Balon ng korapsyon ang "Barangay Development Program" ng NTF-Elcac

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Ang Barangay Development Program (BDP) ng National Task Force (NTF)-Elcac ay balon ng korapsyon. Upang matiyak ang katapatan ng militar, plano ni Marcos na maglaan ng dagdag na ₱10 bilyon para sa tiwaling BDP, na malaking halaga’y diretso sa bulsa ng mga tiwaling upisyal ng militar at burukrata. Isa itong walang pakundangang paghamak sa mamamayang Pilipino sa gitna ng lumalalang sosyo-ekonomikong krisis at malawakang paghihirap at kahirapan.

Sa loob ng limang taon, ang BDP ay nagsilbing palabigasan ng NTF-Elcac. Layunin umano ng mga proyekto nito na mapabuti ang buhay ng mga tao upang ilayo sila sa rebolusyonaryong kilusan. Gayunpaman, karamihan sa mga ito ay mga proyektong walang saysay, at marami ay hindi natutuos (ayon sa Commission on Audit).

Sa Samar, nagrereklamo ang mga residente sa mga hindi tapos na proyektong kalsadang iniwan na ng NTF-Elcac. Mayroon ding mga substandard na kalsadang “farm-to-market” sa Davao, na ang ilan ay wasak-wasak na pagkatapos ng nakaraang mga bagyo. Sa ilang lugar sa lalawigan ng Cagayan, ang mga pangako ng “pag-unlad” ay nauwi sa pamimigay ng ilang lata ng sardinas at ilang kilong bigas.

Sa mga barangay na sinasakop ng NTF-Elcac sa pamamagitan ng AFP, dumaranas ang taumbayan ng mas matinding kahirapan at pang-aapi, lalo na sa mga lugar na kinakamkam ang kanilang lupa ng mga kumpanya ng pagmimina, at ipinagkakait ang kanilang mga karapatan ng militar.

Hinihiling ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino, lalo na ang mga magsasaka at katutubo, manggagawa at maralitang tagalungsod, na buwagin ang NTF-Elcac at ang BDP nito na ginagamit sa pampulitikang panunupil at pagsugpo sa kanilang paglaban.

Balon ng korapsyon ang "Barangay Development Program" ng NTF-Elcac