Pahayag

Ang Wanted Poster ay Alinsunod sa Sistemang Panghustisya ng NPA

Ang ginawa ng AMC-NPA-Quezon na paglalabas ng WANTED poster ay lehitimong tungkulin ng Demokratikong Gubyernong Bayan (DGB) na nagagabayan ng mga patakaran sa ilalim ng Sistema ng Hustisya ng Rebolusyunaryong Kilusan*. Isang sistemang panghustisya na limang dekada nang ipinapatupad at kinikilala sa mga saklaw ng pulang kapangyarihan ng rebolusyunaryong kilusan.

Kung gayo’y katawa-tawa ang pagmamarakulyo ni Ernesto Torre, Jr ng NTF-ELCAC para bansagang psy-war at spy-tagging ang hakbanging ito dahil isa itong lehitimong proseso ng hustisya ng demokratikong gubyernong bayan, at ang mga salarin ay may malinaw na krimen laban sa mamamayan.

Si Zena Punada Segui at Gerald Mangao ay hinatulang mga taksil sa bayan dahil sa napatunayang krimen nila sa anyo ng pagpapahamak sa kilusan at mamamayan sa eryang dati nilang kinilusan sa lalawigan.

Si Gerald Mangao, matapos mag-AWOL noong June 2018, sa kabila ng paghimok sa kanya na bumalik at/o magbuhay-sibilyan na lamang kung ayaw nang kumilos ay pinili pa ring makipagkompromiso sa Armed Forces of the Philippines sa pamamagitan ng padrino niyang dating Heneral Antonio Parlade at kalaunan ay tahasang gumawa ng mga kontra-rebolusyong aktibidad kagaya ng pagsama sa mga operasyong militar (kapwa kombat at paniktik) laban sa mga yunit ng NPA, mga organo ng Partido at mamamayan sa mga larangang gerilya at pagsisiwalat ng mga impormasyong nagpahamak sa masa at kilusan.

Si Zena Punada, matapos mag-AWOL kasama ang asawa niyang si Jay Segui noong Oktubre 2018, ay kalaunang kusang sumuko sa 85th IBPA at bandang huli ay lansakang nagpagamit bilang mouthpiece ng 2nd IDPA. Nanguna siya sa pambabaluktot ng katotohanan at pagrerekrut sa masa kapalit ng perang natatanggap niya. Pumayag siyang gumampan bilang artista sa mga katawa-tawang iskrip na niluto ng mga kusinero ng kasinungalingan ng 85th IBPA.

Walang katotohanan ang mga bidyo pahayag na inilabas na nagtatampok kay Punada, lalo na yaong may pamagat na “Once an NPA Leader” dahil kailanman ay hindi naging pinuno ng NPA si Punada.

Lalong hindi dapat paniwalaan ng taumbayan ang kuwento ni Punada na siya ay minaltrato, minolestya at nakaranas ng abusong sekswal bilang menor de edad sa loob ng NPA. Isang kahibangan niya ito at katangian ng pagiging kabataang lumpen na lumaki sa gawaing anti-sosyal. Kung tutuusin, sa loob ng NPA na lamang nakaranas ng tunay na paggalang sa karapatan bilang tao at babae si Punada.

Ang pagsasampa ng kaso, imbestigasyon at hanggang sa pagpoproseso ng paglilitis kina Mangao at Punada ay iniresulta ng malawakang kahingian ng masang Quezonin na humihiling ng hustisya sa lahat ng mga pinsalang idinulot sa kanila ng naturang mga taksil. Ang mga nalikom na ebidensya ay pinatotoo ng masang api at ng dating yunit ng NPA na kinabilangan ng dalawa. Sadyang may utang na dugo at dapat na pananagutan sina Mangao at Punada.

Ang inilabas na Wanted Poster ng AMC-NPA ay patunay na gumagana ang proseso ng rebolusyunaryong hustisya ng Demokratikong Gubyernong Bayan.

Walang dapat ipangamba ang sinuman dahil tinitiyak ng DGB ang tamang proseso ng paglilitis, hatol at pagbibigay ng kaparusahan.

Nananawagan kami sa taumbayan na patuloy na magsampa ng inyong reklamo at magbigay ng impormasyon tungkol sa mga kaaway ng mamamayan at rebolusyunaryong kilusan.

*Ang dokumentong ito ay matatagpuan sa internet https://padepa.org/

Ang Wanted Poster ay Alinsunod sa Sistemang Panghustisya ng NPA