Gunitain ang araw ng Pag-aalsang EDSA sa diwa ng militanteng pakikibaka para sa pambansang kalayaan, demokrasya at pangmatagalang kapayapaan

,

Ngayong Pebrero 25, makalipas ang 38 taon, ginugunita natin ang Pag-aalsang EDSA sa gitna ng imbing pakana ng rehimeng US-Marcos II na ibaon at labusawin ang diwa ng anti-diktadura at demokratikong pakikibaka ng sambayanang Pilipino na nagpatalsik sa diktador na si Ferdinand Marcos Sr. sa Malacañang noong 1986. Sa harap nito, lumalakas naman ang militanteng pakikibakang bayan para singilin ang papet, pasista at pahirap na rehimeng US-Marcos II sa lansakang pagyurak sa pambansang kalayaan at demokratikong interes ng bayan sa gitna ng papalubhang krisis ng naghaharing sistemang makolonyal at malapyudal.

Noong Oktubre 2023, tusong inianunsyo ni Marcos Jr. ang pag-alis sa paggunita ng Pag-aalsang EDSA sa listahan ng “National holidays” sa 2024. Bahagi ito ng matagal nang maniobra ng pamilya Marcos na rebisahin ang kasaysayan para burahin sa kolektibong gunita ng sambayanang Pilipino ang makasaysayang pagpapatalsik sa diktador. Inalmahan ito ng iba’t ibang grupo at sektor na naging bahagi ng daluyong ng pakikibakang demokratiko at anti-diktadura.

Higit kailanman nararapat na alalahanin ang Pebrero 25 bilang kulminasyon ng kumulatibong militanteng pakikibaka ng sambayanan laban sa diktadurang Marcos I at sa nagpapatuloy na pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya sa ilalim ng isa na namang Marcos na sumusunod sa yapak sa kanyang amang lubos na kinamuhian ng bayan.

Nahaharap ngayon ang bansa sa ibayong krisis sa pulitika at ekonomya bunsod ng walang patid na pagpapakatuta ng rehimeng Marcos II at pagsunod nito sa imposisyong neoliberal ng imperyalistang globalisasyon. Lubusang naagnas ang lipunang malakolonyal at malapyudal sa harap ng pandaigdigang krisis ng sistemang kapitalista at tumatagal na mga gerang proxy sa udyok ng imperyalismong US.

Tahasan ang pagiging papet ng ilehitimong pangulong si Marcos Jr. Pangita ang lubos na pag-akomoda ng kasalukuyang rehimen at pagpapailalim sa geopulitikal na interes ng US para ibalandra ang kapangyarihan militar nito sa Asia-Pasipiko at salikupin ang katunggaling kapwa imperyalistang China. Liban sa pagpapahintulot ng rehimen sa mga karagdagang base militar ng US sa bansa sa ilalim ng EDCA, may panibangong planong magtayo ng pasilidad militar sa hilagang bahagi ng teritoryo ng bansa na nakaharap sa Taiwan, partikular sa isla ng Mavulis, Batanes at pag-engganyo sa mga mamamayan ng Batanes na maging reservist ng AFP sa udyok US na lalong ikinagagalit ng China. Wala ring tigil ang mga ehersisyong militar na inilulunsad ng magkasanib na mga tropang Amerikano at AFP pati ang iba pang alyado ng US tulad ng Japan, Australia at Canada sa mga kalupaan at karagatan ng bansa. Nito lamang Pebrero 9, isigawa ang 3rd Maritime Cooperative Activity ng AFP at US Indo-Pacific Command (USINDOPACOM) sa West Philippine Sea.

Bunga ng mga pang-uupat ng US, mas nagiging agresibo ang China na i-militarisa ang West Phillippine Sea at paramihin pa ang pasilidad militar nito sa mga bahurang sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas. Lahat ng ito ay kumakaladkad sa bansa sa arena ng napipintong gera sa pagitan ng imperyalistang kapangyarihang US at China at tiyak na magdudulot ng panganib sa buhay at kalayaan ng bansa.

Ang kaguluhan sa pulitika kaugnay sa pakanang pag-amyenda ng Saligang Batas ng 1987 ay tulak ng neoliberal na maniobrang baklasin ang probisyong pang-ekonomya nito na nangangalaga sa pambansang patrimonya at ekonomya ng bansa para sa interes ng dayuhang namumuhunan na mag-ari ng lupa, dambungin ang likas na yaman ng bansa, kontrolin ang serbisyo at utilidad pampubliko sa bansa at tuluyang gawing piyon sa nilulutong gera sa Asia Pacific. Hindi rin maikakaila ang imbing tangkang pagpapalawig sa termino ng mga sugapa sa kapangyarihan ng naghaharing paksyon sa pulitika sa bansa.

Likas sa patakarang pang-ekonomya ng rehimeng US-Marcos II ang pikit-matang pagsunod at pagpapailalim sa dikta at interes ng globalisasyong neoliberal ng imperyalismong US. Sa pamamagitan ng mga ahensya at bangkong kontrolado nito, inirereseta ang mga patakaran sa ekonomya na lalung naglulugmok sa dati nang mabuway na pundasyon pang-ekonomya ng bansa. Ang mantra ng pagsalig sa dayuhang pamumuhunan at pang-eengganyo rito ang kinahumalingan ni Marcos Jr. Ito ang nasa likod ng magastos na mga pagbyahe niya sa labas bansa, sa halip na patatagin ang lokal na produksyon sa pamamagitan ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.

Higit pang bumulusok ang kabuhayan na nagdulot ng grabeng pagdurusa sa malawak na mamamayan. Inutil ang rehimen na lutasin ang patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain, laluna na ang bigas at iba pang pangunahing bilihin at serbisyo. Lubos na nakasalig ito sa importasyon na lalong ikinalugmok ng lokal na produksyong agrikultura, kawalan ng hanapbuhay at mataas na implasyon na pilit na pinagtatakpan ng mga bayarang sarbey at basurang estadistika. Subalit nagdudumilat ang katotohanang may malawak na kagutuman at kahirapan sa buong bayan.

Mas papatindi ang pasismo at terorismo ng estado. Sa kabila ng ipinapangalandakan ng AFP-PNP at NTF-Elcac na nakamit na umano nito ang “strategic victory” laban sa rebolusyonaryong kilusan at pagpihit na nito sa pagpapatatag ng external defense, patuloy namang dinudumog ng operasyong militar ang mga kanayunan at lugar kung saan may malakas na paglaban ang mamamayan. Patuloy na pinalalaki ang pondo ng AFP-PNP para sa kontra-rebolusyonaryong digma at modernisasyon ng AFP na nakaangkla sa interes ng imperyalismong US. Sa kabila ito ng pagkasaid ng pondo ng bayan para sa makabuluhang serbisyong panlipunan.

Patuloy na humahaba ang listahan ng paglabag sa karapatang-tao ng mamamayan tulad ng mga pagpatay; pagdamay sa mga inosenteng sibilyan sa mga labanan tulad ng nangyari kina Pretty Sheine Anacta at Rose Jane Agda sa Balayan, Batangas ; panggigipit sa mga pamilya ng pinagsususpetsahang NPA at pilit na paggamit sa kanila para pasukuin ang kamag-anak umano na NPA; pagkontrol sa mga barangay na pinangyarihan ng labanan kagaya ng ginawa sa Rodriguez, Rizal nitong Enero kung saan naglatag ng checkpoint ang AFP; maramihan at paulit-ulit na pekeng pagpapasuko; sapilitang pagwala, pagsampa ng gawa-gawang kaso, red-tagging/terrorist-tagging sa mga lider, aktibista at mga pwersang progresibo at demokratiko. Higit na nakababahala ang walang patumanggang pambobomba sa mga komunidad at kabundukan na ikinapapahamak ng sibilyang populasyon.

Mahigpit na tinututulan at binabalahura ng mga militarista at utak-pulburang opisyal ng militar at gubyerno ang Oslo Joint Statement na nagbukas ng posibilidad para sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NDFP at GRP. Ang usapang pangkapayapaan para sa NDFP ay nakatudla sa paglutas sa ugat ng armadong tunggalian na nangangahulugan ng pagtugon sa mga batayang sosyal at pang-ekonomikong interes ng malawak na mamamayan upang makamit ang pangmatagalan at makatarungang kapayapaan. Nasa ubod nito ang tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon na siyang tanging landas para sa kaunlaran ng bansa.Taliwas dito ang hangarin ng GRP na kapitulasyon ng rebolusyonaryong kilusan na kasingkahulugan ng pagkakamit ng kapayapaan ng libingan.

Sa harap ng lahat ng ito, bumabangon, nagpapalawak at nagpapalakas ang kilusan ng iba’t ibang uri at sektor para kamtin ang lehitimong interes, kahilingan at mga karapatan ng mamamayan. Nakikibaka ang magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa, pangangamkam at pagpapalit-gamit ng lupa at pagtaas sa farmgate ng mga produktong bukid. Nananawagan ang mga manggagawang bukid at manggagawa sa industriya para sa nakabubuhay na sahod, benepisyo at karapatan. Nanawagan ang mga guro, manggagawang pangkalusugan at iba pang empleyado ng pampublikong sektor para sa taas-sahod at benepisyo na matagal nang ipinagkakait sa kanila. Lumalaban ang sektor ng transportasyon sa pagmasaker ng estado sa kanilang kabuhayan sa ngalan ng PUV modernization. Muling pumapagitna ang militanteng kilusang kabataan sa pakikibaka para sa karapatan sa edukasyong libre, syentipiko, makamasa’t makabayan kasabay ng pakikipagkaisa sa laban ng mga batayang sektor.

Patuloy na lumalakas ang paglaban ng mamamayan para panagutin ang ilehitimong si Marcos Jr. sa pagnanakaw sa mandato ng bayan matapos sunod-sunod na mabunyag ang mga ebidensya sa talamak na dayaan sa elektronikong eleksyong 2022. Lumalawak ang pagtutol sa pakanang pag-amyenda ng Saligang Batas at sa maanomalyang pagsusulong ng People’s Initiative, inaalmahan ito ng mga nasa batayang sektor, mga taong-simbahan, mga abogado, grupo at institusyon akademiko, progresibo at higit sa lahat ng mga pambansa-demokratikong pwersa. Tuloy-tuloy na nagpoprotesta ang mga makabayan at patriyotikong pwersa sa tahasang panghihimasok ng US sa teritoryo, usaping pambansa at militar ng Pilipinas. Malakas ang panawagan para sa pagbubukas ng usapang pangkapayaan para tugunan ang ugat ng armadong tunggalian.

Dapat higit pang pag-ibayuhin ang mga militanteng pakikibakang bayan para singilin ang labis na pagpapakatuta ng rehimen Marcos-II sa imperyalismong US. Dapat tuloy-tuloy na ilantad at labanan ang pasista at pahirap na rehimen. Dapat pabulwakin ang daluyong ng pag-aalsang bayan kagaya ng EDSA kasabay ng pagpapaigting ng digmang bayan sa balangkas ng pambansa-demokratikong rebolusyon upang lutasin ang mga pundamental na suliranin ng lipunang malakolonyal at malapyudal at kamtin ang tunay na pambansang paglaya, demokrasya at pangmatagalang kapayapaan.###

Gunitain ang araw ng Pag-aalsang EDSA sa diwa ng militanteng pakikibaka para sa pambansang kalayaan, demokrasya at pangmatagalang kapayapaan