Bagong batas ng China, pag-atake sa soberanya at teritoryal na integridad ng Pilipinas sa West Philippine Sea
Mariing kinukundena ng Komiteng Rehiyon ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Timog Katagalugan ang mapang-upat na batas na ipinasa ng China nitong Enero 22 na banta sa seguridad, istabilidad at mapayapang pakikipamuhayan ng mga bansa sa timog silangang Asya. Binibigyan ng kapangyarihan ng batas na ito ang Chinese Coast Guard na barilin ang mga sasakyang pandagat na maglalayag sa saklaw ng inaangking teritoryo ng China sa South China Sea at wasakin ang anumang mga istrukturang itatayo ng mga nasabing bansa sa pinag-aagawang teritoryo. Ito’y tahasang pagyurak at pag-atake di lamang sa soberanya ng Pilipinas kundi sa iba pang mga bansang may inaangking teritoryo sa bahaging ito.
Inaangkin ng imperyalistang China ang mga isla at bahura sa West Philippine Sea batay sa paso’t walang batayan at istorikal na sinasalalayang mapa ng nine-dash line. Aroganteng isinasagasa ng China ang batas na ito upang pipilan ang mga bansang may inaangking sa saklaw ng South China Sea tulad ng Vietnam, Malaysia, Brunei, Taiwan at Pilipinas. Paulit-ulit na binalewala ng China ang naipanalong desisyon ng Pilipinas noong Hulyo 2016 sa Arbitral Tribunal sa ilalim ng UN Convention on the Law of the Seas (UNCLOS) na kumikilala sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Tulad ng isang sanggano at nagsisiga-sigaan, ginigipit, pinipigilan at dinadahas ng China ang mga mamamalakayang Pilipino na mangisda sa Spratly Islands at Scarborough Shoal habang patuloy na dinadambong ang likas na yamang nasa exclusive economic zone ng Pilipinas sa Recto Bank. Iligal itong nagtayo ng mga kampo at istrukturang militar sa mga isla at bahura ng Spratly Islands, Scarborough Shoal at iba pang bahagi ng pinag-aagawang teritoryo sa South China Sea. Tiklop ang tuhod ng rehimen sa ginagawang pagbomba ng tubig, pagsagasa sa mga bangka at basnig katulad ng nangyari sa mga mangingisdang Mindoreño ng FV-Gemver noong 2019 at nito lamang Enero 25, ang panghaharas ng Chinese Coast Guard sa mga mangingisdang Palaweño sa bahagi ng Kalayaan Group of Islands.
Sa gitna ng pagtampalasang ito ng China, lampa at bahag ang buntot ng rehimeng Duterte at inutil ang Philippine Coast Guard at Navy na ipagtanggol ang mga mangingisdang Pilipino at depensahan ang soberanya at teritoryo ng Pilipinas mula sa ginagawang panghihimasok ng Chinese Coast Guard. Sa harap ng diplomatic protests na isinampa ng Department of Foreign Affairs (DFA), nagmistulang tagapagsalita ng China si Harry Roque at nanawagan mismo sa publikong tumahimik at magpailalim na lamang sa patakarang ito ng China. Sa matagal na panahon, buong karuwagang hinayaan na lamang ng rehimen ang pagtatayo ng China ng mga istrukturang militar sa West Philippine Sea at pinahintulutan ang malayang paglabas-masok ng mga sasakyang pandigma nito sa nasabing karagatan. Taingang-kawali din ang rehimen sa mga reklamo ng mga mangingisdang Pilipino at hanggang ngayo’y wala pa ring nananagot para bigyang-hustisya ang mga naging biktima ng karahasan.
Pulos boladas ang pagyayabang ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ipagtatanggol ng AFP ang mga mangingisdang Pilipino laban sa mga atake ng Chinese Coast Guard. Sa ulat ng mga mangingisdang Palaweño, wala man lamang nagpapatrulyang Philippine Coast Guard noong sila ay hinaras para matiyak ang pangangalaga sa teritoryo ng Pilipinas at mamamayan nito. Walang ring silbi ang pipitsuging WESCOM, Philippine Navy at Marines, at maging ang labis na ipinagyayabang na mga biniling makabagong armas-pandigma para ipagtanggol ang mamamayan laban sa mga atake ng China. Palibhasa, mismong ang AFP ay nakikinabang sa mga kontrata at korapsyon sa pagbili ng modernong armas, sasakyan at kagamitang militar mula sa China.
Habang sunud-sunuran sa interes ng US, pinangangalagaan rin ng rehimeng Duterte ang kanyang relasyon sa China kaysa sa interes ng mamamayan kapalit ng mga pabor, proyekto at pondong nagmumula rito. Sa gitna ng pandemyang COVID-19, lalong humigpit ang kapit ni Duterte sa China para maambunan ng bakuna na gawa ng China.
Hindi katanggap-tanggap ang ginagawang pagtataksil ni Duterte sa bayan at pangangayupapa sa dalawang imperyalistang amo nitong US at China. Dapat na ilantad at singilin ang rehimeng Duterte sa pagiging taksil at bentador ng soberanya ng bansa. Hindi na nararapat pang manatili sa estado poder si Duterte. Dapat itong ibabagsak ng nagngangalit na sambayanan. Sa ganap na tagumpay ng demokratikong rebolusyon ng bayan, itatayo ng mamamayan ang tunay na gubyernong bayan na malaya mula sa kuko ng imperyalismong US at China.###