Hustisya para kay Ericson Acosta, tunay na rebolusyonaryo at artista ng bayan!
Pinakamataas na pagpupugay ang iginagawad ng Artista at Manunulat ng Sambayanan-Timog Katagalugan (ARMAS-TK) kay Ericson Acosta na namartir noong Nobyembre 30. Dinukot at brutal na pinatay ng 94th at 47th IB ang NDFP peace consultant na si Ericson Acosta at kasamahan niyang organisador ng magsasaka na si Joseph Jimenez sa Barangay Camansi, Kabankalan City, Negros Occidental alas-2 ng madaling araw. Kapwa hindi armado ang dalawang biktima ngunit walang kahihiyang pinalalabas ng AFP na namatay sila sa engkwentro.
Si Ericson Acosta ay rebolusyonaryong makata at artista ng bayan na naorganisa sa University of the Philippines Diliman at naging kasapi ng Alay Sining at editor ng kultura ng Philippine Collegian. Niyakap niya ang buhay at pakikibaka ng masang anakpawis at nag-organisa sa hanay ng mga magsasaka. Bagamat iligal na hinuli at ikinulong noong 2011, mahigpit na tinanganan ni Acosta ang pagsusulong ng rebolusyon at higit na nilinang ang kahusayan sa rebolusyonaryong sining at panitikan hanggang makalaya noong 2013.
Tumindig at ibinandila ni Ericson ang pambansa, siyentipiko at makamasang kultura. Buong-tapang niyang itinanghal ang katumpakan ng demokratikong rebolusyong bayan. Ang kanyang mga awit at tula na nangungusap hanggang kaibuturan ay tumatak at pumukaw sa maraming manggagawa, magsasaka at kabataang intelektwal upang tanganan ang paglaban sa estadong mapanupil at sumisikil sa kalayaan at demokrasya. Ito ang kanyang pamana at ambag sa dakilang rebolusyonaryong pakikibaka ng mga manggagawang pangkultura na kaisa ng sambayanang Pilipino para ibagsak ang estadong malakolonyal at malapyudal.
Bulok at umaalingasaw ang kulturang ipinalulunok ng estado sa paghahari ng imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo na naglalayong kitlin ang diwang palaban at makabayan ng sambayanang Pilipino. Nais nitong pipilan ang rebolusyonaryo at progresibong mga artista at kritiko sa pamamagitan ng pananakot, intimidasyon at sa kasukdula’y pagpaslang sa mga tulad ni Ericson.
Nakikiisa ang ARMAS-TK sa mga manggagawang pangkultura at sa malawak na hanay ng mamamayang nananawagan ng hustisya para kay Ericson at iba pang biktima ng terorismo ng estado. Singilin ang ilehitimong rehimeng US-Marcos-Duterte at AFP-PNP sa pagpaslang sa mga tunay na bayani ng sambayanan na naglalaan ng kanilang buong buhay para paglingkuran ang masang inaapi’t pinagsasamantalahan.
Nararapat tularan si Ericson kasama ang iba pang mga manggagawang pangkultura tulad nina Kerima Tariman, martir na asawa ni Ericson, Parts Bagani o Jhon Niebres Peñaranda at Mayamor o Felix Salditos at Emmanuel Lacaba na inialay ang kanilang buhay para sa masang anakpawis. Ginamit nilang matalim na sandata ang rebolusyonaryong sining at panitikan upang bigwasan ang pasismo at panlilinlang ng reaksyunaryong gubyerno. Hinahamon ng ARMAS-TK ang lahat ng makabayang artista at manunulat na lumahok sa pambansa-demokratikong rebolusyon upang palayain ang sambayanan.
Hustisya para kina Ericson Acosta, Joseph Jimenez at lahat ng biktima ng inhustisya at pamamaslang ng pasista-teroristang estado!
Dakilain ang buhay-pakikibaka at sining ni Ericson Acosta!
Mabuhay ang pambansa, siyentipiko at makamasang sining at panitikan!###