Pagkasira ng Kapayapaan ng mga Tribu at Komunidad ang Kahulugan ng Oplan Kapayapaan ng Rehimen
Sa paghahabol ng rehimen na tapusin ang bangkarote nitong kontra-insurhensyang Oplan Kapayapaan, patuloy nitong sinisira ang mga tribu at komunidad sa pamamagitan ng militarisasyon at pagpapaigting ng rekrutment ng mga miyembro ng AFP-PNP mula sa hanay ng mga pambansang minorya. Naaayon ito sa sangkap ng Oplan Kapayapaan na indigenous peoples-centered approach (IP-centered approach) na naglalayong wasakin ang pagkakaisa ng mga tribu at komunidad na naaayon sa taktika nitong divide-and-rule.
Sa Cordillera pa lamang, simula nang subukin ang ganitong pamamaraan noong panahon ng Oplan Bayanihan ng rehimeng Benigno Aquino II, nasaksihan ang mas pinatinding rekrutment sa mga kabataang pambansang minorya. Ang serbisyo sa armadong pwersa ang ibinubukas ng estado na pagtrabahuan ng mga kabataan upang mapagtakpan nito ang malubhang kabiguang lumikha ng mga bagong trabaho dulot ng kawalan ng pambansang industriyalisasyon at lubusang pagbubukas ng lupain at natural na rekurso ng Pilipinas sa mga dayuhan. Umabot pa nga sa puntong pinababa ang mga rekisito gaya ng height at educational requirements. upang mas marami ang kanilang marekrut. Gayundin ang pagpipino ng mga mapanlinlang nitong taktika gaya ng pakikiasawa sa mga tribu, at paggamit sa mga katutubong istrukturang sosyo-politikal gaya ng bodong at dap-ay para sa kontra-insurhensiya. Sa Kalinga halimbawa, matingkad ang mga papel ng mga kontra-rebolusyonaryong grupo na gaya ng Kalinga Bodong Council at Matagoan Bodong Council sa pagpapagamit sa militar upang isingil sa pamilya ng mga pultaym na mandirigma ng BHB ang kanilang mga kaswalti sa mga labanan.
Sa pagrerekrut sa mga kabataang pambansang minorya sa mersenaryong AFP-PNP at mga paramilitar na CAFGU, unti-unti ring winawasak ng rehimen ang katutubong identidad ng mga kabataang minorya at idinodoktrinalisa sa kanila ang bulag na pagsisilbi sa reaksyunaryong gubyerno. Sila rin ang pangunahing isinasabak sa mga operasyong militar na naghahatid ng takot at pangamba sa mga komunidad. Sa mga lugar sa Cordillera na malakas pa ang tribal war, ang rekrutment sa militar at pulis mula sa mga kabataang minorya ng mga tribu ang isang malaking banta sa kapayapaan sa pagitan ng mga tribu.
Sa loob ng Oplan Kapayapaan ng rehimeng Duterte, mas pinaiigting ang paggamit sa ganitong mapanghating taktika. Sa panghahati sa hanay ng mga pambansang minorya, layunin nitong tabingan ang totoong mga usapin – ang pang-aagaw sa lupain ng mga pambansang minorya sa pamamagitan ng mga malakihang proyekto sa mina, enerhiya at mga irigasyong gaya ng Chico River Pump Irrigation Project, ang nagpapatuloy na pagpapabaya sa mga kinakailangang batayang serbisyo at sa pangangailangan ng mga mamamayang ilang ulit nang sinalanta ng mga kalamidad na gaya ng bagyo at tagtuyot, komersyalisasyon sa mga serbisyong gaya ng edukasyon, kalusugan at iba pa, ang pangwawasak sa mga katutubong istrukturang sosyo-pulitikal, at ang militarisasyong kaytagal nang binabalikat ng mga pambansang minorya, hindi lamang sa Cordillera kundi sa buong Pilipinas. Dagdag pa rito ang mga pasaning buwis, nagtataasang presyo ng mga bilihin at serbisyo, napakababang sweldo, di makataong kalagayan sa pagtatrabaho at iba pang kalbaryo sa buhay ng mayorya ng mamamayang Pilipino.
Partikular sa pagtatayo ng Chico River Pump Irrigation Project sa Kalinga, hindi iginalang ng rehimen at ng kontratistang Chinese ang karapatan ng mga katutubong minorya sa Pinukpuk dahil isinagawa nila ang pagpaplano hanggang sa pagtatayo nito na hindi dumaan sa mga konsultasyon sa mamamayan sa nasabing lugar. Walang kaalam-alam ang mga mismong bumarangay sa nasabing proyekto at nagulat na lamang sila sa pagpasok ng mga dambuhalang equipment na naghuhukay sa bahagi ng ilog na saklaw nila. Ginamit rin ang proyektong ito bilang tagasipsip ng sobrang lakas-paggawa ng China, na makikita sa pagbuhos ng mga trabahador na Intsik sa site ng nasabing proyekto, sa halip na magbigay ng trabaho sa mga lokal na residente. Dito pa lamang ay makikita na ang mababang pagtingin ng rehimen sa Cordillera, na itinuturing lamang nito bilang ‘resource base’ at wala itong interes na gamitin ang likas na kayamanan ng Cordillera para sa ikauunlad ng mga pambansang minorya at ng buong bayan, imbes ay ipinaubaya na sa dayuhang imperyalistang China kapalit ng limos na pautang at iba pang pabor na kanyang pinaglalawayan. Kaya sa ganitong konteksto ay mas pinatitindi pa ang pagdurog sa militansya at matibay na pagkakaisa ng mga pambansang minorya upang sa gayo’y higit na maipatungpal ang mga patakarang neoliberal, pangunahin na ang mga proyektong nakapaloob sa programang ‘Build, Build, Build’ ng rehimen sa Cordillera.
Sa paghahangad na makakuha ng simpatiya sa bulok at pasista nitong kontra-insurhensyang programa, sine-sensationalize at pinatitingkad nito ang emosyonal na salik sa mga nangyayaring labanan, imbes na bigyang-atensyon ang mga tunay na usaping dahilan ng armadong labanan. Binabraso at pinipilit rin nito ang mga lokal na gubyerno upang ipatupad ang mga kontra-insurhensiyang hakbang nito, na siyang dahilan bakit nito pinaupo ang dating heneral na si Eduardo Año bilang hepe ng Department of Interior and Local Government. Sa Tubo, Abra, pilit na itinulak ni Gobernadora Joy Bernos kasama ng AFP ang bangkarote at korap na surrender campaign sa pamamagitan ng pang-iintriga at pananakot. Sa munisipyo ng Besao, Mountain Province, pilit na ipinapirma ng DILG sa mga lokal na konseho ng mga barangay ang ordinansang nagbabawal sa mga miyembro ng BHB na pumasok sa mga baryo, at nagbibigay ng reward money na P1,000 sa bawat miyembro ng BHB na kanilang ire-report. Ginagamit rin sa maraming barangay ng Cordillera ang mga binubuo nilang diumano’y grupong laban sa korapsyon at droga na gaya ng mga Masa-Masid, Barangay Anti-Drug Abuse Council at iba pa para sa kontra-insurhensiya. Ang mga ganitong buktot na mga hakbangin ay lalo lamang tutungo sa di-pagkakaunawaan at pagdududa sa pagitan mismo ng mga mamamayan.
Muling ipinapanawagan ng CPDF sa lahat ng mga i-Cordillera na maging mapanuri sa mga totoong nangyayari. Ipanawagan nating lahat ang pagpapatigil ng militarisasyon at pagrerekrut sa mga kabataang pambansang minorya sa hanay ng AFP-PNP-CAFGU. Gayundin na marapat lamang na tugunan ng rehimen ang mga tunay na problema ng bayan imbes na pinagtatakpan ang dahilan ng armadong labanan sa likod ng sentimyento at paglalaro sa emosyon ng mamamayan. Dahil ang kapayapaan ay tunay lamang na makakamit kung ang mga batayang problema ng pang-aagaw ng lupa ng mga pambansang minorya, di-makataong kalagayan sa trabaho, kawalan ng tunay na industriyalisasyon, kawalang-respeto sa mga katutubong istrukturang sosyo-politikal, politikal na misrepresentasyon at pangwawasak sa mga katutubong kaugalian at identidad sa ngalan ng ganansya at iba pa ay matutugunan. Ang tunay na kapayapaan ay hindi lamang nangangahulugan ng pagtatapos ng armadong labanan kundi higit sa lahat, ito ay ang patas na pagtatamasa ng mamamayan ng kanyang mga batayang pangangailangang ekonomiko, pulitikal at kultural, na malaya sa anumang uri ng pang-aalipin at pagsasamantala. Kumpara sa nais palabasin ng rehimen, ang inihahapag ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER) bilang ikalawang adyenda sa usapang pangkapayapaan ay isang lahatang-panig na solusyon sa pagkakamit ng tunay na kapayapaang nakabase sa panlipunang hustisya. Ngunit para sa rehimen ay pagpapatahimik sa mga kalaban at pagsasalong ng armas ang kanyang ipinipilit na solusyon at wala itong pakialam kahit na lugmok na sa kahirapan ang mamamayan, basta’t nagpapatuloy na nakikinabang at nagpapayaman sa poder ang kanyang pangkatin at higit sa lahat, ang kanyang mga among imperyalistang US at China.
Habang ang mamamayan ng Cordillera ay lalo pang natutulak sa mas matinding kahirapan at pang-aapi sa ilalim ng tiranikong paghahari ni Duterte, lalo lamang iigting ang pakikibaka ng mga pambansang minorya, kaisa ng buong sambayanang Pilipino. Ang pagsisikap na isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon sa mas mataas na antas ang natatanging solusyon upang mapatalsik at mapalitan ang korap at uhaw-sa-dugong rehimeng US-Duterte.
Rebolusyon, tunay na sagot sa kahirapan!
Itigil ang militarisasyon sa mga kanayunan!
Fetad! Rebolusyon kayet!