Pahayag

Gamitin ang AI para sa mamamayan at rebolusyon

,

Noong Enero 2025, nayanig ang tech industry dulot ng bagong development sa teknolohiyang artificial intelligence (AI) ng DeepSeek, isang kumpanyang Tsino. Ayon sa DeepSeek, nakapaglikha sila ng produkto o modelo ng AI na kasing-galing o higit pa sa mga modelo ng AI mula sa mga kumpanyang Amerikano kagaya ng Meta at OpenAI. Dagdag pa rito, mas mababa rin ang ginastos ng DeepSeek sa paglikha ng kanyang mga produktong AI, na umabot lamang sa USD 6 milyon.

Ipinakita ng DeepSeek na maaring gumawa ng isang modelo ng AI na mahusay ang kalidad sa mas murang halaga, kumpara sa mga mamahaling modelo AI ng mga dambuhalang kumpanya na umaabot sa bilyon dolyares ang naging kapital. Dulot ng pagpasok ng DeepSeek sa merkado, nalugi ng tinatanyang US$589 bilyon sa loob lamang ng isang araw ang NVIDIA Corporation, isang US multinational na kumpanya. Ang NVIDIA, isa sa pinakamalaking kumpanya sa teknolohiya sa mundo, ang nangunguna sa paggawa ng mga graphics processing units o GPUs na ginagamit para mabuo ang mga modelo ng AI. Ito ang pinakamalaking pagbagsak ng halaga ng isang kumpanya sa loob ng isang araw sa kasaysayan ng Estados Unidos.

Ano ang AI?

Sa simpleng paliwanag, ang artificial intelligence o AI ay isang teknolohiya na ginagaya ang talino o lohikal na pag-iisip ng tao gamit ang makina o kompyuter. Isa itong elektronikong programa o makina na kayang mag-analisa, magpasya at magbigay ng mga solusyon sa problema. May kakayahan din itong matuto o paunlarin ang kanyang kaalaman sa pamamagitan ng pagproseso ng mga karanasan at datos mula sa tao, sa kapwa kompyuter, at mga impormasyon sa internet.

Dahil ito ay elektronikong programa, napakabilis nitong magproseso ng mga impormasyon at makagawa ng desisyon.

Pag-unlad ng teknolohiyang AI

Hindi bago ang konsepto o teknolohiya ng AI. Mula sa mga sinaunang kompyuter, matagal nang pinauunlad ng mga siyentista at inhinyero ang AI. Naitatag ang AI bilang larangan ng pag-aaral noong 1950s, at dumaan sa ilang siklo ng pagtaas at pagbagsak ng pamumuhunan. Tulad ng ibang teknolohiya, pinauunlad ang AI sa pamamagitan ng mga pagtuklas, pagamit ng mga kaalaman sa syensa, at paglikha ng mga bagong o mas mahusay na materyales.

Sa primarya, ang mabilis na nagtulak ng pag-unlad ng AI sa mga nagdaang dekada ay ang mga aplikasyon nito sa larangan ng produksyon, kung saan mas napapaliit ang gastos at/o napapahusay ang nalilikhang produkto. Ang mga robot na automatikong gumagawa ng mga kotse, ang mga medikal na makina upang alamin at possibleng solusyon sa mga sakit ng tao, ang programa para awtomatikong pag-andar ng mga kotse at mga eroplano, at ang paglikha ng mga chatbot upang makipagtalakayan sa tao ay ilan lamang sa mga halimbawa.

Bukod sa sikat na generative AI kagaya ng ChatGPT, marami pang ibang tipo ng AI. Sa kasalukuyan, madalas hindi na napapansin ang mga AI na ito. Halimbawa nito ang mga AI ng mga web search engine kagaya ng Google (para hanapin ang “tamang” website at/o impormasyon batay sa hamon ng gumagamit), recommendation algorithm kagaya ng nasa YouTube, Spotify, at Shopee (para hanapin ang “tamang” kanta, bidyo, o produkto na ipapakinig o ipapakita sa gumagamit), at maging sa mga strategy game kagaya ng chess at Dota. Partikular sa naunang dalawang halimbawa, makikita natin ang gamit ng AI bilang paraan para itulak ang konsumerismo at makapagbenta ng kalakal.

Simula noong unang bahagi ng 2010s, nagkaroon ng bagong interes sa pamumuhunan sa AI dulot ng mga pag-unlad sa larangan ng machine learning, kung saan humuhusay na kakayahan ng mga makina. Noong 2018, nailabas ang ChatGPT, isang modelo ng AI na maaring kausapin ng tao sa iba’t ibang usapin at magbigay ng impormasyon o payo hinggil dito.

Noong 2024, umabot na sa higit isang bilyong tao ang gumagamit ng generative AI. Sa isang banda, naging mas madali para sa mga nakakagamit nito ang pagkuha at pag-unawa sa mga impormasyon, pagdali ng mga gawain, at pagbilis ng mga serbisyo.

Ginagamit ang AI sa pagsasamantala

Sa panahon ng imperyalismo, ginagamit ng naghaharing uri ang AI sa lalong pagsasamantala at pang-aapi sa mamamayan. Ginagamit din ito ng mga monopolyo kapitalista upang manaig sa kompetisyon. Patuloy silang nagpapaunlad at gumagamit ng mga makabagong teknolohiya tulad ng AI upang pataasin ang produktibidad ng mga manggagawa, at mapaliit ang gastos sa produksyon. Hangad ng kapitalista ang papalaking tubo sa produksyon.

Sa pagpapaunlad ng generative AI, ginagamit ito ng mga kapitalista upang lalong paunlarin pa ang produksyon – hindi na lamang sa mga automation ng “manual labor”, kundi maging ang larangan ng disenyo ng mga produkto, marketing, at iba pang “mental labor.”

Tinatantsa ng mga eksperto na aabot sa daang-milyong manggagawa ang mawawalan ng trabaho dahil sa pag-automate ng produksyon gamit ang AI. Ngayon pa lang, marami nang manggagawa at propesyunal ang naapektuhan ng AI at automation. Halimbawa, ang mga manggagawa na pinalitan ng robot sa manupaktura ng mga sasakyan, ang mga manggagawa sa sektor ng serbisyo tulad ng mga call center agent, customer service representative at cashier sa retail industry na pinalitan ng mga chatbot o virtual assistants, at maging mga IT programmers. Lalo pa itong titindi habang nagiging bahagi ng mga proseso ang AI.

Sa pagbuo ng mga AI algorithms tulad ng gamit ng ChatGPT, DeepSeek, at iba pa, kailangan nito ng malalaking data set o kalipunan ng impormasyon sa pagsasanay ng kanilang mga AI. Pinagtatakpan ng mga kumpanyang nagbubuo ng AI algorithms ang kanilang malawakang pagnakaw ng datos mula sa publiko upang buuin ang kanilang mga produkto. Kabilang dito ang datos ng mga mamamayan na gumagamit man o hindi ng kanilang produkto.

Dagdag pa rito, ginagamit rin ang mga AI algorithms upang magpakalat ng disimpormasyon upang patuloy na gawing pasibo ang mamamayan, wasakin ang pagkakaisa at pigilan ang kanilang kritikal na pag-iisip upang magsulong ng makabuluhang pakinabang sa malawak na mamamayan.

Ginagamit ang AI sa pang-aapi

Gayundin, naging malawak ang paggamit ng AI para sa pang-aapi at pagsupil ng mga mamamayan. Ginagamit ito ng imperyalistang US at China upang kontrolin ang kanyang mamamayan. Sa US at China, ginagamit ang AI na facial recognition (pagkilala sa mukha) sa mga pampublikong lugar at ahensya ng gobyerno para sa paniniktik ng mga indibidwal o grupo. Maaring gamitin ng mga gobyerno ang impormasyon na ito para tukuyin ang sinumang tinuturing banta sa seguridad ng naghaharing-uri. Gayundin, ginagamit ang AI ng ilang mga gobyerno para kumuha ng datos mula sa publiko nang walang paalam, upang gumawa ng mga polisiya na gagamitin laban sa mamamayan.

Isa sa pinakamasahol na paggamit ng AI ay sa militar. Ginagamit ito upang supilin ang paglaban ng mga mamamayan. Ginagamit ng Zionistang Israel ang AI sa henosidyo at pananakop nito sa Palestine, mula sa mga drone at guided missile nito na pumatay sa libo-libong Palestino, hanggang sa facial recognition para tukuyin kung sino ang kanilang aarestuhin at papatayin. Dagdag pa rito ang paggamit ng Israel ng AI para sa pagpapalaganap ng disimpormasyon at fake news propaganda.

Ganito rin ang ginawa ng US sa Afghanistan, Iraq, Libya, at iba pang bansa na kanyang sinakop o inaatake. Ginagamit din ng Rusya at Ukraine ang drone at AI sa kanilang gera.

Imperyalistang kumpetisyon sa larangan ng AI

Nakita sa paglitaw ng DeepSeek ang maigting na kumpetisyon sa pagitan ng dalawang imperyalistang kapangyarihan upang manguna sa sektor ng AI – ang Estados Unidos at China. Sa ngayon, nasa US pa rin ang kalakhan ng rekurso, kaalaman, at kasanayan sa usapin ng AI. Ngunit sa pagsisikap ng Tsina na tapatan at higitan ang imperyalistang US, nalagay sa panganib ang posisyon ng US sa pandaigdigang tech industry. Ipinakita ng China ang kakayahan nitong makipagsabayan sa US sa kabila ng embargo sa mga makinang ginagamit sa pagbuo ng AI.

Katulad ng iba pang makapangyarihang teknolohiya, mahalaga para sa mga imperyalistang bansa na sila ang nauuna sa larangan ng AI upang mahawakan din nila ang direksyon ng pag-unlad ng teknolohiyang ito. Sa ganitong paraan, mahuhubog at magagamit ito ayon sa kanilang imperyalistang interes, laban sa kapwa imperyalista at sa mamamayan ng mundo. Makikita natin sa mga susunod na buwan at taon ang matinding labanan sa pagitan ng mga imperyalista sa larangan ng AI.

Gamitin ang AI para sa mamamayan at rebolusyon

Sa primarya, ang kasalukuyang itsura at gamit ng AI ay dinidikta ng imperyalistang interes. Kung mahahawakan ng mamamayan ang AI at ang pag-unlad ng teknolohiyang ito, maaring magamit ito para maging maginhawa ang buhay ng karaniwang tao, baguhin at paunlarin ang lipunan, at ibalik ang kalusugan ng ating kalikasan.

Kailangang suriin at aralin natin ang kasalukuyang teknolohiya ng AI kung paano ito magagamit bilang sandata ng mamamayan laban sa imperyalismo. Bagamat kontrolado ito ng naghaharing-uri, malaki ang maitutulong sa gawain sa rebolusyon sa ilang takdang panahon at sitwasyon. Tulad ng baril, ang nagtatakda ng gamit ng AI ay kung sino ang may hawak at kumakalabit.

Sa pagsusulong natin ng pambansa-demokratikong rebolusyon, kailangan sabay nating ginagamit ang AI at isinusulong ang pag-unlad nito para sa kapakanan ng mamamayan at rebolusyon. Maaring gamitin ang AI sa ating pag-aaral at propaganda laban sa imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo.

Gamitin natin ang AI para makatulong sa paglalantad natin ng disimpormasyon at misimpormayon tulad ng fake news at deepfake na ginagawa ng rehimeng US-Marcos. Gamitin ito para makatulong sa ating paglaban sa red-tagging at harassment, lalo na sa social media. Gawin ito habang isinusulong natin ang mga reporma na magtitiyak ng karapatan sa pribasiya, sa malayang pamamahayag, pagbibigay ng opinyon, at pagtitipon o asembliya.

Sa armadong pakikibaka, aralin natin ang paggamit ng AI upang palakasin at paramihin ang sandata ng Bagong Hukbong Bayan. Maging mapanglikha tayo sa paggamit ng teknolohiya para makatulong sa pagbasag sa pasismo ng reaksyunaryong estado at durugin ang mga kaaway sa uri.

Bilang teknolohiya, ang AI ay sandata rin na magagamit natin sa pambansang pagpapalaya ng ating bayan at pagtataguyod ng demokratikong karapatan ng mamamayan. Gamitin at hubugin natin ang kasalukuyang teknolohiya para magsilbi sa masa. Inaanyaya natin ang libu-libong siyentista at inhinyerong Pilipino na lumahok sa rebolusyon at paunlarin ang paggamit ng AI para sa pagsulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon.

Gamitin ang AI para sa mamamayan at rebolusyon