Pahayag

Magrebolusyon para wakasan ang relasyong amo at tuta ng imperyalismong US at Pilipinas

,

Sinasalubong ng mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan ng Timog Katagalugan ang ika-80 taon ng Filipino-American Friendship Day ngayong Hulyo 4 ng nag-aalab na panata at diwang isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon upang umalpas sa kuko ng imperyalismong US.

Habang patuloy na nakatali sa among imperyalista sa nagdaang siglo, walang kaparis na kahirapan, karahasan at pagdurusa ang sinasapit ng mamamayang Pilipino. Ang “pagkakaibigan” na ipinagmamalaki ng US at mga tutang Pilipino ay pagClekubli sa tunay na relasyong amo at alipin ng naturang imperyalista sa malakolonya nitong Pilipinas. Ayon sa kumpas ng US, ipinatupad ng mga nagdaang sunud-sunurang rehimen ang mga tagibang na batas at kasunduan na nagsadlak sa bansa sa grabeng krisis. Pinanatiling atrasado, agraryan at pre-industriyal ang Pilipinas at laging nakaasa ang ekonomiya sa US habang hinuhuthot ng huli ang mayamang rekurso ng bayan. Hindi pa nasapatan, patuloy na kinakaladkad ngayon ng US ang buong bayan sa nilulutong gerang agresyon sa Indo Pacific na nagsasapanganib sa buhay ng mamamayang Pilipino.

Sa simula ng taon, inihasik ng imperyalismong US ang gera sa Venezuela at Middle East bilang bahagi ng ambisyong ipataw ang hegemonya sa mga rehiyong ito. Ngayon, iniraratsada nito ang gerang agresyon sa Indo Pacific sa pamamagitan ng mga pakanang pang-uupat at ganap na pagpupusisyon sa Pilipinas at mga karatig upang labanan ang China. Pinasidhi ng imperyalismong US ang mga pinagsanib na ehersisyong militar sa Pilipinas at iba pang mga bansa. Sa Timog Katagalugan, tampok ang inilunsad na Balikatan Exercises 2026 sa Quezon at Palawan. Nagpupusisyon pa ito sa rehiyon sa “pagpapaunlad” ng Sangley Point International Airport sa Cavite sa balangkas ng Luzon Economic Corridor at naglagay na ng missile systems sa Lubang Island sa Mindoro. Nagpapatuloy ang konstruksyon ng base sa Balabac Island sa Palawan na nangwawasak sa kalikasan, namemerwisyo at nagpapalayas sa katutubong mamamayan doon.

Mulat na nagpapakasangkapan si Marcos Jr. sa mga pakana ng imperyalismong US sa Indo Pacific. Kasabay ng agresyong militar sa Pilipinas, iniutos ng US sa tutang si Marcos Jr. na pumasok sa kasunduang Pax Silica para magsilbi sa sariling karera ng US sa semiconductor laban sa China. Sa pamamagitan ng kasunduang ito, inihandog ni Marcos Jr. ang mga rare earth elements, critical mineral metals at malawak na lupain sa bansa para sa pagtatayo ng industriyang pangmilitar, teknolohiya at artificial intelligence sa kapakinabangan ng imperyalismong US. Gagamitin nito ang Luzon Economic Corridor na magsisilbing daungan at pabrika para likhain ang mga armas na kinakailangan ng US sa gera sa Indo Pacific.

Sa lahat ng mga patakarang ito, ang mamamayang Pilipino ang pangunahing nagdurusa. Sa pagdami ng mga base at espasyong ibinibigay ng tutang rehimen sa US, patuloy na tinatapakan ang pambansang soberanya, tinatanggalan ng kabuhayan at niyuyurakan ang karapatan ng mamamayang Pilipino sa sariling bayang sinilangan. Naghahari-harian ang mga tropa at negosyanteng Amerikano sa mismong teritoryo ng bansa dahil protektado sila ng reaksyunaryong batas. Patunay ito na hungkag ang “pagkakaibigan” ng Pilipinas at US at ang kawalang kalayaan ng bansa.

Samantala, tinatapatan ng dahas ng estado ang mga makabayang Pilipino na nagpapahayag ng kanilang galit at pagkamuhi sa pangyuyurak ng US sa pambansang soberanya at integridad ng mga Pilipino. Ginagamit nila ang AFP-PNP bilang mga asong ulol na naninibasib at sumusupil sa anumang makatarungang paglaban ng bayan. Pinopondohan sila hindi lamang ng reaksyunaryong gubyerno kundi ng imperyalismong US para ipagtanggol ang kanilang interes. Ang “modernisasyon” ng AFP ay hindi lamang pinagsisilbi sa “eksternal” na depensa kundi sa pagsugpo ng pakikibaka para sa tunay na kalayaan at demokrasya.

Ang pagsalig ng US sa pasismo at paghahasik ng gera sa iba’t ibang panig ng daigdig ay bahagi ng desperasyon nitong isalba ang sariling krisis ng monopolyong kapital. Marapat itong tapatan ng makauring dahas sa pamamagitan ng rebolusyong pinamumunuan ng mga Partido komunista na ginagabayan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo upang ibagsak ang imperyalismo at makalaya sa gapos nito.

Nananawagan ang MGC sa mga rebolusyonaryong pwersa na patuloy na bigkisin ang mga mamamayan ng rehiyon sa ilalim ng malapad na anti-imperyalistang alyansa. Pagsilbihin ito upang palakasin ang paglaban sa imperyalismong US at iba pang dayuhang kapangyarihan na nagpapahirap sa bayan. Ilapat sa buhay ng karaniwang mamamayan ang epekto ng imperyalismo sa kanilang araw-araw na buhay.

Tutulan at labanan ang garapalang pangyuyurak ng imperyalismong US sa pambansang soberanya ng bansa. Palakasin ang mga panawagang pagpapalayas sa mga pwersang Amerikano at kanilang mga base sa bansa. Marapat na igiit na ang pondo ng bayan para sa pasismo at gerang agresyon ay ilipat sa serbisyong panlipunan at iba pang programang kapaki-pakinabang sa mamamayan.

Kamtin ang ganap na paglaya sa imperyalismong US sa paglahok at pagsuporta sa demokratikong rebolusyong bayan na pangunahing isinusulong ng NPA. Nakahanda ang mga rebolusyonaryong pwersa sa rehiyon na ibigay ang lahat ng makakaya sa pagpapalakas ng Hukbong bayan. Sa tanglaw ng Partido at sa tuluy-tuloy na pagsusulong ng kilusang pagwawasto, nananatiling nasa tamang landas ang rebolusyonaryong kilusan para sa malaya at mas maaliwalas na bukas.

Magrebolusyon para wakasan ang relasyong amo at tuta ng imperyalismong US at Pilipinas