Pahayag

Armadong Rebolusyon, Karapatan ng Mamamayan sa Isang Malakolonyal at Malapyudal na Lipunan

Walang sapat na makatuwirang dahilan upang batikusin ng NTF-ELCAC ang naganap na lightning rally ng mga rebolusyonaryong organisasyon sa loob ng ilang pamantasan sa Metro Manila. Ang aktibidad ay paggigiit ng mga rebolusyonaryong organisasyon ng karapatan at tungkulin ng bawat Pilipino na ipahayag at ipanawagan ang armadong rebolusyon para labanan ang pasista at papet na rehimeng Marcos.

Subalit bilang ahensyang kasangkapan sa panunupil ng isang pasistang rehimen, inaasahan na namin ang pagtahol ng NTF-ELCAC ng mga kasinungalingan upang manlinlang at bigyang katwiran, gaano man ka baluktot, ang maruming giyerang kontra-rebolusyon at kontra-mamamayan ng kanilang amo. Sa katunayan, ang NTF- ELCAC ay instrumento ng karahasan, paniniil, at pang-aapi na nagbabalat-kayong tagapagtaguyod ng kapayapaan. Ipinatutupad ang pasistang aktibidad ng estado tulad ng redtagging at pananakot sa mga progresibong organisasyon at personalidad, pagdukot, pagpatay at pag-aresto ng mga aktibista at taong sumasalungat sa rehimeng nasa posisyon.

Ang mga Pilipinong komunista ay hindi problema ng bansa. Hindi mga komunista ang dahilan ng kawalan ng lupa ng mga magsasaka, ng mababang produksyon sa agrikultura, at kawalan ng mapapasukang trabaho ng mga manggagawa. Hindi mga komunista ang dahilan ng nagsisitaasang presyo ng pagkain, gasolina, pamasahe, tubig, at kuryente habang nananatiling mababa ang sahod ng mga empleyado at manggagawa. At lalong hindi mga komunista ang nangungurakot sa kaban ng bayan, nagpapalobo ng utang ng bansa, at lumuluhod sa panghihimasok at dikta ng imperyalistang US. Ang katotohanan, sa loob ng mahigit 56 taon na pag-iral ng Partido Komunista ng Pilipinas, buong tatag at giting nitong pinamunuan ang demokratikong rebolusyong bayan na nagmulat at nagbigay kapangyarihan sa mamamayang Pilipino na kumilos upang bigyang lunas ang sakit ng lipunan na matagal nang nagpapahirap sa sambayanan. At dahil salungat ito sa makasariling interes ng naghaharing-uri sa pagpapanatili ng kanilang kapafngyarihan at yaman, ang CPP at NPA ay binansagang mga “terorista” para ilayo ang tuon ng mamamayan sa krisis at kahirapan na ang naghaharing-uri ang may likha.

Bilang bahagi ng mamamayang Pilipinong nagmamahal sa kalayaan at sa bayan, karapatan at tungkulin ng KAGUMA at ng mga kasapian nito na kumilos at ipanawagan ang nakikita nitong angkop na solusyon sa kasalukuyang kalunus-lunos na kalagayan ng bansa, kabilang ang pagtitipon at mga demonstrasyon sa loob o labas man ng mga unibersidad. Naninindigan ang KAGUMA na tanging ang demokratikong rebolusyon ang tunay na solusyon sa problema ng lipunang Pilipino, at ang pagrerebolusyon ay karapatan ng mamamayan kung ang nasa kapangyarihan ay hindi nagsisilbi sa interes at kagalingan ng sambayanan.

Ang sambayanan, ang mga unibersidad at iba pang institusyon at organisasyon ay hindi dapat magpalinlang sa mga kasinungalingang inilalako ng NTF-ELCAC. Muli naming ipinanawagan ang pagbuwag sa NTF-ELCAC at pagbasura sa Anti-Terror Law na patuloy na banta sa buhay at demokratikong karapatan ng mamamayan. Ang NTF-ELCAC ay dapat ding mapanagot sa kurapsyon sa bilyon-bilyong pondo para sa Barangay Development Fund (BDF), pondong nagamit pa sana para sa mga serbisyong mas kailangan ng mamamayan.

Walang ibang ideolohiyang nagtuturo ng taos-pusong paglilingkod sa sambayanan, kabilang ang pagsasakripisyo ng pansariling interes para sa interes ng nakararaming Pilipino lalo na ng mahihirap, kundi ang rebolusyonaryo at mga komunistang Pilipino. Kaya bago magbansag na “terorista” at magpatuloy sa pagiging masugid na alagad ng naghaharing uri, inaanyayahan namin ang mga simpleng empleyado ng NTF-ELCAC na pag-aralan at isabuhay ang Marxismo-Leninismo-Maoismo upang maiwaksi ang makaisang panig at kampi-sa-naghaharing uring pananaw na nagpapanatili ng malakolonyal at malapyudal na matagal nang nagpapahirap sa sambayanang Pilipino.

Armadong Rebolusyon, Karapatan ng Mamamayan sa Isang Malakolonyal at Malapyudal na Lipunan