Gunitain ang Kabayanihan ng mga Martir ng Malbang, Pantabangan!
Hunyo 26, 2026. Dalawang taon ang nakaraan ay dinilig ng kanilang dugo ang lupain ng Malbang, Pantabangan. Buong kagitingan nilang hinarap ang serye ng kampanyang militar ng magkasanib ng tropa ng 84th IB, 91st IB, 70th IB, 71st DRC, PNP at ilang elemento ng tropang kano na namerwisyo at nagsapanganib sa kaligtasan at kabuhayan ng mamamayan sa hilagang silangan ng Nueva Ecija at Aurora.
Bagamat may kanya-kanyang imbing interes sa ekonomya’t pulitika, nagkakaisa at magkakasabwat ang tambalang Bong-Bong Marcos Jr. at Sara Duturte sa hangaring durugin ang rebolusyunaryong kilusan upang panatilihin ang paghahari ng estado ng uring panginoong maylupa at malaking burgesya kumprador. Tinatamasa nila ang todong suporta ng imperyalistang US sa gerang nakatuon sa mamamayang nakikibaka para sa demokrasya at tunay na kalayaan. Layunin nilang durugin ang pakikibaka ng sambayang Pilipino laban sa pagsasamantalang pyudal, kapitalistang pang-aalipin, paglapastangan at pagyurak sa karapatang tao, pandarambong sa kalikasan, soberanya at kabang yaman ng bansa, at sa iba pang anyo ng pang-aapi at pagsasamantala.
Saksi ang mamamayan ng Pantabangan kung paanong sinipsip ng First Gen Corporation, ang katubigan sa kabundukan ng Caraballo at Siera Madre para iimbudo sa dambuhalang Pantabangan Dam, para lumikha ng kuryente sa layuning magkamal ng kapitalistang tubo. Makalipas ang limampu’t limang taon mula ng itayo ang dam noong 1971, inagos ng tuluyan ang pangako ng reaksyunaryong gubyerno sa mamamayan ng Pantabangan ng murang kuryente, trabaho at mas maginhawang buhay. Mahigit 8,100 ektaryang produktibong lupain ang pinalubog na nagdulot ng dislokasyon sa paninirahan at kabuhayan ng hindi bababa sa 2,300 pamilya o mahigit 13,000 indibidwal. Makalipas ang limampu’t limang taon, lalong nasadlak sa matinding kahirapan ang mamamayan ng Pantabangan, lalo na ang pinakamaraming masang magsasaka na hanggang sa kasalukuyan ay walang maituturing na sariling lupa. Salat sa tubig, salat sa trabahong makakakatugon sa araw-araw na pangangailagan.
Sa kasalukuyan ay kinakaharap ng mamamayan ng Pantabangan ang banta ng pagpapalayas dulot ng pangangamkam ng lupa sa pangunguna ng mga panginoong maylupa at lokal na burukratang nag-aahente ng lupa para sa ekoturismo at pagpapalit-gamit ng lupa. Nanganganib ang seguridad sa pagkain, masira ang kalikasan, mawalan ng kabuhayan at tirahan ang libo-libong magsasaka dahil sa makadayuhang Wind Power Project na sasaklaw sa malawak na kalupaan ng Pantabangan at mga bayan ng Caranglan, San Jose, Lupao, Rizal padugtong sa malawak na lupaing tinatayuan ngayon ng Solar Power Plant sa mga bayan ng Gen Tinio, Gapan, Penaranda, San Leonardo at San Miguel, sa Bulacan.
Ang New People’s Army na binubuo ng natatanging anak ng bayan, ang pinagpipitagan at pinakamamahal ng hukbo ng masang magsasaka. Sila ang kanilang kasama sa buhay at kamatayang pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa. Sila ang kanilang kakampi sa pagtatanggol at pagtataguyod ng panlipunang hustisya. Sila ang tunay na hukbo ng mamamayan.
Kasama ang masang magsasaka sa Pantabangan, at ang laksa-laksang mamamayang sumusuporta, nagtataguyod at nagsusulong ng digmang bayan sa buong bansa, gunitain natin sa araw na ito ang pinakamamahal nating mga kasama, mga mapagmahal na anak at magulang, mga natatanging anak ng bayan. Sa ating puso, sa ating diwa, itanghal natin ang kanilang kabayanihan.
Pulang saludo kina Kasamang:
• Hilario “Ka Berting/Tonyo” Guiuo,
• Harold “Ka Luzon” Menosa,
• Marian “Ka Lunti” Castro,
• Archie “Ka Ron/Soral Malaya” Arceta,
• Asaze “Ka Shyla/Mabel” Galang,
• Pepito “Ka Dylan/Ka Wilfred” Bautista,
• Noel “Ka Eric/Tagumpay” Bedonia,
• Noel “Ka Angel” Bedonia, Jr.,
• Reynan “Ka Mel” Mendoza, at
• Angelika Joan “Ka Molly” Villalon
Ang kanilang kamatayan ay kabayanihan. Ang kanilang kabayanihan ay walang kamatayan. Pulang saludo sa mga martir ng Pantabangan!
Gawin nating inspirasyon ang kanilang kabayanihan para magpunyagi sa landas ng digmang bayan, hanggang sa ganap na tagumpay!