Dismayadong-dismayado ang mga tsuper sa e-jeep
Balitang-balita kamakailan ang panununog ng apat na lalaking nakatakip ang mukha sa isang pampasaherong e-jeep (o minibus) noong Enero 31 ng gabi sa Dahican sa Catanauan. Hanggang ngayon ay hindi pa alam kung sino ang nasa likod ng naturang panunonog.
Bagaman wala pang pinanghahawakang ebidensya, nagpahayag ang mga nag-iimbestigang pulis na may kinalaman ang panununog sa “alitan” sa pagitan ng mga “iligal at ligal” na mga drayber at opereytor ng mga jeep. Ginagamit ito ngayon para gipitin ang mga drayber na tumututol sa jeepney phaseout.
Anupaman ang tunay na nasa likod ng panununog, itinatampok nito ang usapin ng jeepney phaseout at huwad na “modernisasyon” at ang malawakang pagkadismaya at pagtutol dito ng mga karaniwang drayber at opereytor ng jeep na mawawalan ng kabuhayan. Sa buong bansa, daan-daan libo ang nagpapahayag ng pagtutol sa ipinapatupad na diumanong modernisasyon ng sektor ng transportasyon dahil nagresulta na ito sa maramihang pagkawala ng trabaho ng karaniwang tsuper at operator.
Sa lalawigan, batay sa inilalabas na tala sa mga balita, malaki na ang porsyento ng mga JODA o jeepney operators and drivers’ association na nagpakonsolida ng kanilang prangkisa. Pero noong Disyembre, pagkatapos ng serye ng tigil-pasada at mga kilos-protesta, nalantad ang pamimilit at panlilinlang ng malalaking korporasyon sa transportasyon.
Kabilang dito ang Gumaca Transport Service Cooperative (GTSC) na napag-alamang tinutustusan ng pamilya ni Gov. Helen Tan.
Nalantad rin ang sabwatan ng mga kapitalista sa sektor ng transportasyon at LTFRB. Maraming drayber at operator sa Quezon ang nagsabing handa silang iatras ang kanilang pagpapakonsolida ng prangkisa.
Ang kakatwa ay ang pagmamaliit ng PNP-Quezon sa pagsasabing bunga ito ng simpleng alitan sa pagitan ng “grupo ng legal at ilegal na passenger vehicle drivers at operators.”
Nakaligtaan, o sadyang itinatago ni Colonel Ledon Monte, hepe ng PNP-Quezon, ang katotohanang hindi resolbado ang mamamayan lalo na ang tsuper at operator sa modernisasyon ng public utility vehicle. Katulad ng LTFRB, ang PNP ay ipinagkakait ang tunay na nilalaman at maaring maging epekto ng franchising guidelines at PUV modernization program sa kabuuan.
Sinusuportahan ng New People’s Army ang masang drayber at opereytor sa kanilang paglaban sa jeepney phaseout at pagtatanggol sa kanilang mga karapatan at kabuhayan.
Laging bukas ang mga sonang gerilya ng New People’s Army para sa mamamayang nagpasyang humanap ng ibang pamamaraan, katulad ng pag-aarmas para kamtin ang tunay na pagbabagong panglipunan.#