karunungan at kaalaman upang halinhan ito ng bulag, panatiko at pasistang ideolohiya sa tipo ng Nazi Storm Trooper ni Hitler sa Germany.

Subalit sa marahas na pagsikil sa mga demokratikong karapatan at kalayaang sibil ng mamamayan sa lipunan, pinakikitid mismo ng rehimen ang demokratikong espasyo para sa pagsusulong ng mga panlipunang reporma at di sinasadyang itinutulak ang mamamayan na maghanap ng mas radikal at rebolusyonaryong solusyon upang lutasin ang kanilang mga suliranin at resolbahin ang hindi matapus-tapos na krisis ng lipunang malakolonyal at malapyudal.

Matagal nang pasó at pinasubalian ng kasaysayan na ang anti-komunistang panunugis sa balangkas ng McCarthyismo sa US ng dekada 1950 at katumbas nitong anti-komunistang panunugis ng Committee on Anti-Filipino Activity (CAFA) sa Kongreso noong 1961 sa Pilipinas ay lalo lamang nagpalagablab sa paglaban ng sambayanan at armadong pakikibaka sa buong bayan.

Muling inuulit at binubuhay ng rehimeng Duterte at NTF-ELCAC ang panunugis sa lahat ng mga kritiko at progresibo sa ngalan ng “anti-terorismo at anti-komunismo” upang kitlin ang isang ideyang nakaugat sa malawak na paglaban ng sambayanan at nagtataguyod ng kanilang pambansa at demokratikong interes at adhikain.

Nahihibang si Duterte at ang mga tulad niyang pasista at ultra-Kanang sina Delfin Lorenzana at Antonio Parlade kung inaakala nilang mapipigilan nila ang paglaki ng New People’s Army sa mga ginagawa nilang pagsikil at pagsupil sa mga demokratikong karapatan ng mga kabataang estudyante, kaguruan at mga progresibong intelektwal sa lipunan.

Ang klima ng pasismo, malaganap na inhustisya, kabulukan, paghihikahos at pagsasamantala ang matabang lupa na nagtutulak sa paparaming naliliwanagang mga kabataang estudyante at intelektwal na makipagkaisa at lumahok sa pakikibaka ng masang anakpawis. Ang mga pundamental na problemang panlipunan ang obhetibong kundisyon na nagtutulak sa kanila na magrebolusyon.

Sa kasaysayan ng pakikibaka ng sambayanang Pilipino, libu-libong mga kabataan, guro at mga intelektwal ang ikinulong, dinukot at pinaslang ng reaksyunaryong estado dahil sa kanilang pampultikang paniniwala at patriotismo. Nariyan ang mga aktibistang biktima ng diktadurang Marcos tulad nina Rizalina Ilagan, Cristina Catalla, Bong Sison, Ramon Jasul, Jerry Faustino at Leticia Pascual Ladlad, pawang mga mag-aaral ng UP Los Baños at si Jessica Sales, propesor mula sa UPLB na dinukot noong panahon ng diktadurang US-Marcos.
Subalit, nariyan din sina Lt. Victor Corpuz, Lt. Crispin Tagamolila at General Raymundo Jarque at marami pa na umanib sa NPA. Nariyan si Capt. Danilo Vizmanos na umanib sa pambansa-demokratikong pakikibaka ng mamamayan. Lahat sila’y tumawid ng bakod para lumahok sa rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan matapos maliwanagan sa malaganap na inhustisya, pagsasamantala at kabulukan ng naghaharing sistema sa Pilipinas at ng mersenaryo at kontra-mamamayang tradisyon ng AFP at dating Philippine Constabulary.

Ang mga katulad ni Duterte, Lorenzana at Parlade ang lalong nagtutulak sa mamamayan upang organisahin ang kanilang sarili at kumilos para ibagsak ang mapang-aping estado ng lokal na mga naghaharing-uri sa Pilipinas. Ang namamayani at tumitinding inhustisya at kawalang kalayaan sa bansa ang siyang pangunahing nagmumulat sa mamamayan upang tahakin ang landas ng armadong pakikibaka. Mula man sila sa mga unibersidad, sakahan, pagawaan, maralitang komunidad at mga reaksyunaryong institusyon, ang krisis ng naghaharing sistema ay naghahasik ng binhi ng paglaban at radikalisasyon ng mga api’t pinagsasamantalahang uri at sektor upang magrebolusyon. Saan mang bahagi na may pagsasamantala at inhustisya, lilitaw ang paglaban at mataba ang lupa para sa rebolusyon.

Ang inhustisyang ito ang siyang nagmumulat sa bagong henerasyon ng mga kabataang rebolusyonaryo tulad nila Josephine Lapira, John Carlo Capistrano Alberto, Rona Jane Manalo at sa marami pang tumahak sa landas ng armadong rebolusyon bilang tanging landas para sa tunay na pagbabagong panlipunan. Sa ganito sila kinikilala at pinaparangalan ngayon ng masang magsasaka, manggagawa at maralitang kanilang nakasalamuha, namulat, naorganisa at napakilos para sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan. Sa ganito rin tinatanganan at tatanganan pa ng libu-libong mga kabataan, magsasaka, manggagawa at maralita mula sa kanayunan at kalunsuran ang kanilang mga simulain at dakilang adhikain para sa ganap na kalayaan at hustisyang panlipunan. ###

Ang tiranya, pasismo at inhustisya sa paghahari ng rehimeng US-Duterte ang nagrerekrut ng paparaming bilang ng NPA