Pahayag

Gunitain ang kadakilaan ni Kasamang Jose Maria Sison!

Ang National Democratic Front-Cavite at lahat ng rebolusyonaryong mamamayan sa lalawigan ng Cavite ay nagpupugay sa pinakamataas na pamamaraan kay Kasamang Jose Maria Sison sa komemorasyon ng unang anibersaryo ng kanyang pagkamatay. Namartir si Ka Joma sa edad na 83 noong Disyembre 16, 2022 dahil sa malubhang karamdaman.

Dambuhalang inspirasyon ang hinuhugot ng mamamayan sa mahabang buhay at di-matatawarang ambag ni Kasamang Joma sa pambansa-demokratikong pakikibaka ng mamamayang Pilipino at pandaigdigang kilusang pagpapalaya laban sa Imperyalismo. Dinadakila at nagsisilbing kabang-yaman ng maniningning na aral at karanasan ng rebolusyonaryong kilusan ang deka-dekada na iginugol ni Ka Joma mula sa muling pagsisimula, pagpupundar ng lakas at pagsulong ng rebolusyon.

Dalubhasa siya sa unibersal na teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Mahusay na inintegra ni Ka Joma ang MLM sa teorya at praktika ng rebolusyong Pilipino na naghandog ng mga gintong aral na hanggang sa ngayon ay nananatiling lapat sa konkretong kundisyon ng ating lipunan. Dalawa sa mga pinaka kinilalang akda ni Ka Joma ay ang kanyang libro na “Lipunan at Rebolusyong Pilipino” at tinipong mga artikulo na “Makibaka para sa Pambansang Demokrasya” na nagmulat sa milyon-milyon at naging sanggunian sa napakaraming talakayan, diskusyon at lektura sa loob at labas ng mga pamantasan, pagawaan, komunidad ng maralita, sakahan maging sa kalsada na nagbunsod sa ahitasyon ng masa at laksa-laksa nilang pagmartsa sa kalsada at pagsampa sa kanayunan.

Nanguna si Ka Joma sa muling pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas sa ilalim ng gabay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo noong Disyembre 26, 1968 matapos tumahak sa rebisyunistang landas ang dating Partido sa ilalim ng nabubulok na pamumuno ng mga Lava at Taruc. Sa muling pagkakatatag ng Partido, inihalal si Ka Joma bilang tagapangulong tagapagtatag nito. Mula rito, maraming dokumentong isinulat si Ka Joma na naging gabay at nagsilbing sanggunian ng buong Partido at ng Komite Sentral nito sa paglalabas ng mga memorandum o direktiba sa mga kadre at kasapi nito.

Kanyang pinangunahan ang paglaban sa paglitaw ng rebisyunismo sa loob ng Partido at ang mga rebisyunistang taksil na umaatake, pumipinsala at naglilihis sa linyang tinatanganan ng PKP. Gumabay at umagapay si Ka Joma sa paglulungsad ng mga kilusang pagwawasto sa loob ng Partido matapos ang serye ng mga malubhang pagkakamali nito noong dekada 80’s. Samu’t saring dokumento ang kanyang isinulat sa ilalim ng mga nom de guerre na Amado Guerrero at Armando Liwanag na bumabaka sa modernong rebisyunismo at naninindigan para sa sosyalismo. Hanggang ngayon, malawakan itong ginagamit upang puksain at arestuhin ang anumang bahid ng mga nakakapaminsalang pagkakamali o paglihis sa linya ng Partido. Nagbigay daan ang mga aral na ito sa preserbasyon ng panibagong-lakas na ipinundar sa paglipas ng ilang dekadang pagpupunyagi ng rebolusyonaryong kilusan.

Ibinalangkas rin ni Ka Joma ang mga dokumentong sumapol sa mga saligang katangian ng Pilipinas at mga kundisyon upang ilungsad ang armadong pakikibaka sa bansa. Nilatag ni Ka Joma ang mga estratehiya at taktika ng digmang bayan sa kanyang isinulat na “Mga Partikular na Katangian ng ating Digmang Bayan” na halaw mula sa mga karanasan ng mga matatagumpay na digmang bayan ng lipunang mala-kolonyal at mala-pyudal sa Tsina at Vietnam, at malikhaing nilapat sa partikular na mga katangian ng Pilipinas. Nang itatag ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) noong 1969, malaki ang naging papel ni Ka Joma at ng kanyang mga turo upang matamang direksyunan at gabayan ang BHB sa inilulungsad nitong armadong pakikibaka sa kanayunan. Kasaysayan ang nagpatunay na ginintuan ang aral ni Ka Joma dahil mula sa maliit ay nakapagpalawak at nakapagpalakas nang husto ang BHB sa iba’t ibang rehiyon at isla. Higit na ikinalat ang apoy ng rebolusyon sa iba’t ibang panig ng bansa at nakapagkamit ng malalaki at maliliit na tagumpay sa loob ng mahigit limang (5) dekada.

Kinilala si Ka Joma hindi lamang sa buong Pilipinas kundi pati na rin sa iba’t ibang bansang may kalakip na inilulunsad na rebolusyon o kilusang pagpapalaya. Pinagkukuhaan ng mayamang inspirasyon ang mga aral at karanasan ni Ka Joma lalo’t nasa unahan siya ng pagbubuo ng isang malapad na kilusang anti-imperyalista partikular nang manguna siya sa pagbubuo ng International League of People’s Struggle (ILPS) na maging sa ngayon ay mangahas na nagpapatuloy sa gitna ng papatinding agresyon ng mga Imperyalistang bayan. Maraming aktibista at rebolusyonaryong nagmula sa India, Germany, US at iba pang bansa ang lubos na humanga sa angking husay ni Ka Joma sa teorya ng proletaryado. Pinaghahalawan ang kanyang mga isinulat na dokumento at artikulo para sa higit na pagpapatalas ng suri hinggil sa pandaigdigang krisis ng sistemang kapitalista, pagpapaigting ng anti-imperyalistang pakikibaka ng aping-mamamayan ng daigdig at pagpapaunlad ng internasyunalismo sa pagitan ng iba pang mga Partido Komunista, Partido ng mga Manggagawa at mga anti-imperyalistang bayan. Lubos naman siyang kinamuhian ng mga nagdaang pasistang rehimen lalo ng Imperyalismong US nang bansagan siyang terorista kasama ang PKP-BHB-NDFP. Patunay ito na nagsisilbing taliba sa pandaigdigang kilusang komunista ang PKP bilang mayroong pinakamahabang digmang bayan na inilulungsad.

Ito ang pinakamainam na panahon upang balik-balikan ang mga gintong aral na iniwan ni Ka Joma. Ang kanyang mga aral at karanasan ang magsisilbing gabay sa pagsusulong ng ating mga rebolusyonaryong tungkulin. Marapat lamang na humugot tayo ng mas malalaking inspirasyon lalo sa ating pagpapakadalubhasa sa unibersal na teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Iniwanan tayo ni Ka Joma ng kabang-yaman ng kanyang mga walang-kupas na aral at sulatin na magiging makapangyarihang sandata ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan ng mamamayang Pilipino. Sa ganitong diwa, mananatiling buhay ang tanglaw ni Ka Joma sa puso ng lahat ng mamamayan.

Ngayong kumukubabaw sa Pilipinas ang krisis ng mala-kolonyal at mala-pyudal na lipunan, papatinding agresyon ng Imperyalismo, marahas na opensiba ng neoliberalismo at pasistang teror ng rehimeng US-Marcos II, ang lahat ng rebolusyonaryong mamamayan ay mayroong mahigpit na tungkulin na magbalik-aral sa mga akda ni Ka Joma. Mahigpit na tungkulin ng mamamayan na mahigpit na tanganan ang mga rebolusyonaryong tungkulin, palawakin at patatagin nang husto ang ating hanay. Kinakailangang makapagpasulpot tayo ng libo-libong kabataang pulang mandirigma na sasampa sa Bagong Hukbong Bayan at kadre ng Partido na hahawak sa mas mabibigat na responsibilidad sa rebolusyon. Kinakailangang makapagpundar ng panibagong-lakas para sa ibayong pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon ng mamamayan hanggang sa makamit natin ang sosyalismo. Sa ganitong pamamaraan natin malulubos ang pagdakila ng buhay at pakikibaka ni Kasamang Jose Maria Sison. Mabuhay si Ka Joma! Mabuhay ang rebolusyong Pilipino!

Gunitain ang kadakilaan ni Kasamang Jose Maria Sison!