Pahayag

Babangon at maninindigan ang mamamayan ng Negros para makamit ang rebolusyonaryong hustisya sa Toboso Masaker!

Nakikiisa ang National Democratic Front-Central Visayas sa mahigpit na pagkondena sa Armed Forces of the Philippines, lalo na ang 79th Infantry Battalion, na tila mga asong ulol sa walang pakundangang pagpatay sa 19 katao. Kabilang sa kanilang mga pinaslang ang mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at mga sibilyan sa Barangay Salamanca, bayan ng Toboso, Negros Occidental noong nakaraang Abril 19.

Ayon kay Marco L. Valbuena, ang Chief Information Office ng Partido Komunista ng Pilipinas, sampung mga Pulang mandirigma ng BHB at siyam na sibilyan ang namatay sa nasabing masaker. Kaugnay nito, aming ipinaabot ang taas kamaong pagsaludo sa sampung Pulang mandirigma na nag-alay ng kanilang buhay at dugo para sa paglilingkod sa mamamayang inaapi. Nakikidalamhati din kami sa mga mahal sa buhay at mga kasama ng mga pinaslang na mga Pulang mandirigma. Tunay na mabigat para sa amin na mawalan ng mga Pulang mandirigma na lubos na minahal ng mga masa. Sa katunayan, isa sa sampung pinaslang na si Maria Clarita Branzuel Blanco (Ka Sanim/Pat), isang Politikal Instruktor, ay naggaling sa Tabogon, Cebu, at nag-alay rin ng kaniyang buhay.

Ngunit bilang mga rebolusyonaryong mandirigma, silang lahat ay walang pagdadalawang-isip na naglingkod sa mamamayang Pilipino, lalung-lalo na sa mga inaapi at pinagsasamantalahang mga magsasaka at manggagawang-bukid ng Negros. Base sa aming pagmonitor sa nasabing pangyayari, nakitang minahal sila nang lubos ng mga masa. Ipinakita ng mga masa ang kanilang paglaban sa kabila ng paghihigpit ng mga militar sa kanilang komunidad, dumalo at humanay sa mahabang konboy ang mamamayan ng Toboso at Calatrava para ihatid ang kanilang minamahal na mga Pulang mandirigma sa huling hantungan ng mga ito. Ipininamalas ng mga masa ang kanilang malalim na pagrespeto at pagpapasalamat sa kanila.

Hindi maitatangging may pansamantalang pagkatalo sa hanay ng sampung Pulang mandirigma ng BHB na hinarap sa larangang iyon, subalit temporaryo lamang ito dahil nananatiling malinaw at determinado ang mga kasama na sumulong sa pagbabagtas sa rebolusyonaryong landas tungo sa estratehikong tagumpay. Ang matibay na paninindigan at kabayanihan ng mga Pulang mandirigma ang magiging inspirasyon para sa mga masang inaapi na bumangon at lumaban sa pamamagitan ng armadong rebolusyon. Ang dugong dumanak mula sa mga nasawing mandirigma sa kanilang huling labanan ay nagpapataba sa lupa para sa digmang bayan, kung saan sisibol ang mas maraming Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan.

Sa kabilang panig, ipinapaabot din namin sa pamilya ng siyam na sibilyan ang aming taas kamaong pagsaludo sa kanilang pag-aalay ng buhay para sa kilusang magsasaka sa Negros, lalo na ang mga kabataan. Base sa inisyal na mga impormasyon na nakalap ng Chief Information Office ng PKP, pinaslang sila kahit hindi mga armado o hindi mga kombatant. Kabilang sa kanila ay isang mamamahayag, lider-estudyante, organisador ng mga magsasaka, mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao mula sa ibayong dagat, at mga lokal na residente. Dalawa sa kanila ay mga bata.

Ibinibigay namin ang aming taas kamaong parangal sa mga biktima ng masaker sa Toboso, lalo na ang mga Pulang mandirigma at sa kanilang lahat na walang pag-aatubiling nag-alay ng kanilang lakas, kaalaman, at abilidad upang paglingkuran ang interes ng mga masang inaapi at pinagsasamantalahan. Nararapat na ating bagtasin ang landas na kanilang tinahak para sa pagpapalaya ng ating bayan.

Ang mga opisyal, tropa sa AFP, at si Marcos Jr. mismo bilang Commander-in-Chief, ang nangungunang responsable sa sadya at walang pakundangang pagpatay. Dapat silang papanagutin at parusahan sa kanilang kahindik-hindik na mga krimen sa ilalim ng International Humanitarian Law.

May kumalat na mga bidyo sa social media galing sa sariling drone camera ng AFP kung saan nakitang buhay si Ka Tapang at wala na sa posisyong lumaban. Ipinakita nito na sadya siyang pinatay ng mga pasista sa halip na itrato bilang bihag ng digma. Ito ay katulad ng sinapit ni Compoc, isang Pulang mandirigma ng BHB sa Bohol, kung saan nakunan sa picture na ito’y buhay na dinakip at wala na sa posisyong lumaban, ngunit kinalunan ay ipinangalandakan sa mga balita na patay na ito. Isiniwalat din nito na sadya siyang pinaslang ng 47th Infantry Battalion noong 2024.

Hinihikayat namin ang ibang mga elemento ng AFP na may kopya ng iba pang drone footages na isapubliko ang mga ito at manindigan para mabunyag ang totoong mga pangyayari kung paano nila isinagawa ang kanilang brutal na krimen, at sa gayon, ay pasinungalingan ang mga kwentong hinahabi ng kanilang mga opisyal.

Desperadong pinagtatakpan ng AFP ang kanilang mga krimen at nagpapakalat ng mga kasinungalingan upang suportahan ang kanilang mga pahayag. Unang ibinunyag ng AFP na pitong baril ang nakumpiska sa lugar ng engkwentro, ngunit kalauna’y nadagdagan ito’t naging 20 (at sa huli ay 24) upang palabasin na mga armadong kombatant ang lahat ng pinatay.

Sapilitang pinabakwit at hinarangan ng AFP ang mga lokal na residente upang magpataw ng blackout sa impormasyon at pigilan ang media at mga independenteng grupo na magsagawa ng mga panayam at epektibong imbestigasyon sa masaker. Pagkalipas ng ilang araw, pinahintulutan ang isang grupong sinusuportahan ng militar na magsagawa ng sarili nitong fact-finding mission. Ito ay isang kasinungalingang idinisenyo upang lumikha ng isang AFP-certified na kwentong sasang-ayon sa mga pahayag ng isang gawa-gawang “lehitimong operasyon.”   

Lalong nagdurusa ang malawak na masa ng sambayanang Pilipino sa tumitinding anyo ng pagsasamantala sa harap ng lumalalang krisis sa ilalim ng papet at pasistang rehimen ni Marcos. Inutusan ni Marcos ang mga armadong sunud-sunurang aso nito sa AFP at NTF-ELCAC na paigtingin ang kanilang pag-atake sa mamamayan sa ilalim ng huwad na kapayapaan at kaunlaran. Tulad ng diktador niyang ama, ginagamit ni Marcos Jr. ang mga taktika sa terorismo para ipasailalim ang mga mamamayan sa pampulitikang panunupil, lalo na sa kanayunan kung saan batas militar ang naghahari.

Sa desperasyon ng AFP at ang rehimeng Marcos na supilin ang rebolusyonaryong kilusan sa ilalim ng kanyang termino, idineklara nito sa kanyang SONA noong 2025 na wala nang mga prenteng gerilya sa bansa. Ngunit ang katotohanan ay hindi kailanman nagtagumpay ang terorismo ng estado sa pagdurog sa rebolusyonaryong kilusan at katapangan ng mamamayan. Tiyak na mabibigo ang mga atake ng rehimeng Marcos na pigilan ang mamamayan sa paglaban. Sa katunayan, ang pasistang kalupitan nito ang nagpapatalas sa determinasyon ng mamamayan kung kaya’t hindi na maitatanggi ang pagiging makatwiran at pangangailangan na maglunsad ng armadong rebolusyon.

Hindi matitinag ang determinasyon ng Bagong Hukbong Bayan ng Negros at ng buong bansa na ipatupad ang rebolusyonaryong hustisya para sa lahat ng biktima ng masaker sa Toboso. Ang alab ng digmang bayan ay higit na maglalagablab at kakalat sa buong bansa, habang ang mithiin ng mamamayan sa pambasang kalayaan at tunay na demokrasya ay patuloy na nag-aalab sa kanilang mga puso.

Babangon at maninindigan ang mamamayan ng Negros para makamit ang rebolusyonaryong hustisya sa Toboso Masaker!