Anti-manggagawang patakaran, inilusot sa gitna ng pandemyang Covid-19

Nakagagalit ang mga tusong hakbangin ng rehimeng US-Duterte sa paglulusot ng mga anti-manggagawang neoliberal na patakaran habang abala ang mamamayan sa paglaban sa pananalasa ng pandemyang Covid-19 at pagharap sa ipinapatupad na militaristang Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Habang naghihirap, nagugutom, nababalisa at nakakulong sa kanya-kanyang mga kabahayan ang malawak na hanay ng mamamayan ay parang magnanakaw na gumagalaw ang mga alipures ni Duterte sa Departamento ng Paggawa (DOLE) sa pangunguna ni Sec. Bello.

Dahil sa mga anti-manggagawang patakaran na ito, milyon-milyong manggagawa ang nakakaranas ng kriminal na kapabayaan, kapalpakan at panunupil na nagresulta sa napakatinding kagutuman at kahirapan ng kanilang mga pamilya.

Malaki ang kasalanan ng gobyernong Duterte sa kahirapan at kagutumang nararanasan ng mga manggagawa at pamilya nito. Kaliwa’t kanan ang ginagawang kapalpakan at kapabayaan ng rehimeng Duterte sa mga manggagawa at mamamayan.

Habang nananalasa ang pandemyang Covid-19, inilusot naman ni Sec. Bello ang serye ng mga kauutusan mula sa DOLE. Ang DOLE Department Order 213, at kasunod nitong mga DOLE Labor Advisory 17 at 18 ay dagdag pahirap sa mga manggagawang nakakaranas na nga ng napakatinding kahirapan at kagutuman sa kasalukuyan.

Inilabas noong Mayo 7 ang DO 213, na nagsususpinde sa lahat ng maaring daluyan ng mga manggagawa sa pag-uunyon at paglalabas ng kanilang mga hinaing sa pagawaan. Suspendido ang pagrerehistro ng mga unyon hanggang may community quarantine, at suspendido rin ang panahong dapat sumunod ang mga kapitalista sa labor standards kung may paglabag man ito.

Lahat din ng mga apela sa pamunuan ng DOLE sa pambansa at sa rehiyon ay pag-uusapan lamang labinlimang (15) araw matapos ang ECQ sa NCR at sa iba pang bahagi ng bansa. Matinding dagok ito sa mga manggagawang may nakabinbin pang mga kaso sa DOLE, tulad ng mga nais maregular o hinihintay ang impelementasyon ng pabor na desisyon sa regularisasyon, liban pa sa iba pang mga reklamong dumadaan sa DOLE.

Noong May 16, 2020 kaalinsabay ng pagtatakda nang modified ECQ, naglabas ng DOLE Labor Advisory #17 na nagpapatupad ng mga anti-manggagawang patakarang neoliberal at pagbibigay ng legal na otoridad sa mga kapitalista na ipatupad sa pagbabalik operasyon ng kanilang mga kumpanya sa panahon ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) at General Community Quarantine (GCQ).

Mayor na laman nito ang mga anti-manggagawang neoliberal na patakaran. Una, ang flexible work arrangements: sa mukha ng work from home (WFH) o telecommunicating work arrangement, right sizing/downsizing sa pamamagitan ng pagpalipat-lipat sa kanila sa ibat-ibang departamento at branches, paglilipat ng posisyon at assignment sa mismong kumpanya, outlet o branches, pagpapaikli at pagpapahaba ng oras paggawa at job rotation/alternate worktime o pagpapalitan ng grupo ng mga manggagawa sa pagpasok sa trabaho at pagsasarado ng buong kumpanya sa maksimum at sa minimum ay ilang departamento o baha-bahagi ng operasyon na magreresulta sa malawakang tanggalan sa trabaho dahil sa redundancy.

Ikalawa, ang pagbibigay ng otoridad sa mga kapitalista na magbawas ng sahod at mga benepisyo sa mga manggagawa maging sa laman ng CBA na direktang lalabag sa karapatan ng mga manggagawa sa karapatan sa makataong pasahod, sa batas na nagsasabing ang lahat ng mga dati ng natatamasa ng mga manggagawa at sa nilalaman ng mga Collective Bargaining Agreement (CBA) ay hindi pwedeng bawiin o baguhin ng mga kapitalista. Ayon pa sa DOLE, kinakailangan lamang na ipaalam ng mga kapitalista ang kanilang aksyon sa mga pangrehiyong opisina ng DOLE sa gagawin nilang pagpapatupad ng DOLE LA #17. Dahil dito, nakakatiyak tayong gagamitin ito ng mga ganid na kapitalista sa mga susunod na araw, magkakaroon ng malawakang tanggalan sa mga kontraktwal at regular na manggagawa, pagbabawas ng sahod at pag-aalis ng mga benepisyo at pagsasarado ng mga pabrika.

Mga dagdag pang kapalpakan at kapabayaan ng rehimeng US-DUTERTE sa mga manggagawa at mamamayan sa panahon ng pananalasa ng nakamamatay na COVID-19.

Palpak na nga sa pagbibigay ng ayuda sa 2.6 milyong manggagawang naapektuhan ng pagsasara sanhi ng pandemyang Covid-19. Kulang na kulang ang mumong P6,000 to P8,000 na mula sa CAMP, TUPAD, suporta na galing sa SSS at minsan nga walang natatanggap na ayuda ang kalakhan sa mga manggagawang nawalan ng kabuhayan resulta ng isinagawang palpak na militaristang ECQ at stay at home order.

Sa ngalan ng DOLE Labor Advisory #12 at 12-A, ipinaubaya ng gobyerno at DOLE sa mga kapitalista ang pangunahing pag-aasikaso ng mga requirements at filing ng ayuda sa DOLE, kaya naman, malawak na hanay ng mga manggagawa ang hindi nakatanggap ng ayuda dahil sa hindi pag-aasikaso ng mga kapitalista. Marami sanang makakukuha ng ayuda kung pinayagan lamang ng DOLE na magkaroon ng indibidual filing, pagsubmit ng mga unyon, alyansa at trade union center na magsumite ng mga pangalan sa DOLE para mabilis na makakuha ng ayuda.

Pumalpak din ang gobyerno sa pagtugon sa mga manggagawang babalık at bumalik na sa trabaho sa mga negosyong pinayagan ng mag operate sa panahon ng MECQ at GCQ. Ayon kay Duterte, “hindi compulsory ang Covid-19 mass testing sa mga manggagawang babalık sa trabaho”; ibig sabihin ay hahayaan na nyang kumalat at magkahawahan ang mga manggagawa sa kanilang pabrika.

Dagliang naglabas ng DOLE Labor Advisory #18 si Sec. Bello na naglilinaw na hindi compulsory ang paglulunsad ng Covid-19 mass testing sa balik-trabaho na manggagawa. Ipinauubaya nya sa kamay ng mga kapitalista kung magsasagawa ng mga kaukulang testing at pagbibigay ng mga pangkalusugang kagamitan laban sa bayrus. Mas malala pa, ang mga kontraktwal na manggagawa ay ipinaubaya na sa mga service provider at hindi sa prinsipal na lalong maglalagay sa kalunos-lunos na kalagayan sa mga manggagawang kontraktwal.

Kitang-kita kung sino ang pinaglilingkuran ng rehimeng US-Duterte. Imbes na pangalagaan at unahin ang interes at kapakinabangan ng mga manggagawa bilang nagbibigay ng malaking ambag sa pag-unlad ng bansa, mas inuna pa nito ang kapakanan ng mga kapitalista.

Bago ito, habang naghihirap at nagugutom ang mga manggagawa at pamilya nito dahil sa kawalan ng sahod at ayuda, nilabas ng DOLE ang Labor Advisory #13A at 15 para payagan ang mga kapitalista na ‘wag nitong bayaran ang mga legal holidays na dapat sana ay masasahod pa ng mga manggagawa dahil sa patakarang “no work – no pay”. Kung tutuusin, mistulang ninakaw ang holiday pay sa manggagawa – walang kinalaman ang legal holiday sa pandemic dahil dati na itong nakasaad sa batas na tinatamasa ng manggagawa.

Inilabas din ang DOLE Labor Advisory #14 noong March 30 na nag-aatas na hindi kasama ang 1 buwang ECQ o extended ECQ sa six months probationary period. Lumalabag ito sa batas na nagsasabing “continuous or broken work” ay bahagi ng panahong binibilang para sa regularisasyon ng kontraktwal.

Pinatatagal nito at iniiwasan na ang mga manggagawang nasa antas na ng probationary ay maging regular na manggagawa pagbalik nila sa trabaho after ng ECQ pag nakalampas sila ng anim (6) na buwan, kahit pa nga sa katotohanan ay magbibilang ng ilang taon ang ginugugol ng mga manggagawa upang makarating sa antas ng pagiging isang probationary.

Hindi lamang sa mga manggagawa sa bansa ang kapalpakan at kriminal na kapabayaan ni Rodrigo Duterte, maging sa kapakanan ng mga OFW na itinuring na mga bayani.

Ayon sa datos mismo ng IATF, mahigit sa 70,000 OFW na ang naapektuhan ng Covid-19 sa ibat-ibang bansa na pinagtatrabahuhan nila. Ayon kay Gen. Galvez, chief implementor ng NTF-COVID, may 27,000 OFW na ang nakauwi sa bansa, 13,000 dito ang natest sa Covid-19 at 465 ang nagpositibo.

Sa mga OFW na matagumpay na nakabalik sa bansa, libong seafarer ang matagal nang nanatiling nakahimpil sa Manila Bay sakay ng mga cruise ships, ang mga nasa quarantine hotel naman ay ilang buwan ng nakatengga at hanggang ngayon ay naghihintay pa rin ng resukta ng kanilang Covid-19 test habang ang iba ay hindi pa natetesting, malala at mahirap ang kanilang kalagayan kaya naman marami na ang nagpoprotesta at tumatakas. Sa kabilang banda, ang tantyang 42,000 OFW na inaasahang makababalik na sa bansa ay nakakaranas na rin ng napakatinding kahirapan sa ibat-ibang bansa na hanggang ngayon ay naghihintay kung kailan sila susunduin ng gobyerno gaya ng ginagawa ng ibang bansa sa kanilang mamamayan na naapektuhan ng lockdown.

Sa balita ng ABS-CBN, may mga barista at waiters na bahagi ng 32 OFW sa Riyadh, Saudi Arabia na nawalan ng trabaho dahil sa lockdown doon, na hindi man lang inaasikaso ng kinatawan ng Philippine Overseas Labor Office (POLO). Sila ay mga trabahador ng isang food and beverage company at hindi pinasahod sa loob nang 2 buwan ng kanilang employer. Ayon kay Richard Leo Amburgo, magmula noong Marso ay hindi na sila binabayaran ng sahod ng kanilang employer at hindi pa sila nakakatanggap ng ayuda o amelioration mula sa gobyerno.

Habang sa United Arab Emirates (UAE), umiiyak na ang 170 OFW na matagal nang naghihintay na makabalik sa bansa. Ayon kay Mae Anne Soriano spokesperson ng grupo nila na ilang beses na nare-booked ang kanilang flights at na stranded sila sa Dubai UAE. Dahil sila ay no- work – no pay, marami na sa kanila ang nakakaranas ng kagutuman dahil sa walang makain at mahal ang bilihin doon, kasama sa mga naghihintay ang 33 buntis, 6 na minor-de-edad at 4 ang nangangailangan ng medical emergency.

Dahil sa galit nila, ang hinihiling lamang nilang ayusin ng gobyerno ay ang dagliang pagproseso ng kanilang repatriation, dahil karamihan sa kanila ay may mga canceled working visa na. Ayon sa kanila: “wag mag-alala ang gobyerno dahil wala namang gastos ang gobyerno dahil sarili nilang bili ang kanilang mga plane ticket at gastos sa pagkain doon”. Dagdag pa nila “wala man lang sa kanila ang nakatanggap ng ayudang $200 na dapat sana para sa mga naapektuhan ng pandemyang Covid-19 at May 13 pa daw sila nangungulit sa lahat ng ahensya ng gobyerno pero wala man lang sagot at mas malala ay pinagpapasa-pasahan sila maging ng OWWA at DOLE”. Sa kabilang banda, nakakabahala ang sagot ng kinatawan ng OWWA na si Jay Teves nang tanungin ng ABS-CBN – na wala silang magagawa kundi sabihin at hintayin ang disisyon ng IATF para sa mabilisang repatriation nila.

Malinaw ang pagiging anti manggagawa at kaliwa’t kanang paglabag sa karapatan ng mamamayan ang inihahambalos ng rehimeng US-Duterte. Patunay din dito ang kanyang ginagawang mga hakbangin upang maisarado ang ABS-CBN na maapektuhan ang minimum na 11,017 direktang empleyado ng network at libo-libo pang manggagawa mula sa mga suplayers ng ibat-ibang pangangailangan sa maintenance ng building, tower, janitorial, guards, paggawa ng pelikula, telenovela, news at iba pa.

Ang kanyang mga inilulusot na dagdag pahirap na mga anti-manggagawang neoliberal na patakaran ay nagsisilbing asin na ibinubudbod sa sugatang katawan ng manggagawa at mamamayan. Nananawagan ang RCTU-NDF-ST sa lahat ng manggagawa at mamamayan na magkaisa at tahakin ang landas ng paglaban para sa kanilang kagalingan. Dapat lubusang magkaisa, kumilos at labanan ng mga manggagawa ang pahirap, korap, pabaya at tiranikong rehimeng US-Duterte!

MABUHAY ANG RCTU-NDF-ST!

MABUHAY ANG CPP-NPA-NDF!

MABUHAY ANG REBOLUSYONG PILIPINO!

Anti-manggagawang patakaran, inilusot sa gitna ng pandemyang Covid-19